Ngumisi ito. Bumuntonghininga. Problemadong-problemado lang.

Nagsalitan ang tingin ni Rayne sa kausap at sa pintong natahimik. Ang laki ng pursyentong ang swerte niya dahil siya ang nandito pero ang laki rin ng pursyentong papatayin na siya ng dalawa niyang kaibigan dahil naghihintay ang mga ito sa kanya sa labas ng event place.

Ang masaya pa nito, wala siyang dalang kahit ano: Bag. Phone. Pera. Lahat, iniwan niya sa dalawang kaibigan (na marahil ay nagpa-plot na ng murder.)

"Tumahimik," sabi ng kasama.

Pinanood niya ang paglapit nito ng tainga sa pinto. Nakikinig. Ang mukha nito ay nakaharap sa kanya kaya umikot si Rayne at napahugas na lang ng kamay bigla. Sinusubukan niyang huwag tingnan ang kasama ngunit ayon, titigan na naman.

Quota na sila sa titigan mula sa repleksyon ng salamin, ah? Hinay lang.

Nanlaki ang mata nitong nakatingin sa kanya. Biglaan ang pagtayo nang maayos.

"Bakit?" tanong ni Rayne. "May katabi ba akong multo?"

Gustong matawa ni Rayne sa sarili joke kaso mukhang walang time sa joke ang kasama. Kanan-kaliwa ang tingin nito bago nag-settle muli sa mga mata niya. (Dyusko.)

"May susi sila."

"Ha?"

"Bubuksan nila 'yong pinto."

"Haa??"

Hindi malaman ni Rayne ba't nakaramdam din siya ng panic kahit sa totoo lang, dapat hindi siya nagpa-panic. Wala naman siyang ginawa. Nag-CR lang. Naghugas ng kamay.

Kaso nahahawa siya sa panic mode ng malalim na boses ng kasama.

Napaatras si Rayne nang lumapit sa kanya ang kausap. Napatunayan niyang lagpas balikat naman pala talaga ang height niya ri—teka, hindi ito ang tamang oras para alamin ang height difference—ito ang panahon para mag-panic ang buong kalamnan ni Rayne!

Bakit?

Dahil hinatak lang naman siya ng kausap papasok sa isang cubicle at mabilisang ni-lock ang pinto. (Syempre, masikip sa loob ng cubicle kaya the closer the better ang drama.) Ilang segundo lang ang lumipas, narinig na ni Rayne ang malakas na pagbukas ng pinto ng CR at tili ng mga babaeng natigil din agad.

"Saan siya?"

"Kaye?"

Mukhang nakaramdam ng takot ang kasama niya sa cubicle. Nang tingnan niya ito, okay – medyo lagpas naman pala sa baba ang heigh—teka nga, hindi nga sabi ito ang tamang oras para alamin ang height difference!

Ito ang panahon para malumbay ang braso ni Rayne dahil bumitaw na pala sa kanya ang katabi. Sayang.

"Nandyan si Kaye?"

Boses ng isang babae.

"Uy, si Kaye—nandito?!"

At isa pa.

"Asan si Kaye?"

Maraming babae.

May mga paang nakasapatos ang nasisilip ni Rayne sa ilalim ng pinto. Nang may tumigil sa harap ng cubicle nila, mahina niyang itinulak ang kasama paatras. Paatras pa lalo. Sa gilid. Siksik.

Rinig nila ang isa-isang pag-check ng cubicle hanggang sa sinibukang buksan ang pintuan ng cubicle kung nasaan sila.

May katok. Hindi lang isa, marami. At hindi rin ito mga katok na maayos – kumakalabog!

"KAYE? NANDYAN KA BA? Girls, may tao sa cubicle na 'to!"

Parehas na nagpa-panic ang dalawa. Sinenyasan niya si Kaye na tumahimik. Nagtaka ito.

Love Songs for No OneWhere stories live. Discover now