"Eh, Sir. Paano naman ang mga gamit dito? Lahat ba, from eighteen eighty pa?" Si Luchi naman ang nagtanong.

"Hindi. May ilang gamit dito na Kapanahunan pa ng mga Espanyol. Pero may ilan ding noong panahon na ng mga Amerikano. Itinago at iningatan ng mga sumunod pang henerasyon."

"Ang lahat ba ng mga gamit na nandito ay pag-aari ng pamilya n'yo, Sir?" tanong naman ni Ayu.

"Hindi. Ang iba sa mga nandito ay mga naiwang gamit ng mga nauna pang pamilya na tumira din dito. Hindi ito naging tahanan ng isang pamilya lang. Maraming pamilya ang tumira sa bahay na 'to. Paiba-iba sa bawat pagdaan ng panahon. Kaya nang umabot na sa pamilya namin ang pangangalaga nitong bahay, imbes na itapon ang mga naiwang kagamitan ng mga naunang tumira, iningatan na lang nila 'yon. 'Kita n'yo naman, mas nakadagdag pa nga 'yon sa karakter nitong bahay."

"American occupation na po ba noong nineteen twenty-eight, Sir? O Spanish era pa rin?" tanong uli ni Luchi.

"Tapos na ang pananakop ng mga Espanyol ng taong 'yon."

Naramdaman ni Ayu ang pagkalabit ni Joaquim.

"Bakit?" tanong niya sa kaibigan.

"Brod, pa'no kapag nakakita ka ng diary? Ano'ng gagawin mo?"

"Bakit?"

"Sagutin mo na lang ako, brod."

"Depende," sagot niya. "Babasahin ko siguro."

"'Pag tapos mo nang basahin?"

Nilingon niya si Joaquim. "Nakahanap ka ng diary sa 'taas?"

Sunod-sunod itong tumango.

"Binasa mo?" pabulong niyang tanong.

"Oo. Nakaka-curious, eh."

"Kaninong diary?"

"Teka..." May hinugot si Joaquim mula sa loob ng damit nito—nakaipit sa jeans. Isang lumang notebook.

"Lintek ka. Ba't mo 'yan itinago?" bulalas ni Ayu.

"Na-curious nga 'ko. Babasahin ko 'to pero hindi dito. Nakakapangilabot dito, eh."

Naalala ni Ayu ang picture na itinago rin niya. Kinapa niya iyon sa bulsa. Nakaramdam pa siya ng guilt nang maisip na baka lukot-lukot na ang litrato. Bakit kasi ang tagal nilang pauwiin?

"Kanino ba 'yang diary?" tanong niya.

Binuklat ni Joaquim ang lumang notebook. "Kay Mariquit Conde, brod."

"Mariquit?" ulit niya. "Ibig sabihin, babae?"

"Oo. Saka ang sabi pa rito, brod, sixteen lang din siya! Isipin mo 'yon? Kaedad lang natin." Binunggo ni Joaquim ang balikat niya. "Marikit nga kaya 'to, brod?"

Naalala na naman ni Ayu ang babae sa picture.

"Pabasa rin ng diary, ha?" sabi niya kay Joaquim. "Anong taon ba 'yang diary?"

"Nineteen thirty."

Iisa lang kaya ang babae sa litrato at ang babae sa diary?

Déjà vu.

Iyon ang pakiramdam ni Ayu habang nakatingin sa lumang bahay na nasa kanyang harap.

"O? Ano'ng itinatayo-tayo mo diyan? Pumasok ka na," tawag ng kanyang mama.

"'Yan ang bahay ni Papa?" hindi makapaniwalang usal niya. "Bakit ang luma?"

"Kaya nga lumang bahay, hindi ba?"

"Pero, 'Ma, hindi 'yan luma. Sobrang luma. Para akong nagbalik sa panahon ni Maria Clara. Hindi ako si Crisostomo Ibarra, Mama!" reklamo ni Ayu habang kinukuha sa trunk ng kotse ang mga gamit nila. Isinukbit niya ang backpack habang hawak sa isang kamay ang duffel bag.

The Girl In A Vintage Dress COMPLETED (Published by PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon