"Seven months pa, anak."

"Seven? Matagal pa ba 'yon, Nay-nay?"

"Medyo matagal pa." At naisip niya, may panahon pa siya para mapag-ipunan iyon. Pero siyempre ay hindi niya muna sinabi sa kambal. Mahirap ng mapasubo ganoong hindi steady ang kanyang kita.

Madalas kasi, hindi pa man niya hawak ang kikitaing pera ay may nakaabang ng bayarin. Problema pa madalas ang Mama niya. Naa-adik na yata sa tong-its. Napapabayaan na ang pag-aalaga sa kambal, nababawasan pa minsan ang pambaon ng mga bata sa school dahil sa sugal.

Hindi niya alam kung ano ang tamang itawag sa ginagawa ng kanyang ina. Para itong anak na nagrerebelde sa magulang. Siya ang ina at ito ang anak. Alam naman niya na siya ang sinisisi nito sa maagang kamatayan ng kanyang ama dahil sa pagbubuntis niya nang wala sa panahon. Ganoon pa man, mismong ang mga doktor na ang nagsabi na nabibilang na lamang talaga ang araw na itatagal ng buhay ng kanyang Papa. Her only regret ay iyong binigyan niya ito ng sama ng loob sa mga huling sandali ng buhay nito. Magsisi man siya ay wala na ring mababago. Isa pa, sa kabila ng mga sirkumstansya ay wala siyang pinagsisisihan na itinuloy niya ang pagbubuntis sa kambal. They're the greatest gift any mother would be so proud to have. Parehong bibo at matalino ang mga anak niya, bagaman pareho ring may kakulitan paminsan-minsan. Lalo na si Kristal.

"Ay, sana makapunta rin tayo sa EK."

Naaawang kinalong ni Krista ang anak. "Hayaan mo. Kahit hindi niyo birthday ni Kuya, pupunta tayo ng EK basta magkaroon lang tayo ng ekstrang pera."

"Talaga, Nay-nay?"

"Uh-hm."

Narinig ni Krista ang pagpalatak ni Kristoff. "Lagi ka na lang napakaraming hinihingi kay Nay-nay. Di ba sinabihan tayo ni Lola na magtipid?"

"E, bakit naman si Lola, laging nagbabaraha? Pagtitipid ba 'yon?"

Tinakpan ni Krista ang bibig ng anak. "Shh. Naglilibang lang si Lola. Kuya, okay lang humingi. Dahil para naman talaga sa inyo ang pagtatrabaho ni Nay-nay."

"Pero nahihirapan na po kasi kayo, Nay-nay. Sana nga lumaki na ako para matulungan ko na kayong magtrabaho."

Naluluhang nakabig ni Krista ang panganay sa kambal.

"May sikreto akong sasabihin sa inyo," aniya sa mga anak.

"Ano po 'yon?"

"Lahat ng nanay ay may secret powers. Para sa aming mga anak ay hindi kami nakakaramdam ng hirap at pagod para maibigay ang lahat ng inyong pangangailangan. Kami kasi ay tulad ni Superwoman. Mayroon kaming secret powers para manatiling malakas at matatag. Alam niyo ba kung ano ang secret powers namin?"

"Ano po?" halos sabay pang tanong ng kambal.

"Super power kiss at super power hug mula sa aming mga anak."

Natigilan ang dalawang bata.

"Binibiro niyo naman po kami, eh," ani Kristal.

"Hindi, ah. Kapag binibigyan niyo si Nay-nay ng kiss at hug pagdating galing sa work, nawawala ang lahat ng aking hirap at pagod. Kaya tig-isang super power kiss at super power hug naman d'yan, o."

Mabilis na nagbigay ang dalawang bata. Nangingilid ang luhang mahigpit na nayakap ni Krista ang kanyang kambal.

"Nay-nay?" si Kristal.

"O?"

"Nasaan po si Tay-tay?"

Tila nabitin ang paghinga ni Krista sa tanong. Hindi siya kaagad nakasagot.

"Patay na," sukat biglang sumingit ang boses ng kanyang ina.

"Ma...?" sa kauna-unahang pagkakataon ay gustong magalit ni Krista sa ina.

Lust and Found (Book II of Lust Trilogy)Where stories live. Discover now