"Osige misis, salamat sa nilaan ninyong oras para sagutin ang mga tanong ko. Mauna na po kami."

"Makikipag-ugnayan na lang po kami sa inyo sakaling mayroong pagbabago sa kasong ito, asahan niyo na gagawin namin ang lahat para mahuli ang criminal," pagpapaalam ng pulis sa kanya. Kinuha ng pulis ang kanyang numero para ma-update sa kaso ng kanyang pamangkin.

"Sige. Maraming salamat, mag-iingat po kayo," paalam din ni Divine habang umiiyak.

Pinagmasdan ni Divine ang sala kung saan nagkalat ang dugo ni Brenda. Gusto man niyang pigilan ay patuloy na umaagos ang luha sa kanyang mga mata lalo na't naiisip niya na sana ay pinilit na lang niyang isama si Brenda kahit ayaw pa nito.

"Ma?" Nagulat siya ng makita ang pupungas-pungas na si Liza

"Oh? Anak, bakit nagising ka?" gulat na tanong niya sa anak, nilapitan niya ito upang buhatin.

"Nasaan po si Tita Brenda?" balik na tanong ni Liza sa kanyang ina.

Hindi alam ni Divine kung ano ang isasagot sa tanong ng anak, nabigla siya dahil hindi niya napaghandaan ang sitwasyong iyon. Isa pa ay masyadong malapit ang anak na si Liza sa tita nito, palibhasa ay si Brenda na ang halos naging pangalawang ina niya.

"Ahh, hindi pa umuuwi ang tita mo anak, nasa paaralan pa siya. Matulog ka na muna, bukas ay dadating na 'yun," alibi niya sa anak, hindi niya alam kung paano ipapaliwanag dito ang kaawa-awang sinapit ni Brenda.

"Nakita ko po siya kanina mama, nasa kuwarto po at umiiyak. Kaya nga po ako nagising eh. Puro dugo po siya, patay na po ba si Tita Brenda?" inosenteng tanong ni Liza sa kanyang ina, nagulat naman si Divine sa sinabi ng anak. Mas lalong hindi niya alam ang isasagot sa sumunod na tanong nito. Nakaramdam siya ng kaba sa sinabi ng anak.

"Ahhmmm, anak." Tumulo ang kanyang luha kaya't agad niya itong pinunasan, napansin naman ito ni Liza at muling nagtanong sa ina.

"Umiiyak ka po ba mama? Kaya ka po ba umiiyak dahil patay na si Tita Brenda?" magkasunod niyang tanong. Parang iiyak na din si Liza habang kausap ang ina.

"Baby, bukas ko na ipapaliwanag sa iyo ha? Sa ngayon, matulog ka na muna. Pagod na din kasi si mama," muling iwas sa tanong ng anak. Hindi na nagtanong pa si Liza at niyakap na lang ang ina.

Ilang oras pa ang lumipas bago nakatulog si Liza, nang masigurong tulog na ang anak ay lumabas siya ng kuwarto upang magtimpla ng kape.

"Ate Divine?" Galing ito sa kakilalang boses, si Faye.

Agad na binuksan ni Divine ang pinto para papasukin ito, nagyakapan ang dalawa at nagbigay ng pakikiramay sa isa't-isa.

Bumuhos ang mga luha sa kanilang mga mata, hindi nila napigilang alalahanin ang mga masasayang sandali kapiling ang napaka-masiyahing si Brenda. Tahimik ang paligid at tanging hikbi lang nilang dalawa ang iyong maririnig.

"Hindi ko alam kung paano ko ito ipapaliwanag sa kuya niya. Lalo na sa mga magulang niya," pagbasag ni Divine sa katahimikan.

"Masyado pa siyang bata, mataas ang pangarap niya para sa kanyang pamilya pero hindi na ito matutupad dahil lang sa hayop na gumawa nito," patuloy pa niya, halata sa kanyang pananalita ang poot na nararamdaman.

"Nag-text na kami kay Kuya Bryan, hindi pa siya sumasagot pero sinabi ko na tawagan niya kami kaagad kapag nabasa niya 'yung mensahe ko. Tinawagan ko na sina Tiya Cora, alam na nila. Iyak nga nang iyak noong kausap ko. Hinihintay din nila ang tawag ni Kuya Bryan. Wala pa daw kasi silang perang pamasahe para makaluwas at makuha ang bangkay ni Brenda," tugon ni Faye habang hinahagod ang likod ng hindi pa din tumitigil sa pag-iyak na si Divine.

"Ganun ba. Kumusta naman ang mama mo? Marahil ay hindi niya kinaya ang sinapit ni Brenda," tanong ni Divine kay Faye.

"Ayun, pinatulog ko na. Iyak nga nang iyak kanina noong makita ang hitsura ni Brenda, muntik ko na ngang isugod sa ospital dahil hindi daw siya makahinga," kuwento nito kay Divine.

"Eh ikaw? Bakit hindi ka pa natutulog? Anong oras na ah," tanong niyang muli kay Faye. Kumuha siya saglit ng tasa upang timplahan ng kape ang huli.

"Hinihintay ko pa si Miguel, inimbitahan siya ng mga pulis para daw sa ilang katanungan," sagot ni Faye nang bumalik si Divine dala-dala ang tasang kinuha niya.

"Oo nga pala, siya daw ang unang nakakita kay Brenda," saad ni Divine.

Sa gitna ng kuwentuhan ay dumating ang kanilang pinag-uusapan na si Miguel, nakita nila itong huminto sa tapat ng pintuan ng bahay nina Divine.

"Ito na pala si Miguel. Halika Miguel, samahan mo kaming mag-kape,
sigaw ni Divine sa kararating lang na si Miguel.

Nagulat sila sa reaksyon ng mukha nito, takot na takot ito habang nakatingin sa kanila. Para itong nakakita ng multo, ilang segundo siya sa ganung kalagayan hanggang sa pumikit-pikit ito at kinusot ang mga mata. Nagkatinginan na lang ang dalawa sa inasal ni Miguel. 

THE PLAYMATEWhere stories live. Discover now