Sa Mga Mata Ni Sarah

2.5K 40 0
                                    

Sa Mga Mata ni Sarah

By IhEaRtZeRoThEhErO




"Gusto kong gapusin ang mundo,

Sa mga kamay ko’y maglalaro kayo,

Gusto kong hawakan ang mundo,

Sa mga kamay ko’y..."



~O~



Naninigas ang buo kong katawan. Di ko maigalaw ang aking mga binti. Sobrang lamig ng hangin kahit na maliwanag na’t mataas ang araw. Pilit akong gumagalaw subalit tanging malakarayum lang na sakit ang sinagot ng aking ginawa sa aking balat. Para akong isang bampira na nasisinagan ng araw - pinupulikat na naman kasi ako.

Kinusot kong muli ang mga mata ko dahil bahagya itong lumabo. Tila may tubig sa aking mga mata na sinisira ang aking paningin. Nakita ko kasing may nakatayong babae sa aking gilid at nakayuko siyang nakatingin sa akin.

Nang muli kong idilat ang mga mata ko ay binulabog ako ng iyak ng aking alarm clock. Nang tingnan ko ito ay alas sais pa lang ng umaga, pero nang tingnan ko naman ang aking cellphone ay limang minuto na lamang bago mag-seven thirty, nalate na naman ang alarm clock kong mukhang ewan.

Pinilit kong tumayo subalit lalo lamang akong nasaktan. Tila binuhusan ng yelo ang aking binti sa lamig at pamamanhid. Wala na nga akong nararamdaman.

Di na lamang ako nagpumilit na tumayo. Bumalik na lamang ako sa paghiga, wala rin naman akong magagawa diba? Masasaktan lang ako at mahihirapan, sa huli rin naman ay bigo pa rin ako. Nasanay na rin naman ako sa ganito. Laging nawawalan ng option, tanging pagsunod na lamang sa nangyayari ang nagagawa ko sa huli. Lagi ko na lang ding pinangangatawan ang mga bagay, kahit na alam kong mali. Duwag kasi ako at ang tangi kong takbuhan ay matagal na akong iniwan.

Napatingin ako sa bintana at natiyak kong mataas na nga ang araw tulad ng aking hinuha kanina, subalit bakit kahit ang aking upper body na di naman pinupulikat ay di man lang nakakadama ng init? Baka di pa rin naman mainit...maaga pa kasi.

Kinapa ko ang kumot sa aking likuran, nahigaan ko ata habang natutulog ako. Ngayon lang ako nakaramdam ng ganitong klase ng lamig. Kakaiba...parang nakadikit ang balat ko sa t.v. - nagtataasan kasi ang balahibo ko at ang bigat ng pakiramdam ko, parang...

“Geronimo, ano hindi ka pa rin ba babangon? Aba’t dalawang araw ka ng absent! hindi na pwede ‘yan ah, nagsasayang ka na ng pera, aba’t alam mo ba kung ganong hirap ang ginagawa ng tatay mo sa Dubai para lang may maibayad dyan sa eskwelahan mo?” dagdag pa ni nanay, “Aba’t maswerte ka’t pinag-aaral ka namin ng tatay mo. Ang ibang magulang ay masaya ng may diploma ng hayskul ang mga anak nila, pero kami ng tatay mo ay hinde. Kaya nga pinag-aaral ka namin sa Kolehiyo.....” at marami pa siyang ibang sinabi na di ko na pinakinggan. Tinakpan ko kasi ng unan ang magkabilaan kong tenga. Nakakapagod na kasing makinig sa paulit-ulit na misa ni nanay. Makagawa man ng mabuti o hindi’y ‘yan pa rin ang sasabihin niya.

Nang wala na akong marinig na kahit na ano ay tinanggal ko na ang unan. Naigagalaw ko na rin naman ang binti ko kaya’t bumangon na ako. Mahirap na’t may long exam pa naman kami ngayon sa Physics, di pa naman ako nagreview dahil wala akong notes. Kulang kasi ang pera ko pampa-photo-copy ng handouts ni Maam Ofredo. Sapat lang para sa pamasahe ko nung tuesday.

Kinuha ko ang tuwalyang nakasabit sa likod ng pinto. Nang hablutin ko ito’y nahulog ang t-shirt kong ginamit ko nung isang araw. Dali-dali kong pinulot ito at ipinasok sa ilalim ng kama. Mahirap na, baka magalit na naman sa akin si nanay. Nag-iwan na naman kasi ako ng labahan dito sa kwarto, ayaw pa naman niya nun.

Madali akong naglakad palabas ng kwarto ng makaramdam akong muli ng pag-ihip ng malamig na hangin. Uulan pa yata, ayoko ngang mabasa.



~O~



Ngayon ko lang narealized na masakit pala sa tenga ang pagkaskas ng kubyertos sa isa’t-isa. Gusto kong takpan ang tenga ko pero baka pagalitan naman ako ni nanay. Lalagyan ko na sana ng headphones ang tenga ko nang bigyan ako ni nanay ng isang mapanuring tingin. Tila pinag-aaralan ang bawat kilos ko. Ibinalik ko na lamang sa bulsa ng aking pantalon ang headphones. Baka pasabugan na naman ako ng mga sermon...

“Kelan ang finals niyo, Geronimo?” tanong niya.

“April one po, nay.” sagot ko naman. Nakayuko lang ako dahil malamang, pagagalitan lang ako nito.

“Bakit naman ganun pa katagal?” tanong niya.

“Palilipasin po kasi muna ang Semana Santa...” sagot ko naman.

“Gusto kasi ng Tiya Maria mo na sa ika-bente kwatro ka na kaagad pumaroon sa Maynila, masyado daw kasing malakas ang tindahan nila ngayon at kailangan nila ng makakasama.” Wika ni nanay.

Gusto ko sana siyang sagutin na kung sana ay pagpahingahin naman ako ng kahit na isang linggo. Sampung buwan akong nag-aaral tapos, di man lang ako makakatikim ng bakasyon? Kung alam ko lang, ayaw kang naman kasing tumulong ni Rico sa kanilang mini-grocery, mabuti sana kung may natatanggap akong sweldo sa kanila, e ni pamasahe pauwi ay di nila ako binibigyan.

Alam naman ito ni nanay pero nagbubulag-bulagan lang ito. Lagi lang nitong ipinagkikibit-balikat ang mga hinaing ko sa kapatid niya. Aniya, malaki umano ang natulong nila sa amin nung musmos pa ako.

Anong tulong? Na nakaalis si tatay ng bansa dahil pinautang nila? Na nakalipat kami ng tirahan? Bakit ano bang meron ang bahay namin dati? Anay?

Sa pagkakatanda ko, regalo ng tatay ang bahay na iyon ka’y nanay ng ikasal sila. Nagloan pa nun si tatay sa kanilang opisina para lang mapabakuran ‘yon dahil nagkulang ang ipon niya. Mahal na mahal nila ang bahay na iyon kaya’t isang malaking palaisipan ang pag-iwan na lang nila don basta.

Tumayo na ako sa mesa matapos kong kainin ang aking almusal. Nakita ko sa gilid ng aking mata ang puno ng pagtatakang mga tingin na ibinato sa akin ni nanay. Marahil tungkol na naman ito sa trabaho ko kila Tiya Maria.

“May alam ka ba kung nasaan si Jacob?” tanong ni nanay sa akin.

Napatingin din ako sa kanya.

“Nasa bahay nila.” Sagot ko.

“Itatanong ko ba kung naroon?” wika ni nanay.

“Aba’t anong malay ko?” sagot kong muli.

“Magkaibigan kayo diba?” tanong ni nanay.

“Pero di niya naman ako body guard nay, para lagi ko siyang susundan.” Wika kong muli.

Dahil don ay napatahimik si nanay. Nangunot ang noo nito na tila may malalim na iniisip.

“Naku Geronimo, wag na wag ka talagang mag-no-nobya, siguro totoo nga ang sinabi ni Mareng Grace, nagtanan daw si Jacob.” Wika ni nanay.

Tanan? Eh sino namang itatanan nun? Si Julie? Eh ang pagkakaalam ko e hiwalay na sila. At ano namang paki ko sa isang ‘yun kung nagtanan siya? Matanda na siya at kaya na niya ang sarili niya. Nasa tama na siyang edad upang gawin ang nais niya.

Nang matiyak kong wala ng sasabihin pa ang aking butihing ina ay nagtuloy-tuloy na ako papuntang kusina upang ilagay sa lababo ang aking plato. Nakakapagod na rin kasing makipagdiskusyon kay nanay. Parehas lang naman din kaming walang alam sa nangyari.



~O~



“Gusto kong gapusin ang mundo,

Sa mga kamay ko’y maglalaro kayo,

Gusto kong hawakan ang mundo,

Sa mga kamay ko’y.....”



Paulit-ulit kong naririnig ang boses ng isang babaeng di ko mawari kung sino. Malamig ang tinig nito at tila ibinubulong ang bawat salita sa aking tenga. Tila pilit na itinatanim sa aking alaala ang mga salitang kanyang winiwika. Sobrang lakas nito sa aking tenga gayong nasa malayo naman talaga siya.

Nakatayo siya sa harap ko. Subalit di ko matanaw ng malinaw ang kanyang mukha. Ngumiti siya sa akin at inabot ang kamay sa akin. Subalit, katagala’y natanaw ko ang kanyang mga mata. At nakita ko ang...

Kulang na lamang ay mapasigaw ako sa aking kinauupuan. Agaw-hininga akong nagising mula sa aking pagkakatulog dito sa sinasakyan kong bus. Mabuti na lamang at wala akong katabi. Inayos ko ang aking pagkakaupo at tinanaw ang labas ng bintana, mukhang malapit na ako sa Unibersidad.

Tumayo na ako’t pumara ng matanaw kong malapit na ako sa aking destinasyon. Mabuti na nga itong mag-advance ako sa paglalakad kaysa naman maglakad ako pabalik. Ayoko nun. Hindi ako bumabalik sa nakaraan. Ang nakaraan ay nakaraan na, hindi na binabalikan. Ganun din ako sa aking paglalakad, kapag may naiwan ako sa daan ay di ko na binabalikan kahit gaano pa ito kaimportante sa akin.

Naglalakad na ako papunta sa una kong klase ng makita ko si Anna. Masaya siyang nakikipag-usap sa mga kaibigan niya. Sobrang lapad nga ng ngiti niya e. Ganun pala, nawala lang ako sa buhay niya, nagsaya na kaagad siya. Bakit ano namang paki ko?

Nagtuloy-tuloy pa ako sa aking paglalakad. Narinig kong may tumawag sa akin mula sa aking likuran - si Anna.

“Jerome!” wika niya.

Subalit di ko siya nilingon. Sino naman siya para pag-aksayanan ko ng panahon? Isa lang naman siyang babaeng sinaktan ako. Teka mali, nasaktan nga ba ako?

“Geronimo, bakit ngayon ka lang pumasok? Alam mo bang nawawala si Jacob?!” walang putol na wika ni Marius nang salubungin niya ako sa pinto ng aming classroom.

“Alam ko, sinabi na sa akin ni nanay.” Matamlay kong sagot dito sabay pasok sa loob. Sinundan naman niya ako hanggang sa pag-upo ko sa pinakalikod na upuan malapit sa bintana.

“Teka, ba’t ka umabsent?” tanong nitong muli.

Napatingin ako sa kanya. Marahil pinagdududahan din ako ng isang ito, sa bagay, di ko rin naman sila masisisi - close kasi kami ni Jacob. Halos di na nga kami mapaghiwalay e. Parehas kasi kami ng interes - ang pagguhit. Madalas pa nga kaming isali sa mga competition sa labas ng eskwelahan, dahil sa aming hilig. Minsan talo, minsan panalo.

Napasandal ako sa upuan ko, tapos sinilip ang labas ng bintana.

“Ano namang paki mo, Marius?” tanong ko sa kanya.

Matagal na akong may hinala sa sekswalidad ni Marius at tiyak na ako sa aking hinuha. Tila siya napahiya sa aking tanong. Marahil alam na niya ang aking iniisip. Imposibleng hindi, dahil di naman din kasi mahina ang utak niya, at isa pa obvious naman din kasi.

Naglakad palayo sa akin si Marius nang bumukas ang pinto at pumasok ang instructor namin. Nakakunot ang noo nito at tanging class record lang ang dala. Patay! Magku-quiz nga talaga. Di pa naman ako nagreview.

Nagulat ako ng makita ko si Jacob na sumunod sa aming instructor. Akala ko ba, nawawala siya eh ba’t nandito ‘to?!

Gumuhit ang isang malapad na ngiti sa aking labi. Mamaya kukulitin ko ‘tong kumag na si Jacob kung saan ba siya nanggaling at inakala ng lahat na nawala siya.

Nang makaupo na siya malapit sa akin ay binato ko siya ng papel pero di tumama sa kanya, hanggang baba lang kasi ng upuan niya. Antanga ko lang talaga bumato, mukhang ewan.

“Geronimo Guzman, lead the prayer!” pautos na wika ni sir.

Ito ding isang ‘to halata mong di nagsisimba, simpleng prayer di alam, inutos pa sa mga estudyante niya. Totoo nga siguro ‘yung tsismis na Atheist si sir...

Patay, may quiz pa pala sa Physics mamaya! Lagot na...



~O~



Nakaupo ako nun sa ilalim ng puno ng mangga ng dumating sina tatay at binitbit ako papasok ng bahay. Tanda kong pinaghahampas ako noon ng kawayang patpat na naghatid ng mga pasa sa aking musmos na katawan.

Disciplinarian talaga ang tatay ko. Ang saya ko nga nung makapag-Dubai siya eh, kasi ngayon, wala ng manggugulpi sa akin. Isang pagkakamali ko lang kasi, sampung hagupit na kaagad ng pamalo niya ang natatanggap ko.

“Papa, bakit niyo po ako pinapalo?” tanong ko noon sa kanya.

Muli niya akong pinagpapalo ng kawayan. Tumutulo na noon ang mga luha ko. Nasasaktan na kasi ako e. Oo, tama, masakit na talaga...

“Sinabi ko na sayong ‘di siya totoo, sinabi ko na sayong walang nakatirang Sarah dito!” sagot ni papa, sabay palong muli sa akin.

“Papa, tama na po...” pagmamakaawa ko sa kanya.

“Anong tama na? Hindi ako titigil hangga’t di mo tinatanggal sa isip mo ang existence ni Sarah!” dagdag pa niya, “Hindi ba’t dinala ka na namin sa psychiatrist? Ano, tinapon mo na naman ba ang gamot mo?” wika ni papa sabay hagupit ng tsinelas sa aking pwet.

Binitawan niya na ako noon tapos pumasok ako sa kwarto ko. Nakita ko ang isang babaeng may mahabang buhok na nakaupo sa kama ko. Nakatingin siya sa akin.

Tumakbo ako at niyakap siya ng mahigpit, ganoon din naman ang ginawa niya.

“Tahan na mahal kong Geronimo...” wika niya. Pinahiga niya ako sa kanyang lap at hinaplos ang aking buhok. Iyak lang ako ng iyak non pero kapag kasama ko siya, pakiramdam ko’y walang sinumang makakapanakit sa akin.



“Gusto kong gapusin ang mundo,

Sa mga kamay ko’y maglalaro kayo,

Gusto kong hawakan ang mundo,

Sa mga kamay ko’y...”



~O~



“Oy pare, san ka nagbakasyon at inakala ng lahat na nawala ka?” tanong ko kay Jacob ng magsialisan na ang mga classmates ko. Tapos na kasi ang quiz at as expected perfect ako, perfect zero.

May isa pa naman kaming quiz sa Physics, patay na talaga!

Tinapunan lang ako ni Jacob ng isang blangkong tingin.

Hindi ko alam pero may kakaiba sa kanya. Parang walang buhay ang mga mata niya. Parang...

“Jacob, pahiram nga ng notes mo sa Physics, wala kasi akong notes e.” Wika ko kay Jacob.

Hindi na naman ito kumibo at dire-diretso lang na naglakad papuntang pintuan. Parang di niya ko narinig. Parang ang weird lang...

Napailing lang ako. Ang weird naman ng isang ‘yon. Parang ewan. Mukhang tanga lang e. Iignore ba ko? Nawala lang nang ilang araw biglang para ng ewan.

Tumayo ako sa aking kinauupuan at napansin ko ang isang babaeng nakatayo sa pinto ng classroom. Parang may hinihintay, pero ako na lang kaya ang nandito sa room kaya malamang ako nga ang hinihintay. Nakatalikod ito kaya’t di ko nakikita ang mukha.

“Miss?” tanong ko, dahil dito ay humarap siya sa akin.

“Jerome?” wika ni Anna.

Ba’t ba sa dinamiraming papansinin ito pang isang ito ang napansin ko. Eh bakit naman niya kasi ako hihintayin or let’s say nag-a-assume lang talaga ako na hinihintay niya ko.

Didiretso na nga lang ako sa pag-alis, mukha namang di talaga ako ang kailangan ng isang ‘to e. Mukhang napatambay lang talaga siya rito.

Exit muna ‘ko. Pero...

“Geronimo, bakit ba di mo ko pinapansin?” tanong ni Anna.

Bakit kita papansinin kung wala naman akong kailangan sayo. Bakit close ba tayo?

“Bakit kita papansinin?” tanong ko sa kanya. Mamaya ko na lang siguro idudugtong ‘yung iba kapag nagsalita siya.

“Wala naman talagang samin ni Jacob e. Hindi naman naging kami e. Niligawan niya lang naman ako, pero...” wika ni Anna.

“Anong paki ko? Tinatanong ba kita kung anong namagitan sa inyo?” wika ko.

Nakakapagod ng makinig sa mga walang hangganang paliwanag ni Anna. Did she forgotten that we’re over? Two months na kaming hiwalay at wala na kong pakialam sa kanya.

“Jerome please...” wika ni Anna.

“Shut up!” wika ko.

Sabay lakad ko palayo sa kanya. Nakakapagod na siya ewan ko sa kanya.



~O~



Kadiliman...

Sobrang dilim ng paligid.

Nababasa ako...

Umuulan ba?



“Papatayin na talaga kita!” may sumisigaw na lalaki sa kadiliman. Ako ba ang sinasabihan niya? Papatayin niya ba ko? Bakit?

“Gilbert! Maawa ka Gilbert, maawa ka...” tinig naman iyon ng babae. Umiiyak siya. Nagmamakaawa.

“Ikaw lang ang hadlang sa mga pangarap ko Sarah! Ikaw lang, kaya’t dapat lang n aburahin ka na sa mundo. ” Wika ng lalaking bahagya kong nakikilala ang boses. Di kaya…

“Pangako, lalayo na ko sa inyo, nakikiusap ako…” boses naman ng babae.

“Huli na ng lahat, Sarah…” tapos nakarinig ako ng malakas na tunog na parang may hinampas. Hindi pwede…Hindi!

Gusto kong sumigaw pero parang may nakabara sa lalamunan ko. Hindi ako makapagsalita. Parang...

Biglang kumidlat at nakita ko ang nakahandusay na katawan ng isang babae. Nakasuot siya ng kulay puting dress. Subalit ngayon ay naliligo na siya sa dugo at nababahiran ng dugong iyon ang kulay puti niyang damit. Puro sugat ang kanyang talampakan, tanda na nagtatakbo siya. May isang lalaking may hawak-hawak na pala na nakatayo sa likod niya. Madilim man ang mukha nito ay tanaw ko pa rin kung sino ito...

Tapos bigla na lang umuuyog ‘yung paligid... Nakatulog pala ako. Kinusot ko ang mga mata ko ng mabatid kong nasa library pala ako at ang gumising sa akin ay walang iba kundi ang aking ex na si Anna.

“Jerome, binabangungot ka...” wika ni Anna.

Tinapunan ko siya ng isang mapanuring tingin.

“Ano namang paki mo kung binabangungot ako?” tanong ko sa kanya.

Nakalimutan kong nagrereview nga pala ako sa Physics kanina bago ako makatulog.

Hinanap ko kung nasan ‘yung librong kinuha ko sa shelve kanina, pero di ko na ito makita. Patay na talaga!

“Binalik ko na ‘yung book, late na late ka na rin sa Physics mo, actually, kanina pa nga siya tapos e...” dagdag pa ni Anna, “but don’t worry perfect ka naman sa exam.”

“Nagpapatawa ka ba? Pano ako magiging perfect kung nandito akong himbing na himbing sa pagtulog, habang sila nag-e-exam!” wika ko.

“Ako na ang nagtake ng exam mo...buti na lang di ako namukhaan ni Ms. Ofredo.” Wika niya.

Nagpapatawa ba ang isang ‘to? Paanong-

“Geronimo, patutor sa next exam natin sa Physics ah...” wika ng isa kong classmate na napadaan malapit sa mesa ko.

“Ngayon naniniwala ka na ba?” wika ni Anna.

Tumingin ako sa kanya, “ano naman ngayon kung naniniwala ako sa kanya ha?” tanong ko sa isang ‘to.

Gumuhit ang isang napakatamis na ngiti sa kanyang mukha...subalit...

“Anong problema mo? Ngingiti ka tapos biglang aasim ‘yang mukha mo.” Tanong ko sa kanya. Eh totoo naman din kasi, mukha lang tanga.

“Jerome, natagpuan na daw ‘yung katawan ni Jacob.” Wika ni Anna.

Katawan? Eh diba kakikita ko lang sa kanya kanina? Bakit, patay na ba siya?

“Ano?” tanong ko kay Anna.

“Natagpuan na ‘yung katawan ni Jacob, dyaan lang sa malapit na bakanteng lote sa labas ng eskwelahan. Pinagsasaksak daw siya...” wika ni Anna.

Si Jacob, patay na si Jacob? ‘Yung best friend kong si Jacob? ‘Yung batang kasama kong natutong gumuhit? ‘Yung kaibigan ko? Hindi ko alam pero bigla na lang akong napayakap kay Anna. Dahan-dahang tumulo ang mainit na likido sa aking mga mata. Para akong isang batang napapagod ng lumuha. Wala akong boses. Di rin ako humihikbi. Tanging tahimik lang na luha ang meron ako ngayon.

Si Jacob, nakita ko siya...



...nakaupo sa tapat ko. Nakatingin ng masama sa aming dalawa ni Anna.



~O~



Tulala pa rin ako ngayon sa aking kinauupuan. Nandito kami ngayon sa funeral home kung saan nakalagak ang katawan ni Jacob. Nanlalabo na ang paningin ko at halos wala na akong makita ng dahil sa pamamaga ng mata ko. Kanina pa kasi ako walang tigil na umiiyak.

“Mag-C.-C.R. muna ako, Jerome...” paalam sa akin ni Anna.

Tumango lang ako bilang pagsagot sa kanya.

May mga ilang bulungan akong narinig sa aking likuran...

“‘Yan na pala ang anak ni Gilbert...” wika ng isang babae.

Hindi ako anak ng hayop na ‘yon. Mamamatay tao siya. Hindi ako anak ng mamamatay-tao.

“Ah, ang pagkakaalam ko siya lang ang may motibong patayin si Jacob...” sagot naman ng isa.

Parang tumigil ang oras ko nang marinig ko ‘yon. Suspect ba ko sa pagkamatay ni Jacob? Paanong ako? Hindi ko kayang patayin si Jacob. Hindi...

“Ang pagkakaalam ko inggit daw kasi ‘yan kay Jacob, kapag daw kasi sumasali sila sa mga contest, laging si Jacob ang nananalo at siya, pangalawa lang...” sabat pa ng isa.

Anong- hindi ako inggit kay Jacob noh...hindi.

“Pati nga raw sa babae e, alam mo bang pinagpalit ‘yan ng girlfriend niya kay Jacob?!” dagdag pa ng isa.

Ewan ko, pero sobrang sakit sa tenga. Pakiramdam ko, pilit nilang itinatanim ang lahat ng ‘yon sa isip ko. Tinakpan ko ng dalawang kamay ko ang magkabilaan kong tenga. Ayoko nang marinig pa ang mga boses nila. Ayoko na. Ayoko na!

Naramdaman kong may tumabi sa akin. Malamig ang hanghng nagmumula rito. Pero gusto ko ito. Gusto ko pati ang kakaiba niyang amoy. Ang kakaibang amoy ng kalawang na nagmumula sa kanya.

Hinarap ko siya at nakita kong nakasarado ang mga mata niya - ang daanan patungo sa kanyang kaluluwa.

“Nagbalik ka...” wika ko. Unti-unting tumulo ang mainit na likidong nagpapalabo ng aking mga mata. Niyakap ko siya ng napakahigpit at ganoon din siya sa akin.

“Sarah, ba’t di mo buksan ang iyong mga mata.” Tanong ko sa kanya.

Wala na ‘kong naririnig na mga boses. Wala na ang mga madadaldal na bungangang kanina pa kong pinag-uusapan. Wala na sila!

“Sarah...” wika kong muli.

“Isinasalamin ko ang iyong kaluluwa, Geronimo. At kung aking bubuksan ang aking mga mata’y maaari nitong maihiwalay ka ng magpakailan pa man sa mundong iyong nakasanayan.” Wika ni Sarah.

Gusto kong makitang muli ang mga mata ni Sarah. Ang mga matang di ako kailanman hinusgahan. Mga matang lagi lamang ipinakikita ang katotohanan. Mga matang nakikita ang tunay na ako.

Unti-unti niyang idinilat ang kanyang mga mata, at nakita ko ang sarili ko nung martes ng hapon habang sinusundan ko si Jacob sa labas ng eskwelahan.

Walang katao-tao non, at halos kaming dalawa lamang ang makikitang naglalakad sa daan. Di ko alam pero, sobrang nagngingitngit ako noon sa galit kay Jacob. Marahil dahil di ko na kaya pang tiisin ang mga pang-aasar niya sa akin. Mga panlalamang at kayabangang kanyang ipinamamalas.

“Alam mo ba kung bakit ka pinagpalit ni Anna sa akin? Kasi mahina ka...” wika ni Jacob sabay tapos ng isang mapang-asar na tawa.

Tahimik lang ako non at pilit na pinakakalma ang sarili. Edukado ako, at di ako dapat pumatol sa mga nonsense na salita ni Jacob.

“Lagi ka pang pangalawa lamang sa akin sa mga contest, at alam mo bang ‘yung pangarap mong makuhang maging isang graphic artist ay inoffer na sa akin, mahina ka kasi.” Wika niya pang muli.

Kaunti na lang at mauubos na ang pasensya ko...

“Alam mo ba kung gaano kasarap matulog kasama si An-” di niya na natapos dahil mula sa likod ay sinaksak ko ang leeg niya. Pinagsasaksak ko ang iba’t ibang bahagi ng katawan niya gamit ang sarili niyang cutter na ipinahiram niya sa akin two weeks ago.

Matapos kong pagsawaang saksakin siya ay ipinasok ko ang kanyang katawan sa loob ng loteng nababakuran ng pader at talahib. Tapos nagpalit ako ng damit, at isinuot ko ang aking P.E. t-shirt na katakatakang nasa bag ko.

Matapos kong makita ang lahat ng iyon ay nakarinig ako ng isang nakakarinding sigaw na katagalay nakilala kong bilang akin.

Gulong-gulo si Anna sa pagwawala ko, paano’y kami pa lamang ang tao sa funeral home. Ang mga boses na narinig ko marahil kanina ay ang tinig mismo ng aking kunsensya.



~O~



Mental hospital...

“Matagal na niyang sinasabing may kaibigan siyang nagngangalang Sarah...” ani Mrs. Guzman kay Anna habang pinagmamasdan nila ang mapayapang si Geronimo. 

Maaliwalas ang mukha nito at mukhang kuntentong-kuntento na sa kanyang buhay.

“Di na po ba talaga uuwi si Mr. Guzman?” tanong ni Anna.

“Di ko alam Anna...” wika ni Mrs. Guzman. Mapapansin ang mabilis na pagtanda nito na tila lumipas ang sampung taon gayong apat na buwan pa lamang na ganito si Geronimo.

“Imaginary friend niya po siguro ‘yung Sarah...” dagdag pa ni Anna, “Tanda ko pa sa burol ni Jacob na paulit-ulit niyang sinasabi na sa mga mata ni Sarah, ewan ko ba, pero dun siyang nagsimulang maging ganyan.” Wika ni Anna.

Nakarinig ang dalawa ng mga yabag papalapit sa kanila. Hudyat na tapos na ang visiting hours.

Naunang tumayo si Mrs. Guzman, pero si Anna ay napako ang tingin sa kwartong mala-seldang kinalalagyan ni Geronimo. Kitang-kita niya ang duguan mga talampakan ng binting hinihigaan ni Geronimo.

Bigla siyang kinilabutan. Ibig sabihin ba noon ay hindi nag-iisa si Geronimo sa kanyang ward?

Nais niya sanang siliping mabuti si Geronimo pero inunahan na kaagad siya ng takot. Ikaw ba namang makakita noon e.

Nagmadali siyang sumunod kay Mrs. Guzman, na batid na sa loob ang katotohanang, di na kailanman gagaling pa si Geronimo.

Subalit bago siya tuluyang makaalis, ay may narinig siyang tinig ng isang babae na tila nanggagaling sa lupa, umaawit ito. Tila inaawitan ang wala sa sariling si Geronimo…

"Gusto kong gapusin ang mundo,

Sa mga kamay ko’y maglalaro kayo,

Gusto kong hawakan ang mundo,

Sa mga kamay ko’y mamamatay kayo."




***END***

ONE SHOT HORROR/MYSTERY/SCARY STORIES (©LBOS)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon