Chapter Nine

6.9K 178 8
                                    

"I'M SORRY. It was my fault." Puno ng pagsisising sinabi ni Hailey habang pinagmamasdan ang pag-eempake ni Cedrick pabalik sa Pilipinas. Kahit na walang sinasabi ang binata ay alam niyang nasasaktan ito dahil bakas iyon sa mga mata nito.

Tinawagan ng kanyang mga magulang ilang gabi na ang nakararaan si Cedrick at ipinaalam na ikakasal na ang kakambal niya. Gusto ng mga itong imbitahin ang binata. Hindi alam ni Hailey ang bagay na iyon dahil iniwasan niyang makibalita sa mga nangyayari sa Pilipinas. Pinalitan niya ang kanyang numero para hindi ma-contact ng pamilya.

Dahil sa kauna-unahang pagkakataon ay ayaw niya nang maging pasakit pa sa mga ito. But in the process, she became Cedrick's burden.

"Pero ikakasal pa lang naman siya. May pag-asa ka pa."

"Ang pag-asang makita siya bago siya ikasal ang meron na lang ako ngayon, Hailey."

Mariin niyang nakagat ang ibabang labi. Mula noon hanggang ngayon ay kontrabida talaga siya sa buhay ng mga taong nakapaligid sa kanya. Iyon siguro ang dahilan kaya pinarurusahan na siya ng tadhana.

"Baka magbago pa ang isip niya kapag inamin mo ang nararamdaman mo para sa kanya."

"What for?"

"Holly loved you first, Rick."

Natigilan ang binata.

Mga bata pa lang sila ay mahal na ni Cedrick si Holly at alam ni Hailey na ganoon din ang kapatid. Ang dalawa ang orihinal na malapit sa isa't isa. Parating magkasama ang mga ito noon. Napansin iyon ng mga magulang niya at nag-alala. Palihim na kinausap ng mga ito si Cedrick sa library ng kanilang mansyon noon. Alam ni Hailey ang lahat dahil palihim na sumunod siya at nakinig sa usapan ng mga ito.

Tinanong ng mga magulang niya kung ano ang nararamdaman ni Cedrick para kay Holly. Dinig na dinig niya ang ginawang pagtatapat ng binata. Pero masyado pa raw bata ang mga ito, lalo na si Holly. Nangamba ang mga magulang na baka maging mapusok ang dalawa, lalo na at parating magkasama. Kaya ang mga magulang niya ang kumumbinsi kay Cedrick na sundin ang suhestiyon ng ama nito na sa ibang bansa na magpatuloy ng pag-aaral. Kung sa pagbabalik daw ng bansa at pareho pa rin ang nararamdaman nito at ni Holly para sa isa't isa, hindi na raw pipigilan ang dalawa ng mga magulang niya. Tumupad si Cedrick sa usapan at bumalik sa Pilipinas may dalawang taon na ang nakararaan.

Pero nakialam si Hailey. Nang malaman na bumalik na sa sariling bansa si Cedrick ay sumunod na rin siya roon mula New York.

Dahil mahal niya rin ang binata. Ilang ulit niyang binisita si Cedrick noong nag-aaral pa ito pero iba ang parating hinahanap nito. Nagrebelde siya, lalo na at noong bumalik na si Cedrick sa Pilipinas ay malaya na nitong nakakasama si Holly.

Isang araw ay nagpanggap siya bilang Holly. Isinuot niya ang mga damit ng kakambal at ginaya ang mga kilos nito. Noong panahong iyon ay alam niyang parating din si Holly sa mansyon nina Cedrick dahil may usapan na magkikita ang dalawa. Naghanda ang binata at ipinaayos ang buong hardin dahil plano na nitong magtapat sa kakambal niya. Pero nang maunang makarating doon ay hinalikan bigla ni Hailey si Cedrick. At dahil ang akala nito ay siya si Holly, agad itong gumanti ng halik.

Isang tagpo iyon na naabutan ni Holly. Nang oras din na iyon ay idineklara ni Hailey na may relasyon na sila ni Cedrick sa pagkabigla ng dalawa.

Holly immediately walked out. Mukhang hindi na nito napuna ang bihis niya dahil pinangunahan na ito ng emosyon. Iyon ang kauna-unahang pagkakataon na nakita ni Hailey na nagalit nang husto si Cedrick.

"You were Hailey all these time?" hindi makapaniwalang sinabi ni Cedrick matapos magtatakbo ni Holly palayo. "How could you!" Sunod-sunod na mararahas na hininga ang pinakawalan nito.

The Trouble With Good BeginningsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon