"Oo, hindi na siya nagtuturo ngayon sa University dahil Vice Principal na siya sa isang Elementary School sa probinsya. Bumalik lang siya rito ngayong pasukan dahil sa utos ng aming University Head Registrar. Hindi ko alam kung ano yung issue eh. Pero yun nga," sabi ni Tina sabay tigil sa pagsunod sa elecricfan. "Narinig ko siyang kausap si Luna sa telepono."

"Ha?" buong pagtatakang nasambit ni Isko.

"Hindi niya alam na pumasok ako ng faculty. May file kasi akong inilagay sa table nung isa naming instructor. Eh mag-isa lang siya non, nakatalikod pa. Kaya hindi n'ya napansing may ibang tao na pala sa paligid n'ya," hinawi ni Tina ang mahabang buhok at ito'y ipinusod. "Maliwanag na narinig ko ang pangalan ni Luna kaya naman hindi muna ako umalis doon at pinakinggan ko pa ang pag-uusap nila. Sabi ni Sir Santi, pauwi na raw siya ngayong gabi, kaya 'wag na raw mainip si Luna't magkakasama na raw sila. At halos malaglag nga ang panga ko sa pagkabigla nung tawagin niyang baby si Luna. Kung titingnan, pero ayaw ko sanang isipin, pero kasi parang... may relasyon na yung dalawa," pag-aalangang wika ni Tina.

"Ano bang pinagsasasabi mo?" Lumukot ang mukha ni Isko. "Baka nagkakamali ka lang ng dinig. Hindi yun si Luna." Pigil ang galit sa kaniyang tinig.

"Si Luna 'yon!" pagpipilit ni Tina. "Kinumusta pa nga niya kami kay Sir Santi."

Nanlaki ang mga mata ni Isko.

"Malinaw ang dinig ko nung sinabi ni Sir Santi'ng, 'Maayos naman sina Tina.' Ibinalita pa nga niya ang pagiging campus figure ngayon ni Sabel dahil sa pagkapanalo n'ya sa Inter-School Swimming Competition."

Hindi maliwanag kay Isko ang nararamdaman sa mga sandaling iyon. Magkahalong kaba, pagdududa, saya at selos ang sabay-sabay na emosyong naglalaro sa kaniyang dibdib.

"Pero hindi rin nagtagal ang pag-uusap nila dahil naputol ang linya. Siguro nawalan ng signal," pagpapatuloy ni Tina. "Napatulala na nga lang ako non sa pagkabigla, kaya nagulat si Sir Santi nang makita niya akong parang estatwang nakatitig sa kaniya pagharap niya sa'kin. Tapos ayun..."

"Anong ayun?" inis na wika ni Isko sa bitin na kuwento ni Tina.

"Ibig kong sabihin, nagsimula na siyang magpaliwanag nung inusisa ko siya tungkol sa mga narinig ko. Ayaw pa nga niya magsalita nung una, pero dahil sa kakulitan ko, napilitan siyang magsalita. Alam niyang hindi ko siya titigilan kanina kaya nagbigay na rin s'ya ng ilang impormasyon tungkol kay Luna. Pero tingin ko rin, siguro naisip rin ni Sir na ipagtapat na rin ang maayos na kalagayan ni Luna para mawala na rin ang pag-aalala naming magkakaibigan sa kaniya. Mahigpit niya lang akong binilinan na wala raw dapat ibang makaalam ng tungkol kay Luna kun'di kaming apat lang nina Sabel," paliwanag ni Tina. "Sabi ni Sir Santi, nasa Iloilo raw si Luna. Noong nakaraang taon pa raw humingi ng tulong si Luna sa kaniya. Kaya naman pala bigla siyang pumunta ng Iloilo non at nag-absent ng dalawang linggo. Bale nagpalipat-lipat muna raw sina Luna at kapatid niya sa ibat-ibang lugar sa Visayas bago sila napuntang Iloilo. Nung nahirapan na raw ang magkapatid sa paghahanap ng maayos na trabaho, doon daw naisipan ni Luna'ng humingi na ng tulong kay Sir Santi. Di mo na itatanong, si Sir Santi kasi ay taga Iloilo kaya hindi na nakapagtatakang sa kaniya humingi ng tulong si Luna kung doon nga sila napadpad. Bukod pa roon, halata naman ang malaking pagkagusto ni Sir Santi kay Luna kaya siguradong hindi mapapahiya si Luna kapag lumapit siya kay Sir."

Bagama't hindi maitanggi ni Isko sa sarili ang selos, pilit niyang inunawa ang kalagayan ng mahal niyang si Luna.

Napag-alaman niya mula kay Tina ang pagtulong ni Sir Santi upang makakuha ng maayos na trabaho si Nina, gayun din si Luna. Ayon rito, ang magkapatid daw ay kasalukuyang naninirahan sa La Paz, Iloilo, at si Luna ay nagtatrabaho bilang isa sa mga staff sa Elementary School sa La Paz. Hindi nga lang alam ni Tina kung saang school dahil hindi na rin nagbigay pa ng karagdagang impormasyon si Sir Santi ukol dito.

Hindi inaasahan ni Isko ang dami ng bilang ng Elementary School doon. Kaya naman nahirapan siya sa paghahanap kay Luna. Tatlong araw din siyang naglibot sa lugar at nagtanong-tanong sa mga eskwelahan bago natunton ang kinaroroonan ni Luna.

Bagama't pilit na sumisiksik sa kaniyang isipan ang mga sinabi ni Tina ukol sa hinala nito sa relasyon nina Luna at ng guro nito, hindi pa rin nawala ang kaniyang pagnanais na makitang muli si Luna. Ang nais ni Isko ay marinig mula sa mga labi ng dalaga ang katotohanan. Kung mapag-aalaman niya mula kay Luna na iyon ay totoo, siya na mismo ang kusang lalayo. Kahit masakit, mamarapatin niyang magpalaya para sa ikaaayos ng buhay ng minamahal.

Lumalakad nang papalayo si Luna ng matauhan si Isko sa kaniyang kinatatayuan, at maalala ang tunay na pakay niya sa pagpunta sa lugar na iyon: Naroon siya hindi lang para makita si Luna. Naroon siya para makaharap at makausap ang mahal na dalaga.

Nagmadali si Isko sa paghabol kay Luna. Halos hawiin niya ang mga estudyante at ang mga sundo nila sa kaniyang dinadaanan.

Kung kailan ka naman nagmamadali oh, saka ka sasalubingin ng mga tao. Tumabi naman kayo, pakiusap! Iyon na lamang ang nasabi niya sa isipan dahil sa pagkayamot.

Palayo na ng palayo si Luna, samantalang siya naman ay pabagal ng pabagal dahil sa pagdagsa ng mga estudyanteng sumasalubong sa daanan niya.

"Luna!" biglang sigaw ni Isko ng malakas sabay hinto. Napayuko siya't halos maitukod na ang mga kamay sa sementong daanan nang muntikan na siyang matisod sa paanan ng barrier na bakal.

Ang Lihim ng LunangayinWhere stories live. Discover now