Kaulayaw

8.7K 710 301
                                    

Sinara ko 'yong pinto pagkatapos ako pagalitan ni Mama. Umiiyak ako habang bumubulong ng mga masasamang salita. Gusto kong maranasan 'yong parang sa mga napapanood ko na hihiga ka sa kama tapos lalamunin ka nito tapos . . . poof! Nasa ibang mundo ka na.

Kaso, hindi naman mangyayari 'yon sa totoong mundo.

Pumikit ako at nanalangin na sana . . . kahit isang beses lang . . . isang beses lang—

"Tara?"

Tumalikod ako, at nandoon ka na sa kama ko, naghihintay. Pagkakaalala ko, doon ka nagsimulang sumulpot-sulpot nang hindi mo man lang sinasabi.

"Anong 'tara'?" tanong ko.

"Tara. Gusto mo pumunta sa ibang mundo, 'di ba?" sagot mo. "O mas mabuti, gumawa na lang tayo ng ibang mundo."

"Nakababasa ka ba ng isip?"

"Hindi. Ako mismo ang isip mo. Produkto ako ng utak mo."

"Kung ano-ano ang pinagsasasabi mo."

"Totoo naman," sabi mo tapos hinawakan mo 'yong kamay ko. "Tara na ba?"

"Wala akong panahon sa 'yo."

"Saglit lang."

"Pag nagalit nanaman si Mama—"

"Kaya mo naman ako itago eh, 'di ba?"

Ngumiti ako. Ano bang palag ko sa 'yo?

Kahit hindi ko alam kung paano, nadala mo nga ako sa ibang mundo. Kahit papaano, kahit saglit lang, napangiti ako.

Inalala ko 'yon. Akala nga ng mga magulang ko, nababaliw na ako. Una sa lahat, ako at ikaw lang naman 'yong nakakaalam ng mundong meron tayo. Pangalawa, ikaw ang dahilan kung bakit nagsimula kong kausapin ang sarili ko at napapangiti habang iniisip kung anong mundo ang susunod nating puntahan.

Hindi ko kasi alam kung iyon ba ang araw na una akong umibig sa 'yo. Simula noong araw na iyon, kahit ikaw lang ang makasama ko, kahit buong magdamag ako sa kwarto, ayos lang.

Pero ano nga bang alam ko sa pag-ibig?

Napaisip ako. Bata pa raw ako. Bata pa nga kasi siguro ako noon kaya ko rin nasabing ikaw ang una kong pag-ibig.

Isang araw, bigla tayong natigil sa mga laro natin. Siguro dahil hindi naman na tayo mga bata. Bigla kang nawala sa araw-araw na gawain ko. Minsan, naiisip pa rin kita, pero 'di pa rin tayo nagkikita . . .

Hanggang sa umibig ako sa iba.

Noong araw na alam kong iba na ang mga nararamdaman ko, nagulat ako na bigla kitang nakita nang pauwi ako papuntang bahay.

"O, mukhang masaya ka?" bati mo sa 'kin.

Sabi na, bigla ulit kitang makikita.

"Oo, sobra. Hindi ko alam kung paano ko uumpisahan," sagot ko.

"May crush ka no?"

"O, e, pake mo?"

"Sabihin mo naman sa 'kin."

"Kaklase ko."

"Oy, hindi ka pa ba bata para magmahal?"

"Malay ko. Hindi ko naman alam kung pagmamahal 'to. Pero masaya ako, at gusto ko 'tong maramdaman. Alam mo yung parang—"

"Lumulutang ka?"

"Oo!"

"Ganon din ba ang naramdaman mo noong una mo akong nakita?" bigla mong tanong sa akin na ikinagulat ko. Ngunit hindi mo naman hinintay ang sagot ko. Inalok mo lang sa 'kin ang kamay mo at sinabing, "Tara? Ikuwento mo sa 'kin."

KaulayawWhere stories live. Discover now