"Ang sabi ko!" pasigaw na sabi ni Rayne.

Napaatras si Kaye at napatakip ng tainga. Nabingi ata saglit. Natatawa.

"Ang lakas ng boses!"

"Hindi mo ako marinig, eh. Sabi ko, paano na 'yong manager mo, hindi ka ba uuwi? Anong oras na?"

Tiningnan ni Kaye ang suot na relos. Dahil sa pagtaas nito ng kaliwang kamay, napatitig muli si Rayne sa singsing. Nilapit ni Kaye ang bibig sa tainga ni Rayne.

"May curfew ka ba?"

"Wala pero—"

"Inaantok ka na?"

"Hindi naman pero—"

"Nagpupuyat ka ba?"

"Oo pero—"

"Uuwi ka na ba?"

"Hindi pa pero—"

"Alisin mo na 'yong pero. Mag-chill na lang tayo ngayon dito. Muna."

"Nako, ah. Kapag ako sinisi mo—"

"Sisisihin talaga kita kapag hindi ka pa pumayag. Nandito naman na tayo. Wala nang atrasan." Tamang-tama, dumating na ang in-order ni Kaye na Margarita Pitcher at Mozzarella Sticks. (Chillax lang, hindi walwalan para walang iyakan.)

Pinag-serve sila ng waiter bago ito umalis. Nakangiti si Kaye nang tinaas ang baso ng Margarita.

"Cheers?"

Hawak lang ni Rayne ang sariling baso. "Hindi ba parang bawal sa 'yo 'to or something?"

"Minsan lang naman."

Inuntog ni Kaye ang baso sa hawak ni Rayne.

"Celebration ba 'to?" Uminom kaunti si Rayne sa baso niya kasabay ni Kaye. "Uhm. . . congrats? Sa cine-celebrate natin."

Pinagmasdan muna siya ni Kaye; para bang may gustong alamin. Gustong tanungin. "Actually, today is my birthday celebration."

"Ay, oh? Happy birthday!"

Nanliit sandali ang mata ni Kaye, mukhang may iniisip. Ngumiti lang si Rayne.

"Celebration lang talaga, tapos na birthday ko."

Tumango-tango si Rayne. "Eh, 'di advance happy birthday."

"Hindi ba dapat belated?"

"Advance! Para ako pinaka una sa susunod mong birthday. Huwag mong kalimutan 'yan."

"Sa tingin mo, paano ko makakalimutan?" Tumawa si Kaye pero natigil, at napatitig.

Napatitig din bigla si Rayne pero nakaramdam agad ng ilang. Mas kabado dahil mas malapit na sila ngayon, wala nang lamesang maghihiwalay sa kanila o mga restaurant staff na nanonood sa kanila. Sa bar, kaunting galaw lang ay madadaplisan na niya ang braso ni Kaye, o tuhod, o binti o paa. Kaunting hilig ng ulo ay tatamaan na niya ang kay Kaye.

Walang nakatingin. Walang nakikinig. 

May sarili silang mundo.

Ilang kurap pa ang ginawa ni Rayne bago napakurap din si Kaye at ngumiti.

"Lumiliwanag ka."

"H-Ha?"

Parang may kung anong humila ng puso niya paloob.

"'Yong aura mo dito sa bar, dahil na rin ata sa hair mo. Para kang nagliliwanag ng red, sa lighting din siguro ng place."

Nailang si Rayne sa pagtitig ni Kaye sa kanya. Masyadong malapit. Masyadong taimtim. Masyadong malalim.

Love Songs for No OneWhere stories live. Discover now