1 .Ang Babae sa Bukana

14.7K 549 45
                                    

                                                                             CHAPTER  I

           Nagmamadaling maglakad si Mang Guido. Takipsilim na at hindi pa rin tumitila ang ulan. Kailangan niyang makarating sa kanilang bahay bago tuluyang dumilim. Walang kuryente sa San Gabriel. Malayo ito sa kabihasnan at ilang kilometro din ang layo sa susunod na baryo. Nasa pagitan ito ng dalawang bundok kaya alas singko pa lang ng hapon ay medyo madilim na. Ang ikinatatakot ni Mang Guido ay ang makaapak siya ng makamandag na ahas at matuklaw siya nito. Kung hindi sana umuulan ay masisindihan niya ang gasera na dala niya at medyo magliliwanag ang daraanan niya. Binilisan pa niya ang paglalakad. Nakahinga siya ng maluwag ng makita na niya sa di kalayuan ang bukana ng Baryo San Gabriel.

          Nakita niya ang papalapit na lalaki. Medyo mataba ito at may edad na. May hawak na walang sinding gasera at nagmamadaling naglalakad papunta sa kinaroroonan niya. Mas gusto niya ang bata ngunit ito ang ibinigay ng pagkakataon kaya pagtitiyagaan na niya ito. Pagkatapos nito ay ilang linggo  siyang hindi muna lalabas ng bahay. Ang kailangan lang ay planuhin niyang mabuti itong gagawin niya para hindi mahalata ng mga taga San Gabriel na mayroong nawawala silang kasamahan. Pinagbibintangan siyang aswang ngunit  habang wala silang matibay na ebidensiya ay hindi nila siya maaaring saktan. Ayaw na niyang maulit pa ang nangyari sa kabilang baryo kung saan sinunog ng mga tao ang bahay niya pagkaraang mawala ang ilang mga bata. Dahil sa pangyayaring yun ay nagkahiwalay silang mag-ina. Kung hindi niya iniwan sa isang kamalig ang kanyang anak ay baka inabutan siya ng mga tao at napatay siya. Dahil sa pangyayaring yon, lalo siyang nagalit sa mga tao. Hindi siya ang kumuha dun sa nangawalang mga bata ngunit siya ang pinagbintangan. Pinipilit niya sanang magbago para sa kanyang anak ngunit ngayong hindi na sila magkasama ay bakit pa niya gagawin iyon. Malaya na siyang gawin ang gusto niya. At ang gusto niya ngayon ay magpakabusog.

             Habang papalapit sa bukana ng baryo nila ay medyo bumabagal na ang lakad ni Mang Guido. Medyo malinis na ang daraanan niya dito at bihira lang ahas dito. Kung tutuusin, ito ang lugar na kinatatakutan ng ibang kanayon niya. Dito kasi sa lugar na ito ang bahay ng babaeng sinasabing aswang daw. Ayon sa mga sabi-sabi, tinugis daw ito ng mga taga kabilang baryo at dito sa kanila napadpad. Nakita na niya ang babae at hindi siya naniniwalang aswang ito. Maputi ito at mukha naman itong disente. Kung tutuusin nga, mas maganda pa ito kung ihahambing sa ibang mga kanayon niya. Kaya lang ito sinasabing aswang ay dahil  hindi ito nakikipagkaibigan sa mga taga baryo at mag-isa lang nakatira sa kanyang bahay.. Marami nga ang namatay dito mula nung tumira ang babae sa bukana ng baryo ngunit lahat nang namatay ay sa natural na dahilan. Ang iba ay dahil sa sakit, ang iba ay nakitang nakahandusay sa bukid dahil sa stroke at iba naman ay hindi na nagising sa kanilang pagtulog. Walang isa man sa mga namatay ang nilapa o kinain ng aswang. Kaya hindi siya naniniwala na aswang ang babaeng ito Aba ay kung magpapaligaw sa kanya ito ay baka hindi siya magdalawang isip. Papalitan na niya si Hilda, ang asawa niyang bungagera na bukod sa bansot na at mataba ay hindi pa nagsisepilyo ng ngipin. Natawa na lang si Mang Guido sa sarili. Kanina ay natatakot siya sa ahas, ngayon naman ay puro kalokohan ang naiisip niya. Itinuloy niya ang paglalakad.

             Mayamaya pa, habang naglalakad ay may naaninag si Mang Guido  sa bandang unahan ng kanyang daraanan ay may kung anong nakaharang, Parang isang taong nakatalungko. Habang papalapit siya ay inaaninag niya kung ano ito at nanghilakbot siya sa nakita. Babae nga ito, ang babae sa bukana, ang sinasabing aswang,nakatalungko ito sa gitna ng daan, ang buhok ay nakatakip sa mukha at maaaninag mo ang nanlilisik na mata. Parang naging bato ang paa ni Mang Guido. Gusto niyang tumakbo ngunit parang hindi niya mabuhat ang kanyang mga paa. Nanginginig ang katawan niya sa takot. Gusto niyang sumigaw ngunit walang siyang boses . Biglang umigkas ang aswang sa pagkakaupo at dinaluhong si Mang Guido. Hindi na niyang nagawang lumaban sa sobrang takot.  Ang huling nakita niya ay ang pag-igkas ng kamay nito na may matatalas na kuko papunta sa kanyang leeg. Bumagsak siya sa lupa hawak hawak ang leeg na may bumubulwak na dugo. Ilang saglit pa, nawalan na siya ng buhay. Binuhat siya ng aswang at dinala sa loob ng bahay nito. Mayamaya pa, muli itong lumabas ng bahay at pumunta sa sagingan na ilang metro lang ang layo. Pumutol ito ng isang puno ng saging. Pagkatapos sukatin ay pinutol nito ang dulo kasama ang mga dahon. Binuhat ang pinutol na puno ng saging at naglakad papasok sa Baryo San Gabriel.

         Mataas na ang araw ng magising si Aling Hilda. Napuyat  siya kakahintay sa pag-uwi ni Mang Guido. Hatinggabi na siya nakatulog  ay wala pa ito. Nagulat siya pagpihit niya ay nasa tabi niya ito at mahimbing ding natutulog. Bumangon si Aling Hilda upang magluto ng almusal. Naisip niya, bubungangaan niya si Mang Guido habang kumakain  mamaya. Siguro ay may ginawa na namang kalokohan kaya ginabi ng uwi. Mayamaya pa ay tinawag nito ang anak upang gisingin ang ama.

" Utoy, gisingin mo  yang tatay mo, sabihin mo kakain na!"

"Opo,Nay." Tumakbong papasok si Utoy sa kwarto.

Mayamaya pa ay lumabas ang bata sa kwarto.  " Nay, ayaw po magising ni Tatay e."

" Anong ayaw, hindi pwede!. Dapat sabay sabay tayo kumakain. Puyat kasi ng puyat. Ako na gigising diyan sa tatay mong batugan."

Dalidaling pumasok si Aling Hilda sa kuwarto para gisingin ang asawa.  

" Hoy Guido! Gumising ka diyan! Pag di ka bumangon ay sisipain kita pababa ng higaan!"

Sabay sipa sa nakahigang si Mang Guido. Nalaglag ito sa higaan, at gumulong papunta sa dingding ng bahay. Napasigaw si Aling Hilda at agad niyakap ang asawa. Doon niya napansin na isa na itong malamig na bangkay.

          Kumalat na sa buong San Gabriel na namatay na si Mang Guido.Binangugot daw ito at hindi na nagising. Bukod sa napakalayo ng San Gabriel sa bayan, wala ring pera si Aling Hilda kaya hindi na pinaembalsamo ang bangkay at ililibing na rin ito agad kinabukasan. Lahat ng mga namatay sa San Gabriel ay hindi na dinadala sa punerarya sa bayan. Bukod kasi sa anim na oras na paglalakad pababa ng bundok, bibiyahe ka pa ng apat na oras sa sasakyan papuntang bayan. Yun e kung aabutan mo yung biyahe para sa araw na iyon. Kapag hindi mo inabutan, maghihintay ka pa ng isang araw pa uli para sa susunod na biyahe. Kaya ang ginagawa ng mga taga San Gabriel, ibinabalot sa sako ang bangkay bago ito ilagay sa kabaong na ginawa rin nila. Pagkatapos ay ipapako nila ang takip nito para di na mabuksan upang maiwasan ang paglabas ng amoy., pagkatapos ay agad din itong ililibing kinabukasan.  
         Iyak ng iyak si Aling Hilda sa libing ni Mang Guido. Nagsisisi siya sa lahat ng kasalanan niya sa asawa. Sa di kalayuan, nakatanaw ang babaeng aswang. Natuwa siya at hindi na binuksan ang kabaong. Wala nang bisa ang kanyang mahika na ginawa sa mga oras na yon. Kung binuksan ang kabaong, makikita nila na hindi bangkay ni Mang Guido ang naroon kung hindi isang puno ng saging.

                                                                      

Si Joshua Lagalag at ang Aswang sa San Gabriel     (Book I)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon