MESSIAH

560K 23.2K 15.2K
                                    

MESSIAH VENTURI


"NASA PALAWAN si Heurt at ang kaniyang anak," agad kong anunsyo nang makapasok sa opisina ni Don Mondragon.

Kasalukuyang nakaupo sa de-gulong niyang silya ang don at pinanonood ang magaslaw na sayaw ng puno na matatanaw sa bintana. Hipak-hipak ang pipa, nakangisi siyang bumuga. Mababasa ang galak sa kaniyang mga mata sa likod ng itim na salaming kaniyang suot. Kulay kape ang suot niyang mamahaling amerkana na may kulay muradong panyo sa bulsa sa dibdib. Ganoon naman sa kulay ng tsokolate ang sombrero nitong may balahibong kahel.

"Ano sa tingin mo, Messiah?" mayamaya ay tanong ng don, nakatingala sa ulap, panay ang hapak ngunit hindi ako nililingon. "Magiging kasing husay kaya ng bastarda kong apo ang aking anak?"

Bumuntong-hininga ako ngunit hindi iyon ipinarinig sa kaniya. Hindi ko alam kung paanong sasagot. Inaalala kong baka hindi magustuhan ng don ang sasabihin ko at magalit. Kwestyonable kasi iyon dahil masyadong magaling si Heurt. Halos ibenta ng don ang kaluluwa ni Heurt sa demonyo. Dumaan na siya sa impyerno kaya walang makatalo. Kaya nga ganoon nalang kalakas ang loob nitong suwayin ang sariling ama dahil alam niyang may laban siya. Maski ang don ay hindi uubra kapag ginamit niya ang abilidad at lakas niya.

"Bakit hindi ka makasagot, Messiah?" sa pagkakataong iyon ay nilingon niya na ako.

Nakamot ko ang sentido. Kung impyerno marahil ang sinapupunan ng anak ninyo ay hindi malabong mamana ng sanggol ang kahusayan niya. Pero hindi ko maaaring isatinig ang laman ng aking isip bukod sa batid kong hindi ganoon ang gusto niyang mahitang sagot, baka sumabog ang bungo ko ora mismo. "Dumadaloy sa batang iyon ang dugo ng inyong anak, hindi malabong maging magkasing-husay sila, Don Mondragon." Nasisiguro kong iyon ang sagot na nais niyang makuha.

Sa labinlimang taon na paninilbihan ko sa don ay nakilala ko na siya. Alam ko na ang bawat kanto at liko ng kaniyang bituka. May mga pagkakataong hindi niya na kailangang magsalita dahil kung ano ang naiisip niya ay iyon na ang aking ginagawa. Nalalaman ko na kung alin ang magugustuhan niya at hindi. Nahuhulaan ko na kung ano ang bubuhay at papatay sa kaniyang galit. Hindi ganoon kadali ngunit hindi rin naman mahirap hulaan ang gusto ng don. Kaya hindi ako mapalitan bilang kanang-kamay niya.

Ngumiwi siya saka muling humithit at bumuga. "Kung ganoon ay tatraydurin lamang din ako ng bastardang iyon kagaya ng ginawa ng aking anak."

Hindi ko na ginatungan o kinontra ang sinabi niyang iyon. Nararamdaman ko nang anumang oras ay posibleng sumiklab ang galit ng don at bigla na naman siyang atakihin ng topak. Kapag ganoon ay baka mapatay niya ang mag-ina nang hindi oras.

"Pribado ang isla, Don Mondragon. Anang mga tauhan natin ay hindi sila makapasok," ibinalik ko sa Palawan ang usapan.

Kumunot ang noo ng don. "Paanong hindi makapasok? May pumipigil sa kanilang tumuloy? May humaharang?" Tumango ako. "Mga inutil talaga kung minsan ang mga tauhan. Bakit hindi nila gibain ang mga nakaharang upang makadaan sila? Mga tanga."

"Anang tauhan natin, maging ang mga taong-bayan ay pinagbabawalan na silang dumaan, sa bukana pa lang. May kakaiba sa pamilyang iyon, malakas ang kapit."

"Sinong pamilya?"

"Iyong mga kasama ni Heurt, Don Mondragon. Iyong mga nakaharap natin sa bahay ni Nena."

"Sino nga ba ang mga iyon?" Ngumisi siya.

"Ang mga Moon," napapabuntong-hininga kong sagot.

Walang pagkakakilanlan ang mga Moon. Ang totoo ay hindi namin makilala ang mga ito. Sinubukan kong magtanong-tanong tungkol sa mga ito ngunit nabigo lamang ako. Lahat ng kaibigan namin ay hindi kilala ang mga ito. Tanging si Heurt lang ang makapagbibigay ng sagot sa amin ngunit ang panig niya ay nasa mga iyon. Bukod sa naging magkaeskuwela sila ng ama ng kaniyang anak ay nagkaroon sila ng ugnayan.

MOONTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon