Biglang naglaro sa isipan ni Luna ang maaaring naging reaksyon ni Mang Tonio sa kulungan nang makitang buhay si Aling Bising. Siguro'y labis ang pagkagulat non at galit sa ginawang panlilinlang sa kaniya ng pamilya ni Isko. At marahil, labis din ang kaniyang poot sa ginawang pagtataksil sa kaniya ni Karding nang ibunyag ng kapatas sa balita ang detalye tungkol sa pinlano nilang dalawang pagpapaalis kay Isko sa barrio upang maangkin ang ari-arian ng pamilya nito, at ganoon din ang pagkamatay ng mga magulang ni Isko sa utos ni Tonio.

Inakala ni Karding na sa ginawa niyang pagbubunyag, makukumbinsi niya ang kapulisan na kunin siyang pangunahing testigo laban kay Tonio at sa mga kasamahan nito. Ang kusa niyang pag-amin sa mga nagawang krimen ay inakala niyang magiging susi upang mailigtas ang sarili sa pagkakakulong. Ngunit dahil sa napakalaking krimen na nagawa niya, hindi pinayagan ng awtoridad ang kaniyang hiling na maging testigo.

"Siya nga pala, Luna," biglang sumeryoso ang tinig ni Isko. "Noong kinuha nga pala namin si Juan sa barrio, pinilit kong gumawa ng paraan para makuha rin si Lino."

Napahinto muli sa paglalakad si Luna at biglang napatingin sa katabi. Nanlaki ang mga mata niyang naghihintay na ipagpatuloy ni Isko ang sinasabi.

"Gustong sumama sa akin ni Lino nung nakita niya ako. Gustuhin ko man, hindi ako pinagbigyan ng mga pulis at DSWD na isama siya. Hindi raw legal na kunin ko siya dahil hindi naman kami magkamag-anak. Mas may karapatan daw si Aling Angela dahil siya'y malayo ninyong kamag-anak."

Ang munting pag-asang sumilay sa mukha ni Luna ay biglang naglaho sa narinig. Malungkot niyang ibinaling ang paningin sa dinadaanang kalye at nagpatuloy sa mabagal na paglakad.

"Pero dahil sa kaso ni Mang Tonio, at sa marahas na tradisyon sa barrio. Hindi raw makakabuti para kay Lino ang manatili roon. Kung kaya't kinuha siya ng DSWD, at ngayon ay nasa pangangalaga na nila si Lino," dagdag ni Isko.

Lumukso ang puso ni Luna. Pakiramdam niya'y naging mabait ngayon sa kanila ang tadhana.

"Ibig-sabihin," nakangiting humarap si Luna kay Isko. "Nasa maayos na kalagayan si Lino. At kung makikipag-ugnayan kami sa DSWD, maaari naming makuha ang kapatid ko?"

"Oo, Luna. Ganoon nga," nakangiting sagot ni Isko.

Sumigla ang pakiramdam ni Luna sa narinig. Sa muli nilang paglakad, pakiramdam niya'y nakalutang ang kaniyang mga paa sa lupa.

"Narito na tayo," sabi ni Luna nang sila'y huminto sa tapat ng isang maliit na apartment. Kumatok siya sa pinto. Hindi nagtagal ay binuksan iyon ng isang maliit na babaeng nasa edad kwarenta karga ang isang sanggol na nasa limang buwang gulang.

"Hello, Fran!" masayang bati ni Luna sa sanggol na nagpapadyak ang mga paa sa ere ng makita siya. "Teka lang at mag-aalcohol lang ang nanay ha?"

"Ay, Mina. Pwede ba akong umuwi muna?" biglang tanong ng babaeng may karga sa sanggol. Marahan niyang inaalis sa kamay ng sanggol ang kulot niyang buhok na hinihila nito. "Nagtext kasi yung anak kong panganay. Dumating na raw kasi sa bahay ngayon yung kamag-anak namin."

"Ah ganun ba. Osige, Aling Sening. Sabihin ko na lang mamaya kay ate pagdating niya na umuwi muna kayo."

"Babalik din naman ako kaagad. Sa susunod na araw narito na uli ako. Salamat ha?"

Mabilis na pumasok si Luna sa bahay. Inilapag ang bag sa lumang sofa at kinuha ang alcohol na nakapatong sa lamesitang malapit sa bintana. Nang kinuha niya ang sanggol, agad namang umalis si Aling Sening.

"May anak ka na pala," mahinang sabi ni Isko.

Nilingon ni Luna si Isko na nakatayo sa may pintuan. Nakita niya ang ngiti sa labi ng binata at lungkot sa mga mata nito.

"Naku pasensiya na, Isko. Nakalimutan na kitang asikasuhin," paumanhin ni Luna na nakatayo malapit sa sofa karga ang sanggol. "Halika, pumasok ka. Maupo ka."

Tumuloy si Isko sa loob. Ngunit imbes na umupo, inilapag lang niya sa sofa ang mga bitbit na libro at saka humarap kay Luna at sa anak nito.

"Nag-asawa ka na pala," halos bulong na sabi ni Isko. Bagama't seryoso ang kaniyang mukha, walang bahid ng galit o inis ang kaniyang tinig.

"Ah," sambit ni Luna. Hindi niya alam kung ano ang isasagot kay Isko. "Uhm, siya nga pala, Isko," iniharap niya ang sanggol kay Isko. "Si Framina, anak ko." Nakangiti siyang tumingala kay Isko.

"Ang ganda naman ni Framina," mahinang sabi ni Isko sabay himas sa manipis na buhok ng bata.

"Ipinangalan ko siya sa pangalan ng tatay niya – Francisco. At sa pangalan ko – Lumina."

"Si Francisco Santiago ba ang tinutukoy mo?" may bahid ng lungkot ang tanong ni Isko.

"Hindi si Santi ang ama ng anak ko. Si Francisco Magtanggol..."

Bumilis ang tibok ng puso ni Luna ng makita ang reaksyon ni Isko.

"A... ako..." namilog ang mga mata ni Isko nang siya'y magsalita. "Paanong?..."

"Noong gabi nung huli tayong nagkita," hindi na itinuloy pa ni Luna ang nais sabihin. Batid niyang naiintindihan na ni Isko ang gusto niyang ipaalam dito.

"Luna..."

Ramdam ni Luna ang nag-uumapaw na emosyon ni Isko. Naluha na lamang siya ng makita ang luhang nangilid sa mga mata ng binata.

Lubos ang kasiyahan ni Luna nang marahang hawakan ni Isko ang ulo ng sanggol at ito'y halikan. Matapos iyon ay banayad nitong kinabig si Luna sa kaniyang tabi. Naglapat ang kanilang mga labi at si Luna'y maligayang pumikit.

* * *

Ito ang kuwento ni Luna... Ang pag-ibig ni Isko... At ang misteryong bumabalot sa...

Lihim ng Lunangayin.

Wakas

Ang Lihim ng LunangayinWhere stories live. Discover now