Donnie Demakita

29 3 0
                                    


***

Sa araw na pinanganak ako namatay ang kuya ko. Ang araw ng Mayo a-nueve ang pinaka-kinamumuhian ko na araw sa buong taon. Wala itong ginawa kung hindi ipa-alala sa akin ang sinapit ng kapatid ko. Ang araw ng kapanganakan ko ay ang naging araw ng kamatayan ni kuya Jansen.

Gabi-gabi, lagi akong sinusundo ni Kamatayan. Walang gabi na hindi ako binangungot tungkol sa nangyari kay kuya Jansen. Walang gabi na hindi ako magigising ng may mga mala-bala na laki ng pawis na tumutulo sa buong katawan ko. Walang gabi na hindi ako nahihirapang huminga at nakakaranas ng sleep paralysis. Tuwing mangyayari yun, hinihiling ko na sana, mamatay nalang ako pero kinabukasan, sa kinasamaang palad ay nagigising pa rin ako.

Halos mag-iisang taon na mula ng namatay si kuya Jansen. Malinaw pa rin sa mga panaginip ko kung paano siya ngumiti sa akin bago siya nahulog sa veranda ng tinutuluyan naming bahay.

Ang sabi nila ay isang nakakalungkot na aksidente daw.

Pero mas alam ko ang nangyari.

Kristal pa rin sa linaw ang ala-ala ng Mayo a-nueve. Kaarawan ko at nagkaroon ng maliit na handaan. Natapos ang umaga at hapon ng puno ng saya ang bawat isa. Nang pumatak ang gabi at pinalitan na ng buwan ang araw sa langit, lumapit sa akin si kuya Jansen.

"Donnie, tandaan mo na mahal na mahal ka ni kuya at ginawa, ginagawa, at gagawin ni kuya ang lahat para sa ikakabuti mo, okay?" ang marahang sabi sa akin ni kuya. Ang kanyang mga kapeng mata ay nakatitig sa akin. Suot niya ang kulay asul niyang long sleeve na polo na nakabukas yung unang tatlong butones kasama ng kanyang maong na shorts. Gustong gusto ni kuya ang maong na shorts.

"Ha? Anong meron kuya?" ang nagtatakang tanong ko sa kanya, nakataas ang isang kilay ng mata.

"Basta Donnie. Mahal ka ni kuya okay?" ang sabi ni kuya, lumapit siya tsaka yumakap sa akin. Naaamoy ko yung alak sa hininga niya. Pagkatapos ng mga sampung segundo ay kumalas si kuya sa yakap niya. Dahan-dahang tumayo at ilinagay yung isang kamay niya sa ulo ko at pinat ako, pagkatapos nun ay ginulo niya yung buhok ko at ngumiti.

"Kuya?" ang tanong ko uli sa kanya.

Pero hindi niya ako sinagot. Tumalikod siya sa akin at dumiretso sa veranda na nasa kwarto namin.

"Kuya?" ang tanong ko uli sa kanya pero hindi lang pagtataka ang nasa tono ko kung hindi pati na rin kaba.

Tinuloy niya yung dahan-dahang paglalakad hanggang sa makarating siya sa dulo. Umakyat siya sa may harang na bato ng veranda at naupo. Nakatingin sa langit, sa kawalan.

"Kuya?" ang tanong ko uli sa kanya pero tumayo na ako sa pagkakataon na 'to.

Hindi parin ako sinagot ni kuya pero ngayon ay tumalikod siya sa pagkakaupo at humarap sa akin. Ngumiti.

"Kuya? Anong meron? May problema ba kuya?" ang tanong ko ulit kay kuya. Napalitan na ng takot at kaba ang mukha ko na kanina'y puno ng pagtataka.

Hindi pa rin sumagot si kuya. Nakatingin lang siya sa akin habang nakangiti. Dahan-dahan akong naglakad papunta sa direksyon niya ng biglang ibinuka ni kuya ang dalawang kamay niya at pumikit, hindi pa rin nawawala ang ngiti.

At doon, nalaglag si kuya. Tumakbo ako papunta ng veranda. Nasa harap ang isang kamay sa pag-asang masagip at mahawakan si kuya pero huli na ang lahat ng pagdating ko sa veranda.

Pagtingin ko sa baba ay nakita ko si kuya, hindi gumagalaw. Ang kanyang asul na polo ay unti-unting nababalutan ng pula.

"Kuya!" ang sigaw ko. Hindi dahan-dahan kung hindi tila ba malakas na buhos ng ulan ang pagbagsak ng mga luha ko. Umiyak ako ng umiyak, sumigaw ng sumigaw.

Donnie Demakita: Ang Mata ng BukasTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon