"It's all right, you can trust me. May bad blood ako sa mga pulis. Pulis ang pumatay sa dad ko noong maliit pa kami ng kapatid ko. Hindi na siya namulatan ng sister ko."

Hindi niya alam kung maniniwala o hindi sa lalaki, pero nasa kotse siya nito at nasa kahabaan sila ng SLEX. May choice ba siya? Hindi na rin naman siya makakababa kung sakali. Nanalangin na lang siya na huwag sana silang itimbre sa pulisya, na maawa naman sana ito sa kanila.

"I'm listening," sabi nito mayamaya.

"Huh?"

"Tell me the story."

Huminga nang malalim si Dahl. "Mahabang kuwento."

"Mahaba rin ang biyahe."

Tumawa siya nang walang saya. "Baka ibaba mo 'ko sa pinakamalapit na police station."

"Bakit, wanted ka ba? Ikaw ba'ng may kaso?"

"Hindi ako, ang kuya ko. Saka wala pa siyang kaso. Sabi ng abogado, thirty days daw pagkatapos n'ong raid maipa-file ang kaso sakaling kakasuhan nga nila si Kuya."

"So, wala pang kaso pero hinahabol na siya ng mga pulis?"

Alanganin siyang sumagot. "Wala siya sa bahay nang mangyari ang raid pero tinaniman nila ng shabu ang kuwarto niya..." At itinuloy-tuloy na niya ang kuwento, pati na iyong anggulo tungkol sa pulis na karibal ng kuya niya kay Mariz.

Nang matapos magkuwento, kunot na kunot ang noo ni Zaq. "Jopet Santamaria?"

"PO2 Jose Pepito Santamaria, Jr."

Biglang napakabig sa kanan sa shoulder lane si Zaq at huminto ang sasakyan doon. Titig na titig ito sa kanya.

"Bakit?"

"Jose Pepito Santamaria ang pulis na pumatay sa tatay ko... ex-boyfriend ng mommy ko."

Nagulat si Dahl. Kung totoo ang sinabi ni Zaq... Like father, like son, naisaloob niya. Unless ibang Jose Pepito Santamaria ang nakapatay sa ama ni Zaq.

"Patay na rin si Sgt. Santamaria, noon pa."

Tumango na lang siya. Sana ay totoo ang kuwento ng lalaki para talagang magkakasimpatya ito sa kanila.

Hindi na sila nag-usap ni Zaq. Naging busy na siya sa pangungumusta sa mama niya sa text. Nagsalita lang uli ang binata nang ianunsiyo na malapit na sila sa bahay nito. Gising na si Cheska noon.

Pumasok sila sa isang kanto sa kabayanan at huminto sa tapat ng isang mataas at malaking gate. Mansiyon ang bahay nina Zaq. Bumusina ang lalaki at mamaya pa ay bumukas na ang gate.

"Dito ka muna," sabi ni Zaq nang huminto ang kotse sa loob ng garahe. Tumingin ito sa labas, sa may balkonahe kung saan nakaupo at nakangiting naghihintay ang dalawang matanda. "Kakausapin ko lang muna sina Mommy at Lola."

Tumango siya at hinabol ng tingin ang binata nang makaibis ng kotse. Dumeretso ito sa balkonahe, nagmano at humalik bago nakipag-usap sa dalawa, na sabay namang tumanaw sa kotse. Nakita niyang nagsitango ang dalawang matanda at binalikan na siya ni Zaq.

"Okay na," sabi nito nang pagbuksan siya ng pinto. Isinunod nito ang backseat at kinuha si Cheska roon, na hindi naman tumutol at agad pumayag na kargahin ng lalaki.

Binitbit ni Dahl ang malaking bag at sumunod na kina Zaq at Cheska patungo sa balkonahe. Nagmano siya at bumati sa dalawang matanda, ganoon din si Cheska. Pagkatapos ay iginiya sila ni Zaq patungo sa mga hilera ng silid sa second floor.

"Magpahinga muna ako. Mag-e-explain pa ako kina Lola at Mommy."

"Alam na ba nila...?"

"Pahapyaw. Binanggit ko lang ang Jose Pepito Santamaria at pumayag na sila agad. You'll be safe here, pati ang kuya mo pagdating niya."

"The Good Samaritan" by Kumi Kahlo [COMPLETED]Where stories live. Discover now