Ikaw Na Gusto Kong Sabihan

34 2 0
                                    

Nandito na naman ako... nagsusulat ng mga tula na nakalaan para sa'yo. Inilalapat ang bawat damdamin na gustong-gusto kong ipagtapat sa'yo. Dinidikta sa piraso ng mga papel ang mga salitang alam kong imposibleng masabi ko sa'yo. Dahil ang pagitan natin ay langit at lupa. Ang masakit pa doon, nailubog pa ako ng baha.

Nakausap mo na naman siya. Sigurado ako diyan. Kumikinang ang mga mata mo at nakangiti ka na abot hanggang tainga. Palapit ka na naman sa akin at sigurado ako kung ano ang iyong sasabihin.

"Nakausap ko siya."

Lagi namang siya.

"Hmm... anong sabi?"

"Nagtanong lang tungkol sa assignment."

"Masaya ka na?"

Masaya ka na non?

"Oo, nakausap ko pa rin siya kahit papano."

Lahat ng mga hinanakit, ng mga bagay na aking kinikimkim, lahat ng sikreto na nakabaon dito sa puso ko... lahat iyon ay aking inihahayag dito sa piraso ng papel. Ayokong tuluyang masira ang lahat ng aking pinaghirapan. Kahit ako man ay masaktan, basta't nasa aking tabi ka lamang.

"Ang hirap..."

"Huh?"

"Ang hirap ng assignment sa math."

"Oo nga, papaturo nga ko kay Vilma."

"Patingin na lang ako pag tapos ka na."

Kailan ka ba matatapos sa kanya?

"Sige lang."

______________________________________

Ang lakas ng ulan. Mukhang nakikisabay pa sa akin itong panahon. Okay na, huwag mo ng ipamukha. Alam ko naman na. Masakit na nga. Ano pa bang sakit ang gusto mong iparamdam sa akin?

"Tapos ka na maglinis?"

Tumatakbo ka na naman palapit sa akin. Di ko maiwasang umasa na ako ay iyong mamahalin. Sana.

"Oo, tapos na ko."

Binuksan ko ang bag ko para kunin sana ang payong ko. Nak ng baka. Sa dami-dami ng pwedeng makalimutan payong ko pa. Bakit di na lang ikaw ang makalimutan ko?

"Di ko dala payong ko."

"Huh?! Tag-ulan ngayon tapos wala kang payong?!"

Oo nga, tag-ulan nga ngayon. Kahit naman ang payong ay di ako mabibigyan ng proteksyon. Mula sa matatalim na patak. Na sa bawat pagtama sa aking balat, sa puso ko'y tumatarak.

"May payong ako, di ko lang dala."

"Silong ka na lang sa kin?"

Nailabas mo na ang payong mo. Kulay asul, paborito mong kulay. Malaki naman para sa ating dalawa. Pero di pupwedeng magkasya tayong tatlo. May isa talagang kailangang maiwan. Sakto namang dumating siya, at mukhang wala din siyang payong.

"Junzel, wala ka ding payong?"

"Ay... nakalimutan ko."

Tinignan mo ko. Alam kong nagtatalo na ang isip at puso mo. Kaibigan mo ko at ako ang una mong inalok. Pero tila may bumubulong sa'yo na gusto mong sumubok. At ito na ang pagkakataon mo. Alam ko. Alam ko kung anong gusto mong sabihin.

"Makisukob ka na lang kay Cris."

Hindi iyan ang mga salitang gusto kong sabihin sa'yo. Ngunit iyan ang mga salitang dapat kong sabihin.

"Cris, ok lang ba makisukob?"

Tumingin ka sa akin. Alam ko kung anong tanong ang naglalaro sa iyong isip. 'Paano ako?' Sanay naman na ako. Sanay na akong palaging naiiwang mag-isa. Sanay na akong mag-isa at nasasaktan pa.

"Text ko na lang si Papa. Papasundo na lang ako."

Palusot. Bukod sa pagsusulat, sa mga ganyang bagay din ako bihasa. Ang magpalusot at magsinungaling.

"Sige. Una na kami."

Binuksan mo na ang payong mo. Sumukob naman siya sa'yo. Halos magkadikit na ang inyong mga balat. At ako, naiwang nandito at unti-unti nang nagkakalamat.

"Wala naman ako number ni Papa. Pano ko magpapasundo?"

Ikaw, ikaw na gusto kong sabihan... ng aking nararamdaman. Ikaw, ikaw na matalik kong kaibigan. Kaya naman alam kong pareho lamang tayong masasaktan. Ikaw, ikaw na hindi ko dapat sabihan.

Wala akong ibang pagpipilian kung hindi ang suungin ang ulan. Maligo, maiwang tuliro habang nagtatampisaw dito sa ulan. Bawat patak, parang sinasakal ang puso ko. Bakit nga ba? Bakit nga ba ako nagkakaganito? Bakit ikaw pa? Bakit siya pa?

Mabigat sa balikat ang bawat pagtama ng mga patak. Ramdam na ramdam ko ang pagsaksak. Ang hirap huminga. Ang hirap magsalita. Hindi ako makagalaw. Parang gusto ko nang pumanaw. Lagi akong naiiwang tuliro. Lagi akong naiiwang nalilito. Habang nagdudusa sa pighati at sakit. Habang itinatago itong nararamdamang pilit.

Ikaw na gusto kong sabihan ng mga kwento sa kung paanong ako ay tuluyan ng sa'yo ay nahulog. Ikaw na gusto kong sabihan na kung maaari sana'y sagipin mo ko dahil masyadong mataas. Ikaw na gusto kong sabihan na pulitin iyang puso ko na nagkapira-piraso at nagkadurog-durog. Ikaw na gusto kong sabihan ng mahal na mahal kita nang pagkalakas-lakas.

Ikaw, ikaw na gusto kong sabihan... na dapat kong sabihan nitong aking mga nararamdaman, ng mga bagay na pumapasok sa aking isipan. Dahil ikaw ang matalik kong kaibigan. Ang problema lang, may iba pa sa pagtingin ko sa'yo. May iba pang gustong ipahiwatig itong aking puso.

Nakauwi naman ako ng matiwasay pagkatapos kong magpakalunod sa ulan. Napagalitan. Syempre, umuwi ba naman akong basang-basa. Bakit daw di ako humiram ng payong o nakisukob sa mga kaklase ko. Gusto ko sana.

Naligo ako at nagbihis na ng damit pambahay at nagkulong na agad sa kwarto ko. Tumunog ang cellphone ko. Alam ko na yan. Ako ay aasa na naman.

'Nakauwi ka na?'

Text galing sa'yo.

'Oo.'

'Nag-aalala Mama mo. Sabi niya 8 na daw wala ka pa. Ano bang ginawa mo?'

'Nagtampisaw.'

'Baka magkasakit ka?'

Ayokong nag-aalala ka. Ayoko, kasi ako ay napapaasa.

'Malakas resistensiya ko.'

Di na ko naghintay ng reply mo. Di pala. Di ko na kayang magreply sa irereply mo kasi baka ikaw na gusto kong sabihan... talagang masabihan ko sa pagkakataong iyon.

Ako, Ikaw, at SiyaWhere stories live. Discover now