Chapter 18

34.8K 968 27
                                    

Si Lacey ay pinangapusan ng hininga. Kung tinamaan siya ng kidlat nang mga sandaling iyon ay mas mainam pa siguro. Ngayon ay alam na niya ang ibig sabihin ng salitang thunderstruck.

Sinikap niyang patatagin ang nanginginig na mga tuhod. At nagpa-panic siya. Oh, dear Lord, please don't make me faint. Don't let me make a fool of myself.

Mas unang nakabawi sa pagkabigla si Rigo at mabilis na tumayo. Napapikit si Lacey sandali at huminga nang malalim para ikalma ang sarili.

Tumaas ang isang sulok ng mga labi ng lalaki bilang pagngiti. Ngiting tila piniga lamang mula sa mga labi nito.

"So, it's little Lacey all grown up. Kumusta ka na?" tanong nito sa pinasiglang tinig. Pero nahuli na niya muna sa mga mata nito ang galit, pait, at higit sa lahat ay betrayal na iglap ding nawala like a flash of lightning.

Betrayal? No, she must be imagining things.

Bagaman may ilang hibla pa rin ng buhok na bumagsak sa noo nito na inihalintulad niya sa The King of Rock, and the same dark and expressive eyes and handsome face ay hindi na ito ang lalaking laman ng isip niya sa loob ng anim na taon.

He had grown to manhood. Taller, mas matipuno ang pangangatawan and much stronger,

"I'm... fine, Rig..." kung paano lumabas ang tinig niya ay hindi niya alam.

Hinagod siya ng tingin ni Rigo mula ulo hanggang paa at pabalik. "Nakikita ko..." at ngumiti ito sa isang pormal at malamig na paraan. "Sorry, hindi kita makamayan, puro grasa ang kamay ko," dagdag nito na muling nagsalubong ang mga kilay nang makita ang singsing sa daliri niya.

Niyuko din ng dalaga ang tinuon ng mga mata ni Rigo at napaungol siya sa loob niya. Gumuhit ang pagtataka sa mga mata nito pero sandali rin lang iyon at muling ngumiti.

Malamig at pormal na ngiti na para bang ngayon lang sila nagkakilala, na para bang hindi siya hinagkan ng mga labing iyon, na para bang hindi siya ang dalagitang pinangakuan nitong mamahalin magpakailamnan.

And she wanted to cry right there and then kung hindi niya aawatin ang sarili. Humigpit ang pagkakahawak niya sa shoulder bag niya.

"Ikaw, kumusta ka na? Ang... Tita Amelia, si Bea?" Itinago ng kaswal na tinig ang panginginig ng mga tuhod niya.

Nagkibit ng balikat si Rigo. "Ako, tulad pa rin ng dati. Dalaga na si Bea. At ang Mama pa rin ang in-charge sa accounting," tugon nitong nilingon ang opisina.

Sinundan ng dalaga ang tingin nito. Isang de-salaming opisina na may tatlong babae sa loob ang hinayon ng mga mata niya. Tumayo ang pinakamatanda na lumabas at mabilis na lumapit. Si Amelia.

"Sino ang kausap mo. Rigo. She looks fam—Lacey?"

"Kumusta na ho kayo, Tita Amelia?" bati niya. Gustong magpasalamat dahil nabawasan ang tension na nararamdaman.

Pagkamangha ang rumehistro sa mukha ng nakatatandang babae.

Pagkatapos ay pilit na ngumiti. "Mabuti, Lacey. Naging mabuti sa amin ang mga taong nagdaan. Kailan ka pa dumating?"

"Dalawang linggo na ho. Pero ngayon lang kami umuwi dito."

"Ikinalulungkot namin ang nangyari sa Daddy mo. Nabalitaan namin mula sa abogado niya," patuloy ni Amelia.

Tumango siya.

"Bakit ka narito, Lacey?" tanong ni Rigo sa malamig na tinig.

May palagay si Lacey na doble ang kahulugan ng tanong na iyon. Bakit siya narito sa talyer at bakit siya narito sa San Ignacio.

"N-nasiraan ang sinasakyan namin sa... Molave. Dito ako inihatid ng tricycle driver," paliwanag niya trying hard to compose herself. "Puwede bang magpadala ng tao para tingnan ang sira?"

Muling tumaas ang isang sulok ng mga labi ng lalaki. Niyuko ang tool box at ipinasok ang Have na hawak nito kanina. Pagkatapos ay dinampot at inilagay sa may di-kalayuang pickup.

"Bakit hindi ka na lang magpadala ng tauhan, Rigo?" suhestiyon ni Amelia. "Hindi ba at kukunin ngayon iyang van?"

"Hindi ako magtatagal, 'Ma," sagot ni Rigo na binuksan ang passenger door ng pickup at nilingon siya. "Sakay na."

"S-sige ho, Tita Amelia..." aniya at walang kibong sumakay.

If she was wondering before kung ano ang nararamdaman ng mga claustrophobic ay hindi na ngayon. Tila siya sinasakal sa pagkaka-confine na iyon sa pickup. Hindi naman mainit pero nararamdaman niya ang pawis sa noo niya. Ilang beses siyang pigil na humugot at naglabas ng paghinga. Hindi iilang beses niyang pinigil at pinatatag ang sariling huwag himatayin sa pagkikita nilang ito ni Rigo.

"Mananatili ka ba rito sa San Ignacio?" tanong ni Rigo sa kaswal na tinig makalipas ang ilang segundo.

Tumango siya.

"Nakikiramay ako sa nangyari sa Daddy mo." Nilingon siya nito. Kung walang sinseridad ang tinig ni Amelia sa condolences nito ay higit ang nahihimigan niya sa binata. "Sa Amerika na siya namatay at doon na rin nailibing. Hindi ko inisip na babalik ka pa."

"Siguro ay alam ng lahat na hindi naman tuluyang ipinagbili ng Daddy ang mansion at ang lupang nakapalibot dito," alam kaya nito na nakasanla na rin ang mansion?

"Sa pagkakaalam ko'y nakasanla na rin ang mansion, 'di ba?"

Patuloy nito na tila nahulaan ang iniisip niya.

Isang tango ang isinagot niya. Kung inaasahan ni Rigo na makadarama siya ng pagkapahiya at insekyuridad dahil hindi na siya ang dating anak ng mayaman ay nagkakamali ito. Hindi siya namuhay nang maluho kahit kailan.

Totoong nanlumo siya nang maipagbili ng ama ang lahat ng kanilang ari-arian dahil sa pagkakasakit nito pero hindi sapat iyon upang malugmok siya. Nag-aral siya at may sariling kakayahan. Makapagtatrabaho siya nang disente. Katunayan ay may magandang trabaho siyang iniwan sa Amerika. Isa pa'y may kaunting perang naiwan ang ama niya mula sa napagbilhan ng mga ari-arian.

Ang higit niyang ininda ay ang tono nito na tila hindi welcome ang pagbabalik niya. Ang pakita nito na tila siya isang estranghero.

Nakahinga siya nang maluwag nang matanaw ang kotse at si Steve.

Malayo pa'y nakita na ni Rigo si Steve na nakapamaywang at nakaabang sa kanila. Nagsalubong ang mga kilay ni Rigo pero hindi nagsalita. Ipinara nito ang pickup sa unahan ng kotse at bumaba.

Mabilis na sumunod si Lacey.

"Thanks heaven, you're fast, darling..." wika nito na marahas na nagpalingon kay Rigo kay Steve.

"S-Steve... si... si Rigo, an... old friend. Rigo, si Steve..." pakilala niya sa dalawa.

Sandaling kumislap ang mga mata ni Steve pero agad ding naglaho. Hinagod nito ng tingin si Rigo.

"Oh, well, mabuti naman at kakilala mo ang mekaniko. Pakitingnan mo nga agad, pare, kung ano ang problema," nilingon nito ang nakabukas na hood.

Nakita ng dalaga ang pagtatagis ng mga bagang ni Rigo bago ito yumuko sa hood. Nahuli ni Steve ang warning sa mga mata ni Lacey and rolled his eyes heavenward.

Walang maririnig sa mga sumunod na sandali kundi ang pagbukas at tunog ng mga tool at ng ginagawa ni Rigo. Pinagpawisan sa tensiyon si Lacey na patuloy sa pagtitig sa likod ng lalaki.

"Puwedeng i-start mo?" utos nito kay Steve na kaswal na pumasok sa kotse at ini-start ang makina. Kumagat. Nakahinga nang maluwag ang binata at muling lumabas.

"Salamat, pare. Magkano?" Dinukot nito ang pitaka sa likod ng pantalon.

Nilingon ni Rigo si Lacey. At sa malamig na tinig ay sumagot, "Charge it to an old friend..." saka dinampot ang toolbox at bumalik sa pickup. Nagmaniobra ito at ilang sandali pa'y nawala na sa paningin ng dalawa.

Saka lamang pinakawalan ni Lacey ang mga luha.

Sweetheart Series 2Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon