Chapter 4

14.7K 216 1
                                    

HINDI mapigilan ni Bettina ang mapangiti habang kumakain silang dalawa ni Zeus. Natutuwa siya sa mga kilos ng lalaki at natutuwa siya na parang gusto siya nito. May maliit na parte rin niya ang natatakot na baka masyado niya lang binibigyan ng kahulugan ang lahat ng ginagawa nito. Baka kailangan niya munang humingi ng payo sa mga kaibigan niyang expert pagdating sa pakikipagrelasyon.

Lalaki ito at karamihan sa mga lalaki ay ang umi-score lang ang gusto. Ngunti ayaw tanggapin ni Bettina na ganoon lang sila, na ganoong klase ng lalaki si Zeus.

"Pasensya ka na, ha? Hindi kasi ako marunong magluto. Sa pagpiprito lang ako magaling," ani Zeus kapagkuwan.

"Hindi, ah?" she teased.

"Anong hindi?" nagtatakang tanong nito.

"Hindi ka lang sa pagpi-prito magaling," nakangising sagot niya.

"Don't start, Bettina. Marupok ako," nakangisi ring tugon nito.

"Ano ba ang iniisip mo? Magaling ka ring magkalat dito sa bahay mo," aniya saka tumawa ng malakas.

Naningkit ang mga mata ni Zeus at dahan-dahang inilapit ang mukha sa kanya. "Alam kong iba ang ibig mong sabihin," anito nang kahibla na lang ang layo ng labi sa labi niya.

Bigla ay nakalimutan niya kung paano ang huminga. "I-ikaw lang ang nag-iisip niyan," hindi niya magkandatutong sagot.

"Talaga?"

Napalunok si Bettina. Kaunting-kaunti na lang at dadapo na ang labi nito sa labi niya nang biglang may cellphone na nag-ring. Napaatras si Zeus at siya naman ay pasimpleng huminga ng malalim.

"Excuse me," ani Zeus, dinampot nito ang cellphone na nakapatong sa mesa. "I have to take this call."

"Sige lang," aniya saka bahagyang ngumiti. Nang lumayo si Zeus ay iniligpit na niya ang kinainan nila. Siya na ang nagkusang naghugas sa mga plato. Patapos na siya nang lapitan siya ni Zeus.

"Hindi mo na dapat hinugasan iyan," saway na naman nito sa kanya.

"Sagot mo ang dinner kaya dapat lang na ako ang magligpit ng pinagkainan," balewalang sagot niya. Iyon ang turo sa kanya ng lola niya. Kapag daw ipinagluto ka ng ibang tao, kagandahang asal na ikaw na ang magligpit ng pinagkainan.

"Gusto mong magkape?" imbes ay tanong ni Zeus.

"Baka masyado na kitang naaabala. Sa susunod na lang siguro."

"Okay. Ihahatid na kita sa bahay mo."

Hindi na nag-inarte pa si Bettina, hinayaan niyang ihatid siya ni Zeus dahil ilang hakbang lang naman ang pagitan ng mga bahay nila. "Paano? Sa uulitin," aniya kay Zeus nang nasa tapat na sila ng gate ng bahay niya.

"Sa susunod, maayos na ulam na ang ihahanda ko," nakangiting sabi ni Zeus.

"Masarap naman ang tocino, eh."

"May mas masarap pa 'dun," anito saka ngumiti ng makahulugan.

Sinundot niya ito sa tagiliran. "Ikaw talaga!"

"Iba na naman iyang iniisip mo," natatawang sagot nito.

"'Sus! Kunwari ka pa. O siya, papasok na ako. Salamat sa hapunan."

Naalala niya ang sinabi ng kaibigang si Yelena, minsan daw sa landian na talaga nagsisimula ang mga relasyon sa ngayon kaya huwag daw siyang masyadong mangamba.

Ako Lang Ang Nagmahal (Published under PHR)Where stories live. Discover now