Chapter 3

16K 219 2
                                    

NAGTUNGO si Bettina sa grocery nang maalalang wala na siyang stocks sa bahay. Dahil day off niya ay magluluto siya ng hapunan. Hindi niya na masyadong nahahasa ang cooking skills niya dahil kadalasan ay isang beses sa isang linggo na lang siya nagluluto dahil maghapon siya sa opisina. Pag-uwi niya ay may dala na siyang pagkain mula sa isang restaurant. Sa umaga naman, kadalasan ay kape at tinapay lang siya. Kapag medyo ginaganahan, nagpiprito siya ng itlog o ng kahit na anong processed meat sa ref niya.

Pag-uwi ay agad siyang nagluto ng menudo. Maayos na sana ang lahat kung hindi niya lang nakalimutang bumili ng paminta sa grocery. "Inis!" reklamo niya. Ipinatay muna niya ang kalan bago napilitang lumabas ng bahay para bumili ng paminta. Mabuti na lang at may maliit na tindahan na tatlong bahay lang ang pagitan mula sa bahay niya.

Nakabili na siya at pauwi na sana nang makita niya si Zeus. Pumasok ito sa gate na katapat ng bahay niya. Ang alam niya ay bakante ang bahay na iyon dahil nasa Singapore ang may-ari. Nang hindi niya na nakita ang lalaki ay nagmamadali na rin siyang pumasok sa bahay niya. Mamaya na siya mag-e-embistiga, lalagyan muna niya ng paminta ang menudo.

Kinuha ni Bettina ang walis tingting at pasimpleng lumabas ng kanyang bakuran pagkatapos niyang magluto. Sa ngalan ng pag-i-imbestiga, magwawalis siya sa labas ng kanyang bahay. Mabuti na lang at wala pang sampung minuto ay napansin na niya ang paglabas ni Zeus. Nagkunwari siyang hindi ito napansin.

"Hey!"

Nagkunwari siyang nagulat nang makita ito. "Ano ang ginagawa mo r'yan?" tanong niya saka inginuso ang gate na nilabasan nito.

"Diyan ako nakatira," sagot nito.

Dumako na naman ang mga mata niya sa labi nito kaya napalunok siya. Makita pa lang niya ang labing iyon ay kung saan-saan na nakakarating ang imahinasyon niya. Inilipat niya sa mga mata nito ang tingin niya at lalo siyang nailang dahil nakita niyang sa labi niya rin ito nakatingin.

"Kailan pa?" nakuha niyang itanong sa kabila ng pagkailang.

"Four days ago? Nagrerenta lang ako. I'm going to eat out, gusto mong sumama?"

"No," aniya saka umiling. "Nagluto ako ng ulam, eh."

"Ganoon ba? Sige, mauna na ako," paalam nito. Nakakaisang hakbang pa lang ito nang muli siyang balingan. Para itong biglang may naalala.

"What?" tanong ni Bettina.

Napasinghap siya ng bigyan siya nito ng mabilis na halik sa labi. "You're still not telling me your name," nakangising sabi nito.

"Bettina," sabi niya. Bigla siyang nataranta kaya nabanggit niya ang pangalan niya.

Ngumiti si Zeus. "I like your name."

"Marami akong niluto, sobra para sa'kin." Now you're invinting him in? Patay ka sa lola mo Bettina!

"Niyayaya mo ba akong kumain sa bahay mo?" tanong nito, mas lumapad ang ngiti.

"Sayang kasi kung hindi mauubos," pagdadahilan niya. Ang totoo, gusto niya pa itong makilala. Masama ba iyon?

Natawa si Zeus. "Sige. Gusto kong tikman ang iniluto mo." He said it in a sexy way. Tila ba may iba itong ibig sabihin.

Inirapan niya ang lalaki. "Tara na sa loob."

Paikot-ikot ang mga mata ni Zeus sa loob ng bahay niya. "Ang linis ng bahay mo," anito nang makaupo na sa harap ng mesa.

Ako Lang Ang Nagmahal (Published under PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon