"Pero bakit nga?" mariing tanong ni Luna. "Bakit mo pa kailangang dalhin ako rito gayong wala naman dito ang inay!" sigaw niya.

"Naisip ko kasing mas makakapag-usap tayo ng maayos, at mas makakapagpaliwanag ako sa'yo ng maayos kung dadalhin kita rito," tugon ni Isko. "Hindi ko kayang sabihin lang sa telepono o sabihin sa'yo basta ang mga ganitong bagay sa labas o sa lugar na hindi ligtas. Alam mo kasi," bumuntong hininga ang binata, "naisip ko ring baka hindi pa huli ang lahat. Baka may magawa pa tayo kung pagpaplanuhin lang nating maigi."

"Anong... ibig mong sabihin?" usisa ni Luna. Pinahid niya ang mga luha sa kaniyang mga mata.

"Nais ko sanang gumawa ng plano. Planong iligtas ang iyong inay at ang kapatid ko," natigilan si Luna sa pahayag ni Isko. "Pero sa pagkakataong ito, kakailanganin ko ng iyong tulong. Hindi ko nagawang sagipin ang iyong inay at ang kapatid ko noon dahil mag-isa lang ako. Naisip ko, baka ngayon sa tulong mo, maaaring matupad ko na ang pangako ko sa'yo at makasama ko pang muli ang kapatid ko."

Hindi umimik si Luna. Hinintay niyang magsalitang muli si Isko at pakinggan ito.

"Luna, plano kong bumalik muli sa Lunangayin at palihim na itakas ang iyong inay at kapatid ko."

"At paano mo 'yon gagawin?"

"Pagsapit ng hating-gabi, doon ko maaaring isagawa ang pagtakas sa kanila. Maaaring..." huminto si Isko sa pagpapaliwanag. Tila ba nag-iisip pa ng susunod na sasabihin.

"Maaaring ano?" inis na tanong ni Luna. "Maaaring mahuli ka nila sa gagawin mo. Maaaring hindi mo makuha ang kapatid mo. Maaaring sa mga sandaling iyon inaantay pala nila ang pagbalik mo dahil alam nilang may babalikan ka pa sa barrio. Tapos ano?" hinintay ni Luna'ng sumagot si Isko ngunit nanatiling tahimik ito. "Paano mo naman ililigtas ang inay ko? Alam mo ba ang kalagayan niya ngayon? Nasisiguro mo bang sa mga oras na ito ay wala pa silang ginagawang masama sa kaniya?" biglang napahagulgol si Luna nang maisip niyang baka huli na ang lahat para sagipin ang kaniyang inay.

Dahil sa pighating nadarama, itinulak niya si Isko at mabilis na pumasok sa kuwarto. Padabog niyang isinara ang pinto.

Para bang sasabog ang kaniyang dibdib nang maupo siya sa manipis na kutsong nakapatong sa papag. Hawak niya ang kaniyang mukha at hindi niya mapigilan ang labis na pananangis dahil sa katotohanang ibinunyag ni Isko.

"Inay..." bulong niya sa hangin. "Patawarin – mo – ako – inay..." sabi niya sa pagitan ng hikbi.

Nanghihinang humiga sa kutson si Luna habang patuloy na umiiyak. Ibinaluktot niya ang kaniyang katawan na parang sanggol, at hinaplos-haplos ang unang kaniyang katabi. Bawat patak ng kalungkutan mula sa kaniyang mga mata ay nagmarka sa manipis na katreng sumasalo rito. Ang banayad na hanging pumapasok mula sa bukas na bintana ay tila ba mainit na yakap na uma-alo sa pagal niyang damdamin.

"Luna," marahang wika ni Isko sa labas ng pintuan ng silid. "Mag-usap naman tayo... pakiusap... Luna..."

Hindi sinagot ni Luna ang hiling ni Isko. Nanatili siyang tulalang nakatitig sa unan sa kaniyang tabi habang patuloy na bumubuhos ang luha. Nang marinig niya ang paglakad ni Isko palayo – sa langitngit ng kawayang sahig, kinapitan niya ng mahigpit ang unan sa tabi.

Maya-maya'y, ang biglang pag-awit ng isang ibon ay tumawag sa kaniyang atensyon. Binaling niya ang tingin sa bintana at nakita itong nakadapo sa pasimano. Pinagmasdan ni Luna ang ibong animo'y nang-uusisa. Nang iginalaw niya ang kaniyang ngawit na katawan, tila ba nagulat ang ibon at ito'y mabilis na lumipad palayo.

Sa pag-alis ng ibon, nabaling ang tingin ni Luna sa matingkad na liwanag sa labas. Ang mga puting ulap ay para bang mga bulak na unti-unting nagkukumpulan upang bumuo ng hugis. Tinitigan ito ni Luna. Nang makita niya ang hugis na parang dalawang taong magkayakap, naalala niya ang kapatid.

Ate...

Ipinunas niya sa kaniyang suot na t-shirt ang basa niyang mukha. Nagmadali siyang bumangon at dinampot ang bag niyang nasa sa sahig. Dito, dinukot niya sa loob ang teleponong nakatago. Mula nang maubusan ito ng baterya, hanggang maicharge, hanggang makaalis sila ng inn, at hanggang makabiyahe, hindi ito binuksan ni Luna. Ito ang naisip niyang paraan upang makaiwas sa maaaring pagtawag muli ng kaniyang mga kaibigan. Ramdam niyang hindi titigil ang mga iyon hangga't hindi nakakakuha ng maayos na paliwanag mula sa kaniya. Hindi nga lang niya naisip ang maaaring pagtawag sa kaniya ng kapatid.

Sa pagbuhay niya sa telepono, maraming mensahe ang agad na pumasok. Dahil ito'y naka-silent mode (simula pa kahapon), walang tunog na nilikha ang telepono sa pagtanggap ng mga mensahe. Hindi na nagtaka pa si Luna nang makita ang sunud-sunod na mensahe mula sa kaniyang mga kaibigan, ngunit nang makita at mabasa ang mga mensaheng galing sa kaniyang kapatid, siya'y nabigla at hindi makapaniwala sa napakasamang balita.

 Hindi na nagtaka pa si Luna nang makita ang sunud-sunod na mensahe mula sa kaniyang mga kaibigan, ngunit nang makita at mabasa ang mga mensaheng galing sa kaniyang kapatid, siya'y nabigla at hindi makapaniwala sa napakasamang balita

Oops! This image does not follow our content guidelines. To continue publishing, please remove it or upload a different image.

Oops! This image does not follow our content guidelines. To continue publishing, please remove it or upload a different image.

Oops! This image does not follow our content guidelines. To continue publishing, please remove it or upload a different image.
Ang Lihim ng LunangayinWhere stories live. Discover now