Huling Kabanata

242 11 5
                                    

Huling Kabanata

ANG LIHIM NG YUNGIB

"MAY nahulog na bomba?" gitlang isip ni Dewas.

     Pero wala naman siyang narinig na eroplano. Ngunit nang matanto niya na mula sa kweba ang mga pagsabog ay saka niya nahulaan ang tunay na nangyari.

     Kaya pala mahigpit ang seguridad na kailangan pa silang piringan.

     Kaya pala taimtim at parang nagdarasal ang pagyuyukuan ng mga Hapon.

     Kaya pala ganoon na lamang ang reaksiyon ng opisyal sa pinagmasdan nitong bukang-liwayway.

     Balak pala ng mga Hapon na pasabugin ang kweba?!!

     At kasamang nailibing ng buhay ang dalawang sundalong Hapon, ang Pilipinong Kulot, ang opisyal na may gintong samurai at ang apat niyang kasama na pinangakuan niyang hindi iiwan.

     Kung ano man ang laman ng mabibigat na kahon ay tuluyan nang malilihim dahil natatabunan na ang mga iyon ng tone-toneladang bato at lupa.

     Desperadong kilos ng mga desperadong tao! Sigaw ng isipan ni Dewas. Pero bakit ako iniligtas? Dahil ba tinulungan ko ang matabang Hapon? At ang buhay ko ang hiniling nito kanina sa opisyal?

     Sa dami ng mga katanungang rumaragasa sa utak ni Dewas ay hindi niya napansin na palihim nang kumilos ang mga sundalo sa likuran niya.

     Tahimik na binunot ng isa ang bayoneta nito habang itinaas naman ng kasama ang hawak na ripple. Nakaumang ang ilalim ng hawakan ng sandata sa batok ni Dewas.

     May biglang kumidlat sa paningin ni Dewas nang paluin siya ng ripple sa batok. Animo'y manikang basahan na nalugmok si Dewas sa damuhan.

     Lumuhod ang kawal na may hawak na bayoneta sa dakong ulunan ni Dewas. May dinukot ang sundalo sa loob ng bibig ng walang malay na Igorot.

MULING nabulabog ang tahimik na kabayanan ng kapol nang dumating ang isang lalaking duguan. Sa hitsura ay hapong-hapo ito sa paglalakad. Nang makalapit sa bahay, halos mawalan ng malay na napalugmok ang lalaki sa lupa dahil sa kahinaan.

     Nagtatakbuhang sumalong ang lahat sa dumating. At kahit mabigat ang sinapupunan, hindi iyon naging sagabal upang mabilis bumaba ng bahay si Saguaynit at yakapin ang asawang nakalugmok sa lupa.

     "Napano ka?...? Nasaan ang iba? Saan kayo dinala ng mga Hapon?" sunod-sunod na usisa ng lahat ng nakapaligid na bagong dating.

     Sa kabila ng walang-patid na katanungan ay nanatiling nakapako ang mga mata ni Dewas sa lumuluhang kabiyak. Kahit pano ay napapasalamat na rin siya dahil nakauwi pa siya nang buhay.

     Nanginginig ang kamay na inabot ni Dewas ang sinapupunan ng asawa. Sa paraan ng paghaplos ay ipinalam niya sa magiging anak na narito na muli siya.

     Isa pa, pagtuunan man niya ng pansin ang mga nakapaligid ay hindi naman niya magawang sagutin ang mga katanungan ng mga iyon.

     Oo, pagod na pagod siya dahil pinakawalan siya ng mga sundalo sa mas malayong lugar.

     Oo, hinang-hina na rin siya dahil naubusan siya ng maraming dugo kahit pa dinulutan siya ng paunang lunas ng mga Hapon.

     Ngunit imposible na niyang masagot ang mga katanungan ng nakapaligid sa kanya.

     Upang makatiyak na walang ibang nakakaalam sa lihim ng mga kahon sa yungib, pinutol ng mga Hapon ang kanyang dila!

-_~WAKAS~_-

World War IIWhere stories live. Discover now