CHAPTER EIGHT

6.7K 179 1
                                    


KANINA pa iniisip ni Katrina kung ano ang iniisip ni Aidan dahil tahimik lang itong nagmamaneho kahit pa madalas niyang mahuling sumusulyap sa kanya. Lalo tuloy siyang nate-tense at hindi niya gustong mahalata ng lalaki. Baka isipin pa nitong natatakot siya gayong hindi naman sa kung saang lugar siya dadalhin.

Inunahan na ni Katrina si Aidan na  umibis ng kotse hustong huminto iyon sa harap ng isang kainan sa Tomas Morato. Ang hindi niya naiwasan ay nang hawakan nito ang kanyang siko  at igiya siya papasok sa loob ng restaurant.

Sa paggiya ni Aidan sa kanya ay nakarating sila sa isang mesa sa gawing sulok ng kainan. Agad namang may lumapit na waitress sa kanila at kinuha ang order ni Aidan.

"O-okay lang ako kahit ano," sabi niya  nang tanungin  kung ano ang kanyang  gustong order-in.

Saglit lang ay nasabi na ni Aidan sa babae ang order. Bumaling na ito sa kanya. "Actually, papunta na sana ako sa 'yo. Dumaan nga lang muna ako sa book shop para magbilin sa staff ko."

Kumunot ang noo ni Katrina. May lumutang agad na katanungan sa kanyang isip  sa tinuran nito.

Ngumiti si Aidan. "It's about the book, 'yong children's story. " May ilang segundo itong tila may hinagilap sa isip. "If my memory serves me right, the book's title is Og Uhog. Ang alam ko, ibinigay mo na sa akin 'yon. Hindi ko nga lang nadala dahil inabutan na ng disgrasya ang paa ko. Pina-check ko sa staff ko, baka sakaling may ganoong librong pambata sa shop. Unfortunately, wala. Gustong-gusto ko pa naman n'ong librong 'yon. Memorable sa akin."

Nasupil   ni Katrina na mapangiti  nang maalala ang insidenteng nagbabasa ito ng libro hanggang sa nadisgrasya ngang mabuhusan ng mainit na tubig ang paa nito." 

"I had tried looking for the book in other  bookstore, but I couldn't find one. Out of stock daw nang magtanong ako. Nabanggit ko na kasi sa pamangkin kong five years old si Og Uhog. At gusto niyang makita ang mismong book. Kahit bata pa lang siya ay mahilig na siyang gumuhit."

Gusto niyang paniwalaan ang sinabi nito. Pero hindi mawala sa isip niya na maaaring may iba pang dahilan kaya ito nagnanais na magbalik sa apartment.

"S-sige, sa 'yo na 'yong kopya ko."

"Are you sure?"

Tumango siya.

"Di puwede ko nang kunin kapag inihatid kita mamaya?" Hinuli nito ang tingin niya at pagkuwa'y amused na ngumiti.

Wala sa loob na ibinaling ni Katrina sa iba ang paningin. Tamang-tama naman na idinulog sa kanilang mesa ang in-order nitong pagkain.

"Tell me about your work," pambabasag ni Aidan sa katahimikan.

"Bakit gusto mong malaman? I'm sure marami ka nang alam tungkol sa akin," sagot ni Katrina, hindi mapigilang maging sarkastiko ang kanyang tono.

"Dahil ba nalaman ko ang address mo?" Nagbuntong-hininga ang lalaki.  "All right, aaminin ko sa 'yong ginawan ko talaga ng paraan na makakuha ng impormasyon tungkol sa 'yo."

"Bakit?"

Bakit ba pati ang mga mata nito ay kasamang ngumingiti? Lalo lang tuloy siyang nahihirapang kalmahin ang sarili.

"Dahil interesado akong makilala ka. Hindi pa ba obvious 'yon noong magkita tayo sa coffee shop, at umabot pa sa puntong sinundan ko kayo ng kasama mo? Pero napasama ang ginawa kong 'yon. Lalo kang nainis sa akin."

Napipilan si Katrina.

"Shall we eat?" ani Aidan.  Saglit pa'y magana na itong kumakain.

Samantalang si Katrina,  hindi  magawang i-enjoy ang masasarap na pagkain dala ng matinding tensiyong naghahari sa kanya.

THE STORY OF US 1: KATRINA AND AIDAN Published under PHR #1836Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon