Chapter 4

46.1K 1.1K 21
                                    

PAARANGKADANG ipinasok ni Rigo ang motorsiklo sa garahe ng kanilang bahay. Pinatay niya ang makina, itinaas ang stand ng motorbike at bumaba.

Bago pa siya nakahakbang patungo sa pinto ay bumukas ito at sumungaw si Amelia, ang Mama niya, na sa edad na kuwarenta y dos ay maganda pa rin at batang tingnan.

"Isara mo ang gate, Rodrigo," utos nito.

Sumunod naman ang binata. Pagkatapos ay humalik sa pisngi ng ina.

"'Evening, 'Ma." Hinubad niya ang jacket at inihagis sa may sofa sabay upo at nagtanggal ng sintas ng rubbershoes.

"Gabi ka na. Anong oras ba natapos ang pa-contest?"

"Alas-otso pasado lang, 'Ma, pero inihatid ko pa sa kanila si Arnel..."

"Sino ang nanalo?" Umupo ito sa isang desk at itinuloy ang ginagawa bago dumating ang anak. Nagtutuos ito ng kinita ng talyer sa maghapon.

"Ang anak ho ni Augusto Bernardino, si Lacey..."

Biglang sumungaw mula sa kusina si Bea, ang onse anyos niyang kapatid. Nasa huling taon sa elementarya. "Talaga, kuya? Nanalo ang crush mo?"

Inambaan ng suntok ni Rigo ang kapatid. Nakita iyon ni Amelia.

"Crush?" wika nito. "Huwag mong sabihin sa akin, Rodrigo, na pati ang anak ni Augusto ay isinasali mo sa mga kalokohan mo?" May babala ang tinig ni Amelia.

"Ano namang kalokohan, 'Ma? At naniwala naman kayo diyan sa bubuwit na iyan..." Binigyan niya ng warning look ang nakababatang kapatid.

"Talaga naman, 'di ba? Narinig ko iyong pinag-usapan ninyo ni Arnel kahapon," patuloy ni Bea na pumuwesto sa likod ng ina para hindi abutan ng kapatid.

Isang buntong-hininga ang binitiwan ni Amelia at hinarap si Rigo matapos i-off ang calculator.

"Hindi ko naiintindihan iyang ginagawa mo, Rodrigo. Hanggang sa talyer ay may mga babaeng nagpupunta. Hindi ka na ba magtitino, ha, anak? Naiwala mo ang scholarship mo dahil sa gulong nilikha ng isa sa mga girlfriend mo," patuloy ni Amelia. "At minsan ay nakipag-away ka sa loob ng campus nang dahil din sa babae. Huwag nang isali pa ang away sa loob ng basketball court."

"'Ma, alam n'yo namang hindi totoo iyong tsismis tungkol sa babaeng iyon. Isang beses ko lang nai-date ang babaeng iyon. Gusto akong pikutin kaya ikinalat ang balitang ako ang ama ng dinadala niya. At hindi maliit na bagay iyong ipinagtanggol ko iyong isang kaklase namin na wala na silang ginawa kundi buskahin dahil polio victim. At normal lang iyong gulo sa court pag may laro," katwiran ng binata sabay taas ng mga binti sa center table.

"Why not tone down a little, Rigo. Pumili ka ng isang matinong babae na magiging kasintahan. Hindi ko naman ipinagbabawal iyon. And why don't you try to hold your temper a little pagdating sa laro. Hindi iyong lagi ka na lang nasususpinde dahil sa away."

Ngumisi si Rigo. "Don't worry, 'Ma. Malapit na akong magka-girlfriend na magugustuhan ninyo. At wala nang iba pagkatapos ko siyang mapasagot. At iyong tungkol sa away sa court, huwag ninyong intindihin iyon. Bale-wala."

Muling nagbuntong-hininga si Amelia. Si Rigo ang uri ng taong hindi nagpapasimula ng away at hindi tumatakbo sa away kapag naroon na. Pero ang pangyayaring siyang naging dahilan sa pagkawala ng scholarship nito ay lubhang nakaapekto kay Amelia.

Mula nang maaksidente sa daan ang asawa nito may isang taon na ang nakalipas ay isinabalikat ni Amelia ang pagpapaaral sa dalawang bata. Pinangasiwaan nito ang maliit na talyer na naiwan ng asawa.

Accounting graduate si Amelia at hindi mahirap para dito ang pamahalaan ang maliit na pinagkukunan nila ng kabuhayan. Bukod pa sa kapag walang pasok ay naroon si Rigo at patuloy na pinag-aaralan ang pasikot-sikot ng trabahong kinagisnan na ng binata.

"Kung maggi-girlfriend ka ay tiyakin mong makakatapos ka." Patuloy ni Amelia. "Hindi ko hinahamak ang kakayahan mo sa talyer, pero mabuti na iyong nakatapos ka ng pag-aaral."

"Huwag kayong mag-alala, Mama. Scholar o hindi ay makakatapos ako," dagdag ni Rigo sa mariin at determinadong tono.

"Sana, Rigo, sana. Hindi para sa akin kundi para sa inyo ni Bea. Pero hindi mo maiaalis sa aking mag-alala na bukas-makalawa ay makapag-asawa ka nang wala sa oras dahil diyan sa mga kalokohan mo."

"Malabo iyon, 'Ma. Wala akong gusto sa mga babaeng sinasabi ninyo. Sila ang may gusto sa akin..." birong-totoo nito.

"Ang yabang po," si Bea uli. "Paano si Lacey? Ikaw ang may crush sa kanya, hindi siya."

"Huwag mong abutin ang isang bagay na napakataas, Rigo. Totoong hindi tayo naghihikahos pero langit at lupa ang layo natin kina Augusto. Bukod pa sa napakabata pa ni Lacey," paalala ni Amelia na muling itinuon ang pansin sa trabaho.

"Ang Mama, talaga. Wala na tayo sa panahon ng Kastila na ang mayaman ay mayaman at ang mahirap ay mahirap. Isa pa, ano ba ang masama sa crush?" Kung crush nga lang, ang isip niya. At sa edad niya ay hindi na crush ang tawag doon.

"Nagpapaalala lang ako, Rodrigo. Sige, kumain ka na. Nagsigang ako ng bangus sa bayabas. Initin mo na lang."

"Hindi na, 'Ma, pinakain na ako ng nanay ni Arnel. Matutulog na ako nang deretso." Pagkasabi niyon ay tumayo na siya at tinungo ang sariling silid.

Ibinagsak ni Rigo ang sarili sa kama at tumitig sa kisame. lisang mukha ang nakalarawan sa isip. At isang pilyong ngiti ang sumilay sa mga labi ng binata.

Sweetheart Series 2Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon