PO 3

1.2K 67 31
                                    

Naiinis na pinatay ni Troy ang alarm clock sa bandang kaliwa niya. Uminat muna siya bago marahang tinanggal ang eyemask sa mata. Hindi niya pinatay ang dalawang lampshade sa magkabilang gilid niya. Dahil aminin man niya o hindi, nakadarama siya ng takot.

Hindi naman niya mapatulog ang kapatid sa kuwarto niya dahil ayaw rin noon ng may katabi. Hindi niya alam, pero lagi niyang naiisip si Amaris kahit pa makarinig lang siya nang kaunting kaluskos. Siguro ay nakukunsensiya na siya.

Pumikit-pikit siya dahil nanlalabo ang kaniyang paningin dala ng eyemask na inilagay niya. Bumangon siya at medyo napaigtad sa isang bulto ng babaeng may mahabang buhok ang kasalukuyang nakaupo sa dulo ng kaniyang kama. Nakatalikod ito sa kaniya.

"Ate, paano kang nakapasok dito? Sinigurado kong naka-lock ang pinto." Nakapikit na saad ni Troy, bago pabagsak na muling humiga. Inaantok pa siya.

Walang tugon mula sa kapatid. Naramdaman niyang lumundo ang gilid niya, indikasyon na tumabi ito sa kanan niya. Mayamaya pa, niyakap siya nito.

"Ate, lumayo ka nga. Ang baho mo." Gamit ang kanang kamay ay pilit na inilalayo ni Troy ang kapatid. Hindi siya OA or something, pero ang baho talaga nito.

Amoy nabubulok na basura.

Kadiri.

"Hindi ka ba naligo?" Nanatili siyang nakatihaya at hindi man lang ito nilingon. Subalit, imbis na lumayo, lalong lumapit ito at humigpit ang yakap. Dama na niya ang hininga nitong pumapaypay sa kaniyang pisngi. Ganoon ito kalapit kaya amoy na amoy niya ang mabahong hininga nito!

"Ate! Pati tootbrush kinalimutan mo na rin!" Ni hindi man lang ito lumayo nang bahagya bagkus ay lalong mas humigpit ang pagkakayakap na halos hindi na siya makahinga. Nagpumilit magpumiglas si Troy at sa biglang baling niya sa inaakalang kapatid, kasabay nang pagmulat ng kaniyang mga mata ay ang pagkabigla. Nawala ang kaniyang antok at magkasabay na lumaki ang kaniyang bibig at mata.

Si Amaris ang katabi niya!

Duguan ang mukha nito na ang dumadaloy na dugo ay nasa pagitan ng mga mata nitong galit na galit. Sa sobrang lapit niyon ay kitang-kita na niya ang nabubulok nitong bunganga nang bumuka iyon at sambitin ang pangalan niya at bakit sa dulo.

Hindi na siya nakapiyok at nanatili lang siyang nakatitig sa nakakadiring itsura ni Amaris. Kahit pa unti-unti nang umaakyat ang kamay ni Amaris patungong leeg niya. At sa isang iglap, nasa ibabaw na niya ito. Naiipit ng dalawang hita nito ang kaniyang mga braso kaya lalong hindi siya nakagalaw. Ang dalawang kamay naman nito ay nakasakal na sa kaniya. Pahigpit nang pahigpit na halos hindi na siya makahinga. Galit na galit ang mga mata ni Amaris at gigil na gigil ang kaniyang mukha habang palapit nang palapit sa mukha ni Troy.

Pinilit ni Troy na sumigaw subalit nawawalan na siya ng lakas para gawin iyon. Parang naninigas na rin ang buong katawan niya sa nakikita. Lalo na ang mahabang buhok ni Amaris ay pumapasok na sa bibig niya. May tumutulo pang dugo roon na diretso sa lalamunan niya. Amoy na amoy rin niya ang masangsang at mabahong amoy nito. Nais man niyang isuka ang ngayong nalalasahan niyang dugo nito at laman na unti-unting nahuhulog mula sa mukha ni Amaris patungo sa kaniyang bibig ay di niya magawa.

Hindi na siya makahinga at mamamatay na ata siya.

***

Isang malakas na sampal ang nakapagpagising kay Troy. Ang ate Anya niya ang kaniyang nabungaran.

"Ate?" at isang mahigpit na yakap ang kaniyang ginawa habang nanginginig siya sa takot.

"Uy, anyare ba sa 'yo? Bakit?" hinagod-hagod naman ni Anya ang likuran ni Troy. Pati ang boses nito ay garalgal.

I'm Sorry: Puzzled OutWhere stories live. Discover now