"Dok," dinig kong tawag ng kumadrona. Dagli akong nag-angat ng tingin sa kanila.

Nakita ko nang paluin ng doktor sa puwit ang sanggol ngunit walang makuhang tugon. Paulit-ulit nitong tinapik ang talampakan ng aking anak ngunit wala ring natanggap na pag-iyak. Kunot-noo kong iniangat ang aking sarili upang muli lamang bumagsak dahil sa sobrang paghihirap. Nakita ko nang tampalin muli ng doktor ang puwit nito ngunit walang nakuhang tugon. Umusbong ang pag-aalala sa kanilang mukha, gano'n na rin sa dibdib ko.

"Ano ang nangyayari sa anak ko?" kabadong tanong ko.

Muli akong nilingon ng doktor at kumadrona. Pero sa halip na sagutin ako ay muling tinapik ng doktor ang puwit at talampakan ng sanggol. At sa huling pagkakataon ay muli niya itong tinapik sa mas malakas nang paraan. Doon ay sabay-sabay naming narinig ang pag-atungal ng sanggol. Hindi ko malaman kung matatawa ba ako o maiiyak. May kung anong nagsasabi sa akin na kinailangan pang masaktan nang todo ng anak ko bago tumugon.

Pain... Napangiti ako nang makahinga nang maluwang. Maximum pain... Nahiga ako at tila naliyo sa antok. Maxpein...

Marahan akong nagmulat nang may maramdaman akong kumilos sa tabi ko. Hindi ko namalayang nakatulog pala ako. Nang magising ay nasa pribadong kwarto na ako. Hindi ko makakalimutang nagsabi na ako sa kumadronang ilagay ako sa pampublikong kwarto kaya nagtataka akong mag-isa ako ngayon.

Sumulyap ako sa tabi nang may muling kumilos doon. Sandali akong natigilan nang makita ang ilan sa mga tauhan ng aking ama. Agad na nagsipag-ayusan ng postura ang mga ito nang makitang gising na ako. Pero sa halip na kausapin sila ay iginala kong muli ang paningin ko upang hanapin ang aking anak.

"Pinapunta kami rito ni Señor Mondragon," ani Philip na ang tinutukoy ay ang aking ama. "Pinasusundo ka na niya."

"Paano ninyo nalamang narito ako?" kunot-noo kong tugon.

Pero pinagsisihan ko ring itinanong ko pa iyon. Hindi na dapat ako nagtataka. Kaya nga ako napadpad sa Maynila ay dahil wala na akong mapagtaguang probinsya. Kakatwang mas mabilis nila akong nakikita sa liblib na lugar. Sa huli ay pinili ko itong matao, mas matagal bago nila ako nakita. Dahil uri ng pamumuhay namin, dapat ay inaasahan ko nang makikita nila ako saan man ako magpunta.

Sa halip na sagutin ako ay nagkatinginan lang ang limang tauhan at kakamot-kamot sa ulong nag-iwas ng tingin. Kung hindi lang siguro ako anak ng kanilang amo ay namura na ako sa pamimilosopo ng mga ito. Natural, inutusan sila ng aking ama na hanapin ako. At ginawa nila ang kanilang trabaho kaya sila narito.

"Nasaan ang anak ko?" sinubukan kong tumayo pero sumakit ang puson ko. Nakangiwi akong sumandal at humugot ng hininga.

"Naroon siya kasama ang iba pang mga sanggol," ani Philip. "Nakausap ko na ang doktor at direktor ng ospital. Sa makalawa ka pa raw maaaring lumabas maging ang iyong anak."

"Bakit? Ano ang nangyari sa anak mo?"

Agad na umiling si Philip. "Walang nangyaring masama sa anak mo, Heurt. Ikaw lang ang hinihintay niyang maging maayos ang lagay para makalabas na kayo."

Sa daan-daang tauhan ng aking ama ay itong si Philip ang hindi patuluyang pinapanawan ng katinuan. Iyon nga lang ay siya rin ang pinakamahina. Mabait siya at utu-uto. Itong apat pang kasama niya ay mga baguhan at ni hindi man lang marunong kumasa ng baril at pumulot ng bala. Ginagawa lamang silang tuta ng aking ama. Sadyang masipag lang si Philip kaya hanggang ngayon ay nakakatayo pa. Syempre, pakikinabangan sila habang malakas pa. Sa sugalan nakatoka ang mga ito. Ginagawang utusan at taga-asikaso ng aking ama sa maliliit na bagay na kakayanin ng mahihina nilang utak at katawan.

MOONTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon