Pagod na binuksan ko ang pinto. Nang binuksan ko ang ilaw tumambad sa akin ang natutulog na bulto ng pinsan kong si Therielle sa nag-iisang maayos na sofa sa buong sala. Sa paligid ko, mahahalata na marahas at marami ng napagdaanan ang kasalukuyang bahay na tinitirhan namin. Napailing ako, kahit halos mag-iisang buwan na ako rito, hindi ko pa rin magawang sanayin ang sarili ko sa bahay na ito.
“Jaze?” Naalimpungatan na sabi ni Therielle.
Tumango ako bilang pagtugon at saka nilapag ang bag na dala ko sa malapit na mesa. “Lilipat na ko sa kuwarto. Hinintay lang kita e,” Paliwanag niya habang kinukuha ang mga unan na nakalatag sa sofa. “—may pagkain diyan, nakatakip. Sige. Goodnight.” Ang huling sabi niya at nawala na siya sa paningin ko.
Hinubad ko and sumbrero na suot ko at pinagmasdan ang sarili sa salamin. Sinigurado kong hindi ko mailalapit ang mukha ko rito dahil may basag na ito.
Umiksi na ang buhok ko. Ang dati kong mahabang buhok na hanggang puwet ay ngayong nasa ibabaw na ng balikat ko.
Hindi ko alam kung sasabunutan ko ba ang sarili ko o tatanggapin na lang ang ginawa ko sa buhok ko. Bagay naman ang bagong ayos sa buhok ko. Isa pa, kailangan ko rin itong gawin para maiwasan ang pagsuspetiya ng mga tao sa totoong katauhan ko. Napabuntong hininga ako at sinuklay ang buhok ko gamit ang kamay.
Naglakad ako papuntang kusina. Maririnig ang pagtunog ng kahoy na tinatapakan ko na para bang gigiba na ito. Wala namang pinto na nakakonekta mula sa sala papunta rito sa kusina kaya agad kong nakita ang mesa na may nakatakip na ulam sa loob nito.
Nakita kong may kanin pa sa rice cooker kaya agad akong nagsandok at naupo. Pagkabukas ko ng takip ay nalanghap ko agad ang mabangong amoy ng isda.
Tinapa na may itlog.
Yum.
Sa gitna ng pagkain ko, may narinig akong balibag mula sa bintana malapit sa likod bahay. Sa gulat ko may nalunok akong tinik at agad na nasamid.
“Zelle?” May natatarantang bulong na nanggaling malapit sa bintana.
Kumuha ako ng saging at sumubo ng malaki para masama ang tinik na nalunok ko, pagkatapos ay inaninag ko kung sino ba ang pumasok sa bahay namin.
Hindi masyadong makita kung sino ang naroroon pero masasabing babae ito dahil sa tindig ng katawan at base sa boses nito kanina. “Zelle ako 'to. Dalian mo. Paparating na sila.” Kapos hiningang sabi ng babae at binaba ang nakatakip na maskara sa mukha nito. Lumapit siya sa akin kaya naliwanagan siya at nakita ko ang mukha niya.
“Ylona? Sinong sila?” Walang sila. Napailing na naman ako sa walang kuwenta kong naisip.
Hinawakan niya ako sa pulso at hinila papuntang kuwarto. Naroon pa rin ang bag kong puno ng damit at mga importanteng bagay. Hindi ko kasi ito nililigpit at itinatabi dahil una, wala naman kaming drawer na puwede paglagyan at pangalawa, masyadong importante at mahalaga ang mga gamit na kailangan talagang itago.
“Sila. Nandiyan na sila.” Diin na sabi ni Ylona at nagmamadaling tinitingnan kung may mahalagang gamit ba akong nalagay sa kuwarto. Naintindihan ko na kung bakit nagkakaganito siya, kahit ako ay medyo nangamba na ngunit pinilit pa ring maging kalmado. Binuhat na ni Ylona ang bag ko. Sa itsura ng bag, ito iyong mukhang klase ng bag na madalas na nilalagyan ng libo-libong pera, ang kaso nga lang, hindi pera ang nakalagay sa loob nito.
