Chapter 10

3.7K 157 15
                                    

“GOOD MORNING, NIC,” bati ni Marky. Palabas nito ng gate, may akay na motor.

“Good morning din sa iyo, Marky. At sa lahat ng tao sa buong mundo. Maliban sa impertinente, judgmental at topakin na kuya mo,” nakangiting sagot niya na sinuklian ng halakhak ni Marky.

“Saan pala ang punta mo? Ang aga mo yatang nakagayak ngayon?”

“Sa tindahan n’yo. Pipick-upin ko na kay Becks yung mga order ko.  Maaga ako, kasi kagabi pa nasundo yung mga bata. Mag-oout of town daw sila.”

“Mag-oopen na rin ako ng motorshop. Iisa lang pala tayo ng pupuntahan, e di sumabay ka na sa akin.”

“Sasabay ako? Babagalan mo ang patakbo?” aniya, itinuro ang motor na akay nito.

Napatingala siya sa lalaking lumabas ng teresa sa ikalawang palapag ng bahay, may hawak na mug at dyaryo, halatang bagong ligo pero shorts na gawa sa patahian ng ina nito at t-shirt na sinadyang alisin ang mangas ang suot. Mukhang kwarto nito ang mismong katapat ng bahay ng ate niya.

“Buo na ba ang araw mo?”

“Ha?” napakunot-noo siya pero hindi naman nilingon si Marky, nakatingala pa rin sa binata na hindi yata napansin na naroon sila sa baba.

Kinuha ni Monica ang cellphone at izinoom ang camera para mas mabistahan si Gregorio.

“At hindi pa talaga nakuntento sa tingin. Kinuhaan pa. Gusto mo nakatingin? Tawagin ko si Kuya,” ani Macario na hindi man lang itinago ang panunudyo sa boses.

“Wag kang assuming diyan! Gagamitin ko ito kasi ipapakulam ko na iyang kuya mo,” ani Monica, nakatingin pa rin screen ng cellphone, pinagmamasdan ang lalaki na nakaupo at nag-umpisa nang buklatin ang dyaryo. Napangiti si Monica bago pinindot ang camera.

Ang halakhak ni Marky ang dahilan kaya napalingon sa kanila ang lalaking ilang ulit pa niyang nakuhaan ng stolen shot.

“Kuya!” ani Marky sa pagitan ng mga halakhak, “Si Nic, may balak sa iyong masama!”

“Ano?” pasigaw na tanong ni Gregorio.

“Gagayumahin kita, aakitin tapos uubusin ko ang pera mo!” ani Monica kay Gregorio bago binalingan si Marky at dinilatan. “Itanong mo pa dito kay Macario!”

Lalo namang lumakas ang tawa ng binatang kaharap niya.

“Loka-loka ka talaga, Nic,” anang tatawa-tawa pa ring si Marky.

“I know. Thank you,” ani Monica na yumukod pa. Sinulyapan ang lalaking tuluyan nang binitawan ang dyaryo, nakasandal sa poste ng terrace, hawak ang mug at nakatingin sa kanila.

“At speaking of maaga, gusto kong makauwi nang maaga sa Laguna kaya uuna na ako sa'yo,” ani Monica. Nakatanaw sa tricyle na palapit sa gawi nila.

Nasabi na ng nanay niya na nitong mga nakaraang araw ay laging masama ang pakiramdam ng ama niya. Sinabihan niyang magpacheck-up, pero ayaw daw ng ama niya. Nakukuha pa naman daw sa pag-inom ng mga over the counter na gamot ang sama ng pakiramdam nito.

At gusto niyang makauwi nang maaga para kausapin ang ama, at humanap na rin ng makakatulong nito sa bukid at sa pag-aalaga ng mga itik nila.

“Sa akin ka na sumabay. Para may gwapong driver ka na, libre pasahe ka pa.”

Napatawa si Monica, “Nakumbinsi mo ako dun sa libre pasahe.”

“Dun sa gwapong driver, hindi?”

Bahagya niyang nilukot ang mukha, “You know, hindi kasama sa level of awesomeness ko ang pagsisinungaling,” sagot niya bago kinuha ang isa pang helmet na kinuha ni Marky sa utility box.

Nagpatawa si Marky habang isinusuot rin ang sariling helmet. Pagsakay niya sa motor ay tinapik muna niya ito sa balikat bago kumapit doon, “Dahan-dahan lang, ha!”

“Oo. Wag kang mag-alala. Di kita gagasgasan. Takot ko lang kaya sa...” ani Marky, binuhay na ang makina kaya hindi niya masyadong naintindihan ang huling sinabi nito.
“Ano?”

“Wala, kako takot ko lang magasgasan ka,” sagot si Marky bago pinatakbo ang motor.

********

EKSAKTONG nagbubukas ng tindahan si Rebecca nang tumigil ang motor. Ngumiti ito nang lumingon sa kanila.

“Nic naman. Please. Pumayag ka na,” anang lalaki nang iabot niya rito ang hinubad na helmet.

Napatawa siyang muli, “Pag-iisipan ko.”

“Oorder ako ng isang-daang leche flan, pumayag ka lang.”

Umangat ang kilay niya. Ilang segundong pinagmasdan ito. “Magtitino ka na? Hindi mo na ako ipapahiya?”

“Hindi na. Promise. Seryoso talaga ako ngayon.”

Pinanliitan niya ito ng mata at ilang segundong pinakatitigan ang binatang hindi rin nakurap at sinalubong ang tingin niya.

Seryoso nga talaga ang tinamaan ng magaling. Ngumiti siya at itinaas ang kamay, nakipag-pinky swear sa binata bago ito tinalikuran.

“Good morning, Pretty Becky!” aniya habang naglalakad palapit sa babae.

“Good morning, Ate Monica,” nakangiting sagot nito bago itinulak pabukas ang pinto. “May bagong designs ng damit na dinala si Hannah rito kahapon. Tingnan mo, baka magustuhan mo.”

“Marky, kapag dumating yung tao dito sa kabila, sabihan mo ako, ha,” ani Monica. Itinuro niya ang nakasarado pang cellphone store.

“Bakit?” nakakunot-noong tanong nito.

“Basta! Wag kang tsismoso. Sumunod ka na lang,” aniya bago muling bumaling kay Rebecca, umabrisyete pa siya sa babae. “Kung naging lalaki lang ako, niligawan na talaga kita.”

Napatawa si Rebecca, “Buti na lang talaga Ate, babae ka.”

“Ouch! Di mo ko type? Kung naging lalaki ako, gwapo akong tiyak!”

“Hindi ko pamantayan ang gwapo, Ate. Ang gusto ko seryoso, hindi playboy, hindi pafall.”

“Sabi ko nga,” aniya na nagkibit-balikat.

Nagkibit-balikat din si Rebecca, pumasok sa loob ng counter at inilagay sa ibabaw noon ang mga items na nauna na niyang nai-chat dito kahapon.

“Wala sa plano kong maging NBSB tapos ang unang relasyon na papasukin ay sa lalaking makakita lang ng nakapalda, papatusin na,” ani Rebecca na umiiling pa.

“Amen. Hirap naman talagang pumatol sa lalaking paaasahin ka lang, tapos sa huli sasaktan ka. Danas ko ‘yan,” aniya habang tinitingnan ang mga items na order.

Nagkibit-balikat si Rebecca, “Willing akong tumandang dalaga kung hindi ako makakakita ng lalaking alam ko na seseryosohin talaga ako. Yung sigurado ako na sa dambana ako dadalhin at hindi sa kama.”

Napangiti si Monica, gano’n siya dati. Umasa na sa dambana ang hantungan ng unang relasyong pinasok. Kaso...

Bumuntong-hininga si Monica at hindi na nagkumento.

Makalipas ang ilang sandali ay bumukas ang pinto ng tindahan, si Marky ang nalingunan niya, “Nic, dumating na yung katiwala nina Tim.”

“Siya! Ako’y lalarga na pala.”

“Tinataguan mo? May atraso ka ba sa mga tsino d'yan sa kabila?”

“Wala, ha! Sila nga ang gusto akong masilo. Ganda ko kasi,” ani Monica. Nakailang balik na rin si Tim sa bahay nila. Hindi rin naman nagtatagal doon ang binata. Binibigyan lang siya ng kung ano-anong pasalubong, tapos ay aalis na rin makalipas ang ilang sandali.

“Wow! Ang gaan ng bangko mo, Nic,” natatawang sagot ni Marky na nakalapit na sa counter.

“Macario, akala ko, magbubukas ka ng motorshop?” nakakunot-noong tanong ni Gregorio pagpasok sa tindahan.

Umangat ang kilay ni Monica. Ang bilis naman nito. Nagkakape pa kanina sa teresa, nadito na kaagad?

Monica, Raketera (PUBLISHED @ ebookware)Where stories live. Discover now