27

3.9K 105 0
                                    

PAGKALIPAS ng ilang minuto, dumilat si Ayu. Napakurap siya nang ilang beses. Nasa kaparehong kuwarto pa rin siya kung saan siya nahiga kanina. Ang kaibahan lang, wala na sina Dara at Paco.

Bumalikwas si Ayu nang marinig ang mga papalapit na yabag. Dali-dali siyang pumunta sa isang sulok. Mayamaya lang, bumukas ang pinto at may pumasok na matandang babae.

Ito na siguro si Nana Isabel.

Nagpasya na si Ayu na magpakita. Kitang-kita niya kung paanong nagulat ang matanda. Bahagya pa itong napaatras papunta sa pinto.

"Wala ho akong intensiyong masama," maagap na paliwanag ni Ayu. "Ako po si Ayu. Si Paco po ang tumulong sa 'kin na magtungo rito."

Naging mailap ang mga mata ng matanda. Naghahanap siguro ng ipanghahataw sa kanya.

"Sinong Paco? Wala akong kilalang may ganoong klase ng pangalan," marahas na sagot ng matanda. "Paano ka nakapasok dito sa aking silid? Balak mo ba akong looban?"

Itinaas ni Ayu ang dalawang kamay, tanda ng pagsuko. "Naku, hindi ho. Dito ho ako nakatira sa bahay ring 'to—ang ibig kong sabihin, sa panahon ko, pag-aari na ho namin 'tong bahay. At si Paco—si Topacio pala, kaibigan ko ho siya."

Noon natigilan ang matanda. "Topacio 'kamo?"

"Oho, oho." Ipinakita na rin ni Ayu ang dalang painting. "Bigay ho ito ni Topacio sa 'kin para daw ho makarating ako rito." Iniabot niya iyon sa matanda.

Kaagad na tinanggap naman nito ang painting. At nang magtaas ng tingin, maluha-luha na ang mga mata nito.

"Kumusta na ang kalagayan ni Topacio, hijo?" Kumalma na ang matanda. "Ako pala si Isabel. Maaari mo akong tawaging 'Nana Isabel'."

"Ako ho si Ayu," pakilala uli niya. "Maayos naman ho ang kalagayan ni Topacio. Ikakasal na sila ng kapatid ko sa susunod na buwan."

"Ikakasal!" bulalas ni Nana Isabel. "Masaya ako't nagtagumpay pala siya kung ganoon."

"Oho."

Pinakatitigan na siya ng matanda. "Bakit ka nga pala pumarito sa panahong ito? Ano ang 'yong sadya?"

Tumikhim si Ayu. "Si Julia ho... Nandito ba siya?"

"Si Julia..." parang naguguluhang usal nito, pero bigla ring natigilan. "Natatandaan mo pa si Julia? Iisa lang ang ibig sabihin niyon, amang."

Saka lang din na-realize ni Ayu ang gustong iparating ng matanda. Kung natatandaan pa niya si Julia, ang ibig sabihin, ang dalaga ang nakalimot sa kanya. Hindi niya alam kung dapat ba niyang ipagpasalamat na ito ang hindi na makaalala at hindi siya. Nang sa gayon, mapapadali na lang para sa kanya ang pagpapaalala sa dalaga kung sino siya sa buhay nito.

"Ikaw ba 'yong lalaking tinutukoy ni Julia noon na nakadaupang-palad niya sa ibang panahon?" muling tanong ni Nana Isabel.

"Oho, Nana. Ako po 'yon."

Lumapit ito sa kanya. "Paano ka ngayon niyan? Alam mo na ba ang buhay na maaaring maghintay sa 'yo oras na mabigo ka?"

"Nasabi na ho lahat ni Topacio ang mga dapat kong malaman."

Tumango-tango ang matanda. "At nakahanda ka?"

"Oho. Desidido rin ho akong mabawi si Julia."

Malungkot na umiling si Nana Isabel. "Ikinalulungkot kong sabihin sa 'yo na malabo ka nang magtagumpay pa, hijo."

"Ho?"

"Naipagkasundo na si Julia na ipakasal noon pang nakaraang linggo sa dating kasintahan niyang si Panciano. At sa gabi ngang ito, inianunsiyo na ang kanilang pagpapakasal. Pag-aari na siya ng iba, anak."

Pakiramdam ni Ayu, huminto sa pagtibok ang kanyang puso. "H-hindi ho 'yan totoo. Hindi 'yan magagawa ni Julia sa akin. Mahal ho niya ako." Panay ang iling niya.

"Hindi na ako tiyak tungkol sa bagay na 'yan ngayon. Alam mo ang maaaring kapalit na konsekwensiya ng lahat, hindi ba? Hindi imposibleng tuluyan ka nang nalimot ni Julia," sabi ni Nana Isabel. "Sadyang nahuli ka na ng dating, Ayu."

Wala sa loob na napaupo si Ayu sa sahig. Hindi niya alam kung paano tatanggapin ang mga nalaman.

"Nasaan ho si Julia ngayon, Nana Isabel? Gusto ko ho siyang makausap."

Umiling ang matanda. "Hindi ko tiyak kung makakausap mo siya ngayon. Punong-abala sila sa pag-aasikaso ng mga panauhing dumalo sa pagtitipon ngayong gabi."

Tumayo siya at lumapit kay Nana Isabel. "Nana, tulungan n'yo ho akong makausap si Julia. Ipapaalala ko lang ho sa kanya kung sino ako sa buhay niya. Pakiusap po."

Sandaling mukhang pinag-isipan ng matanda kung pagbibigyan ba siya o hindi, at sa huli ay tumango.

"Kung handa ka na, sige. Tayo na sa baba." May kinuha muna itong balabal sa kalapit na aparador bago nagpauna na sa paglabas ng kuwarto.

Tahimik siyang sumunod.

Iginala pa ni Ayu ang tingin habang naglalakad sa hallway ng second floor. Di-hamak na mas maganda ang ambiance ng lugar sa panahong iyon. Eleganteng-elegante ang paligid.

Mayroon ding pulang alpombra na nakalatag sa hagdan. Bumaba sila roon ni Nana Isabel.

"Dito mo na lang ako hintayin," bilin nito. "Huwag kang aalis, naiintindihan mo ba?"

"Oho. Salamat ho, Nana."

Tumalikod na si Nana Isabel at humalo sa mga bisita. Naiwan si Ayu na unti-unting kinakain ng kaba. Paano na lang kung hindi na siya maalala pa ni Julia?

Ah, iyon na ang magiging katapusan niya.

t-��Y�Y�3

The Girl In A Vintage Dress COMPLETED (Published by PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon