Chapter 2

21.2K 377 6
                                    

MAHIHINANG katok sa pinto ang gumising kay Althea. She opened her eyes and turned to look at the alarm clock. It was already eight o'clock in the morning!

Agad na bumalikwas siya ng bangon. How could she be so stupid? Masyado siyang maraming trabaho para matulog hanggang ganoong oras.

Dali-daling binuksan niya ang pinto nang marinig ang tinig ni Yaya Andeng. Pumasok ito dala ang tray ng umuusok na mga pagkain.

"Yaya, hindi n'yo na po dapat dinala 'yan dito." Hindi niya naitago sa tinig ang labis na pag-aalala.

"Umalis na si Gabriel. Wala ka nang dapat alalahanin." Pagkalapag nito ng mga pagkain sa mesa ay tiningnan siya nito nang mataman.

Naiilang na tumikhim siya. "Yaya, may sasabihin po ba kayo?"

Umupo ito sa gilid ng kama. "Ayokong makialam dahil alam ko namang sa pagitan lamang ninyo itong mag-asawa." Bumuntong-hininga ito na tila ba ayaw nang dugtungan pa ang sinabi.

"Yaya—"

"Gusto kong magalit kay Gabriel sa uri ng pagtrato niya sa 'yo kung 'di nga lamang kilala ko na siya mula pa pagkabata." Tinitigan siya nito nang mataman. "At kahit ano pa man ang sirkumstansiya ng pagpapakasal ninyo, mag-asawa pa rin kayo sa tunay at totoong kahulugan niyon. Gusto ko ring malaman mo na humahanga ako sa wagas na pagmamahal na nararamdaman mo para kay Gabriel."

Gulat na napatitig siya rito. Hindi niya alam kung ano ang sasabihin niya. Yaya Andeng seemed to know a lot of things.

Napangiti ito sa kanya. "Nakikita ko sa mga mata mo tuwing tititigan mo siya ang pagmamahal imbes na takot. Hindi iyon nagbago sa loob ng tatlong taong pagsasama ninyo. Bagkus, mas lumalim pa marahil." Unti-unting napawi ang ngiti nito na tila ba may naisip itong nakakalungkot na bagay. "Hindi ko maintindihan kung paano nagagawa ni Gabriel na bale-walain ka. Hindi ko rin alam kung paano siya nagbago ng ganoon. Sadyang napakalaki ng ipinagbago niya."

Yumuko siya upang itago ang namumuong mga luha sa kanyang mga mata.

Hinawakan nito ang mga kamay niya. "Ngunit ito ang tinitiyak ko sa 'yo, hija." Nag-angat siya ng tingin dito. "Mamahalin ka rin niya isa sa mga araw na ito. Tanga lamang ang lalaking hindi makikita kung gaano ka kaganda sa panloob at sa panlabas. At hindi tanga si Gabriel."

Matagal nang nakalabas si Yaya Andeng ay nakatulala pa rin siya. Tama ito sa pagsasabing mahal niya si Gabriel. Mabuti pa ito at nakikita sa mga mata niya ang pag-ibig niya kay Gabriel. Ngunit si Gabriel ay hindi man lang nakikita ni katiting ng pagtingin niya rito. Duda rin siya kung nakikita ba talaga siya nito.

But she still loved him. Ngunit ang umasang mamahalin din siya nito... Isa iyong panaginip. Panaginip na hindi magiging totoo kailanman. Isang babae lamang ang minahal ni Gabriel. At minamahal pa rin nito ang babaeng iyon hanggang ngayon. Hindi siya iyon at kailanman ay hindi magiging siya.

Qc

More Than I Feel Inside COMPLETED (Published by PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon