"Kung tungkol na naman 'yan dun sa gusto mong mangyari, Jason, tumigil ka na, pwede ba? Ano ba kasi ang ipinag-aalala mo?" nakasimangot niyang sabi.

"Hindi ko kasi kaya, Helga eh."

"Hindi mo kaya ang alin?"

"Ang pabayaan kang pasanin kaming lahat."

Hindi ko talaga kaya. Hindi kaya ng kunsensya ko ang gusto niyang mangyari.

"Sana naman, intindihin mo rin ang sitwasyon ko, Helga," dagdag ko.

Hindi na siya nagsalita kahit nang makauwi na kami. Mas lalo ko namang ikinabagabag ang kanyang pananhimik.

"H-Helga?" bulong ko sa kanya habang niyayakap ko siya mula sa kanyang likuran. Abala siya sa paghahanda ng aming hapunan. Hindi siya nagsalita, bagama't pinabayaan lang niya akong yakapin siya.

Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2013, All rights reserved.

"Love..." bulong ko ulit sabay baon ng aking mukha sa kanang bahagi ng kanyang leeg.

Hindi pa rin siya umiimik. Parang wala lang siyang naririnig at parang wala lang ako sa kanyang likod habang naghahain siya ng niluto niyang hapunan para sa aming dalawa.

"Love nama—"

"Gawin mo na lang kung ano ang gusto mong gawin, Jason," at saka niya kinalas ang kanyang sarili mula sa aking mga bisig. Pagkatapos noon ay saka na siya umupo sa harap ng hapag-kainan. "Kumain na tayo, bago pa lumamig ang pagkain." Malamig ang pagkakasabi niya, halatang galit pa rin siya sa akin.

"Helga..."

"Kumain na tayo sabi eh!" Medyo pabulyaw ang pagkakasabi niya na sobra kong ikinabigla.

Nakakatakot ang biglaang pagsulyap niya sa akin. Pakiramdam ko tuloy, tumagos ang talim ng titig niyang iyon sa aking kaluluwa.

***

"Ano ba kasi ang ginawa mo?" tatawa-tawang tanong ni Jon nang gabi ring iyon. Narinig pala niya ang pagdadabog ni Helga habang nagliligpit ito ng pinagkainan namin kanina.

"May kaunting problema kasi ang pamilya ko sa probinsya. Kailangan kong maghanap ng mapagkakakitaan para matulungan sila sa panggastos doon. Ang kaso, ayaw ni Helga. Ang gusto niya, siya ang magtrabaho at pumasan sa amin. Ayaw daw kasi niyang maantala ang aking pag-aaral. Ang kaso, pare, hindi kaya ng kunsensya ko ang gusto niyang mangyari. Ako ang lalake, ako dapat ang nagtatrabaho."

"Mapagkakakitaan ba kamo?"

"Oo," sagot ko. "Kung panggabi, mas ok, para makapagpatuloy ako ng pag-aaral sa araw. Kung wala naman akong mahanap, titigil na lang muna siguro ako kahit isang taon. Kailangan ko talaga eh, kailangan ako ng pamilya ko."

Nag-isip siya sandali at maya-maya pa'y kinapa niya sa kanyang likod ang wallet niya. May kinuha siya doong business card at binasa. Ilang saglit pa ay kinuha na niya ang kanyang cellphone at tinawagan ang numerong nakalagay doon.

"May bakante pa ba?" aniya sa kausap. "O, talaga?" Sumulyap siya sa akin at kumindat. "Pakireserba mo na, ibibigay ko na 'yan sa kaibigan ko, ok? O sige...bye!"

Pinagmasdan ko lang siya habang pinapatay ang cellphone niya.

"May laptop ka ba?" tanong agad niya sa akin.

Umiling ako.

"Hindi bale, meron pa akong isa na hindi ko masyadong ginagamit. 'Yun na lang ang gamitin mo."

"Para saan ang laptop, pare?"

"O, akala ko ba kailangan mo ng mapagkakakitaan?"

"Oo nga pero..."

Ang Pag-ibig ng Aswang [PUBLISHED]Där berättelser lever. Upptäck nu