Papasok na sana siya sa gate nang tawagin siya ni Zeus. Nang tanungin naman niya ito kung bakit ay hindi ito makasagot.

"Wala, sige na. Pumasok ka na."

Ngumiti lang siya at tumango. Hanggang pagpasok niya sa loob ng bahay ay bitbit niya ang ngiting iyon.

"BLOOMING ang isa r'yan," ani Yelena nang magkita sila sa opisina.

"Naglugay lang ako ng buhok, blooming na?" nakataas ang isang kilay na tanong ni Bettina rito.

"Nakangiti kang mag-isa, girl," nanunudyong kantyaw nito sa kanya. "Si Zeus na naman, 'no?"

"Masamang ngumiti?" defensive niyang tanong.

"Masama lalo na kung mag-isa ka lang. Huwag mong sabihing seryoso ka na agad sa lalaking iyon?"

"Ano naman ang masama kung magseryoso si Bettina kay Zeus?" tanong ni Joyce na hindi niya alam na naroon na pala. "May Eba bang hindi magkakagusto sa ganoong ka-hot na Adan? And speaking of Zeus, familiar siya at kahapon ko lang naalala kung saan ko siya nakita."

"You saw him before?" curious na tanong ni Bettina kay Joyce.

"Sikat na songwriter iyon! Nakita ko na siyang tumanggap ng award sa TV dati. Zeus Del Castillo."

She heard that name before. At oo, magaling nga itong songwriter dahil marami itong nagawang kantang sumikat. Ngunit hindi niya alam na ganoong kagwapo ang songwriter na iyon. Akala pa nga niya ay matanda na ang songwriter.

"Sikat pala si Zeus," wala sa sariling nasabi niya.

"Oo, girl!" bulalas ni Joyce. "At ang suwerte-suwerte mo."

"Bakit naman ako suwerte?"

"Ano pa ba ang hahanapin mo sa lalaking iyon? Gwapo, hot, may datung, sikat," excited na sabi ni Joyce.

"At may ibang gusto," dagdag ni Bettina. "Wala kaming relasyon kung iyan ang iniisip ninyo. Magkapitbahay lang kami 'nun."

"Ikaw na ang pinagpala sa babaeng lahat. Araw-araw mong makikita ang greek god na iyon!" ani Yelena.

Napangiti si Bettina. May punto si Yelena. Suwerte nga siya dahil may pagkakataon siyang makita ang kakisigan ni Zeus araw-araw.

"Baka puwedeng dumalaw sa bahay mo mamaya," nakangising sabi ng bagong dating na si Gracia. Sa ngiti nito ay mukhang narinig na nito kung ano ang pinag-uusapan nila.

"Ayoko," nakangiting sagot ni Bettina.

"Alam mo ang damot mo," nakasimangot na wika ni Gracia. "Noong huling nagpunta ako sa bahay, nag-behave naman ako, ah?"

"Hindi ko naman birthday at wala naman akong sakit. Bakit ka dadalaw sa'kin?" biro niya rito.

"Ang damot mo!" anito saka siya inirapan ng matindi. Nag-walk out pa ang bruha, dumiretso na sa cubicle niya. Siyempre ay nagbibiro lang ito. Madalas itong baliw-baliwan pero alam niyang hindi siya tataluhin kahit kailan.

"Hayaan mo 'yan si Gracia. Huwag mong hahayaang maagawan ka niyan," pabirong bulong ni Joyce sa kanya.

"At dahil may hottie kang neighbor, aba'y ayusin mo 'yang itsura mo. Kung brokenhearted ang greek god, vulnerable iyan. Akitin mo na habang maaga at baka maunahan ka pa," ani Yelena.

"Iyan na naman kayo," nakasimangot niyang wika.

"Aba, Bettina, hindi ka na pabata. Hindi ka maghihintay na lang sa lalaki. Effort-effort 'pag may time. Mamaya, mamili tayo ng magandang damit. Itapon mo na iyang ka-manang-an mo at hindi ka magkakapamilya riyan," panenermon ni Joyce.

Ako Lang Ang Nagmahal (Published under PHR)Where stories live. Discover now