Chapter 3

11.1K 211 1
                                    


"MGA SAMPUNG piraso na lang ho ang natira sa forty-five days na manok ko. Ang naririto na lang ho ay iyong culls at broiler," magiliw na wika ni Galileo sa babae. Mamamakyaw umano ito ng limampung kilong manok, ipanghahanda raw sa kaarawan ng pamangkin nito.

"Eh, may alam ka bang ibang poultry dito?" tanong nito, halatang namomroblema. "Marami na kasi akong napuntahan. Ayaw naman ng tatay ko n'ong nabibili sa supermarket. Frozen na raw 'yon. Gusto niya ay 'yong talagang galing sa poultry, buhay pa."

"Pasensiya na ho, Misis. Wala na ho talaga akong maibibigay sa inyo."

"Excuse me, miss pa ako," nanunulis ang ngusong pulang-pula sa lipstick na pagtatama nito.

Nahihiyang nginitian niya ito. "Ganoon ba? Pasensiya na po, Ma'am. Dadalawa lang ho kami sa lugar na ito na may poultry. Pero ang alam ko ho, ubos na rin ho doon sa isa. Try n'yo na lang ho sa ibang lugar. Sa Silang—"

"Napapagod na ako, 'no! Palagay ko'y puwede na 'yang culls."

Napakunot-noo siya. "Sigurado po ba kayo, Ma'am? Medyo makunat ang kar—"

"Oo sabi. Okay na 'yon. Mas makakamenos pa nga ako."

Nagkibit-balikat na lamang siya. Ilang sandali pa ay ikinakarga na ng dalawang alalay niya ang mga manok sa pickup ng babae.

"Siyanga pala, hijo, binata ka pa ba?"

Muntik na siyang mabilaukan sa tanong na iyon ng babae. Kasalukuyan pa naman siyang ngumunguya ng bayabas. Maraming puno niyon sa bakuran niya kaya pa-bonus na niya rito ang isang supot ng hinog na bayabas.

Bumungisngis ito na parang bata. "Grabe ka naman. Para 'yon lang ang itinatanong ko sa 'yo, nag-blush ka na," sabi nito.

Palihim siyang napangiwi. Ayaw sana niyang isipin pero mukhang natipuhan siya nito. Kanina pa niya napapansin na panay ang tingin nito sa kanya. Kung kanina ay walang malisya sa kanya ang pagsulyap-sulyap nito sa kanya, ngayon ay mayroon na dahil sa pagtatanong nito tungkol sa civil status niya.

Sa tantiya niya ay nasa kuwarenta na ang edad nito, bagaman pilit nitong itinatago iyon sa pag-aayos. Posturang-postura at fully made-up ang mukha nito gayong mamamakyaw lang naman ito ng manok.

"Ano, binata ka pa ba?" untag nito, saka ngumiti nang kimi. Halatang nagpapa-cute ito.

Gusto niyang kilabutan sa inaakto nito. Kahit siguro magkaubusan ng babae sa mundo ay hindi niya magagawang pumatol sa babaeng malaki ang agwat ng edad sa kanya. Pangarap kasi niyang magkaroon ng anim hanggang walong anak kung kakayanin din lang ng magiging misis niya. Kaya nga malaking bahay ang ipatatayo niya bilang preparasyon niya para sa malaking pamilyang pinapangarap niya.

"Ah, eh, binata pa ho ako."

Tila umilaw ang mga mata nito. "Puwede ba, 'wag mo na akong hinohoho. Hindi naman yata tayo nagkakalayo ng edad. Thirty-nine pa lang naman ako. Ikaw?"

Thirty-nine nga lang ba? sa loob-loob niya. Marahil ang sobrang makeup ang nagpatanda rito. Gayunpaman, hindi siya nagpahalatang nagdududa siya sa katinuan nito. Hindi niya dapat kalimutang mamimili ito at dapat lang na estimahin niya nang mabuti. Pero kung nagkataong mas bata ito sa kanya, siguradong sasakyan niya ang pagpapa-cute nito.

"Thirty-three," sagot niya.

Parang tinaniman ng kandilang nangislap ang mga mata nito. "Totoo? Ang suwerte naman ng babaeng pakakasalan mo. Mukhang malaki ang kabuhayan mo, hijo."

Atas ng kagandahang-asal ay ngumiti na lamang siya gayong kinilabutan siya dahil iba ang dating sa kanya nang bigkasin nito ang salitang "kabuhayan." Iba ang kahulugan niyon sa pandinig niya.

"I guess ikaw ang may-ari nitong Cattle Creek, right?" Nang tumango siya ay lalong lumapad ang ngiti nito. "Bueno, magkano ang babayaran ko sa 'yo?"

Ibinigay niya rito ang papel na kinasusulatan ng kuwentada. Eksakto naman ang ibinigay nito kaya hindi na niya kailangang suklian.

"Salamat," magiliw na sabi niya. Customer pa rin 'yan, paalala niya sa kanyang sarili.

"Salamat din at binigyan mo ako ng discount at pati na rin dito sa bonus na mga bayabas mo. Ang lalaki naman at mukhang katakam-takam."

Muli, naasiwa siya. May double meaning din ang dating ng huling pangungusap nito. "Ah, eh, salamat din ho."

"Bye." Naglakad na ito pabalik sa sasakyan nito.

Ngunit hindi pa ito nakakalayo ay pumihit ito at lumapit sa kanya. "Baka gusto mong pumunta sa lugar namin. Imbitado ka sa birthday ng pamangkin ko. Alam mo kasi, magaan ang loob ko sa 'yo. Pakiramdam ko ay mabuti kang tao."

Napakamot siya sa batok. "Nakakahiya naman ho. Salamat na lang ho."

"Naku, huwag ka nang mahiya. Ako nga pala si Beatriz. Sa Linggo pa naman 'yong handaan. Kung hindi ka rin lang busy sa araw na iyon, punta ka sa amin. Pahiram nga ng ball pen." Mabilis itong nagsulat sa papel na hawak nito pagkatapos niyang iabot ang ball pen dito. "O, 'yan ang address namin. Hindi naman mahirap hanapin. And take note, dalaga pa 'yong pamangkin kong magbi-birthday."

Basta na lamang niyang ipinamulsa ang papel. "S-sige, susubukan ko ho."

"Ano nga'ng pangalan mo?"

"Galileo," sagot niya.

"Wow naman, ang gara pati ng pangalan mo. Bagay sa personalidad mo," pambobola pa nito sa kanya. "Sige na, dumayo ka naman sa lugar namin. Siguradong mag-e-enjoy ka. May sayawan din sa gabi."

"Okay," aniya para lang tumigil na ito. Sa totoo lang, kanina pa nangangawit ang panga niya sa kangingiti at kung hindi lang niya inaalala ang reputasyon ng kanyang poultry farm ay nais na niyang suplahin ito na hindi siya interesado rito. Idinahilan pa nitong kaarawan ng pamangkin nito pero duda siya kung totoo nga iyon. Baka may ibang motibo ito.

Nakahinga lang siya nang maluwag nang makatalikod na ito.

Ngunit napangiwi siya nang pumihit na naman ito paharap.

"Aasahan kita, Galileo. Tinitiyak ko sa 'yong hindi ka magsisisi kapag nakilala mo ang pamangkin ko."

"Okay," labas sa ilong na sagot niya.

MECHANIC OF THE DAY: MR. SUAVE COMPLETED (Published by PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon