*27: Natal

136 6 2
                                    

                                                                                *27: Natal

                Pinagtitinginan ako ng ibang estudyante habang naglalakad ako patungo sa Flag Ceremony. Diretso ang tingin ng aking mga mata habang  umiiwas ang lahat sa dinaraanan ko. Nararamdaman ko ang mga matang nakatutok sa’kin at rinig ko ang lagong ng mga bulungan, ngunit wala akong pakialam. Inaasahan ko nang mangyayari ang ganito. Alam kong mabilis na kakalat ang balita tungkol sa mga ginawa ko noong gabi ng event. At malamang kaya sila nagtitinginan at nagbubulungan ngayon ay dahil hindi nila inakalang maglalakas-loob pa akong magpakita sa eskwelahang ito. Hindi pa nagsisimula ang ceremony kaya’t umupo muna ako sa isang tabi.

                Napapikit ako.

                At pagmulat ko’y nasa loob na ako ng isang klasrum; mag-isang nakaupo. Hindi ko sigurado kung naglakad ba ako papunta dito o ano, pero naaalala kong may lumapit sa’kin kanina habang nakaupo ako’t sinabing pinapatawag ako ni Ma’am Parro, ang Guidance Counselor. Sinuntok ko ang upuang inuupuan ko upang masigurong totoo ito at hindi hallucination; kinurot ko na rin nang paaulit-ulit ang aking binti, ngunit nasasaktan ako. Totoo nga ito.

                Napalingon ako nang mapansing bumukas at may pumasok sa pinto. Isinara n’ya ito saka s’ya humarap sa akin; nakangiti. Si Rey.

                “Pinapunta ako dito ni Ma’am Parro. Baka kailangan mo daw ng kausap.”

                Naiilang akong nag-salita. “Hindi ka na ba galit sa’kin?”

                Umupo s’ya sa ikatlong upuan mula sa’kin. “Pupunta ba ako dito kung galit ako?”

                “Baka kasi, ano—“

                “—Baka kasi, ano? Baka kasi nagpapabibo nanaman lang ako?”

                “Hindi. Baka kasi napiilitan ka lang dahil Guidance Counselor ang nag-utos.”

                Hindi na s’ya sumagot. Hindi na rin ako. Ilang minuto ring tumagal ang katahimikan sa loob ng kwarto na tila tinutulak ang diwa ko na mag-isip nang mapag-uusapan. Napabaling ako sa labas ng bintana saka naisip ko ang isa sa mga tanong na kailangan kong bigyang-linaw.

                “’Yung mga nangyari noong gabi ng party, totoo ba ang mga ‘yun?”

                “Alin du’n?”

                Tiningnan ko s’ya. “Lahat ng ‘yun.”

                Tumango s’ya, dismayado. “Pero mukhang iniiwasan nilang mapag-usapan ang kahit anong tungkol doon.”

                Sarkastiko akong napangiti. “Sa dinami-dami ng mga nangyari nang gabing ‘yun, ‘yung nangyari lang sa’kin ang napag-uusapan; ‘yung ginawa ko lang ang naging isyu. Ako lang ang nagmukhang masama.”

                “Ganyan naman talaga ang lipunan, ‘diba? Ilalabas ang baho ng isa, para lang mapagtakpan ang baho ng iba. At sa pagkakataong ito, baho mo ang pinagpipiyestahan nila.”

                “Hindi naman patas ‘yun!”

                “Wala naman talagang patas, Dominic. Palaging isa sa mga kamay mo ang madalas mong gagamitin; isa sa mga paa mo ang una mong ihahakbang.”

Ang Mga PangalanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon