Malugod namang tinanggap nina Mona ang pangakong tulong na iyon, at labis ang kanilang pasasalamat. Sa gabi ng kanilang pagtakas ang napagkasunduang araw kung saan ibibigay ni Berto ang salapi. Ngunit hindi natuloy ang plano dahil sa pagdakip ng mga tao kina Mona at asawa nito noong gabing iyon.

Hindi alam ni Berto kung paano nalaman nina Tonio ang planong pagtakas nina Mona. Maaaring may nakarinig sa pag-uusap nina Barbara at Mona, ngunit mas malaki ang posibilidad na nakitaan ng pagdududa ang kakaibang kinikilos ng mag-asawa, ilang araw bago ang nakatakdang pagtakas. Pero kung anuman sa dalawang iyon, hindi na nais pa ni Berto'ng malaman ang totoo. Ipinagpapasalamat na lamang niya na hindi nadamay ang kaniyang pamilya sa gulong iyon.

Pagbabayaran mo ang ginawa mo, Isko! Hindi man ako ang makausig sa'yo, darating din ang panahon ng paniningil!

Nagngalit ang mga ngipin ni Berto sa galit nang muling pumasok sa kaniyang isipan ang kalunus-lunos na hitsura ni Barbara.

Malamig ang katawan, at iba na ang kulay ng kaniyang balat. Ang malalaking sugat nito sa ibat-ibang bahagi ng katawan ay nangingitim na. Hindi malaman ni Berto ang gagawin noong una niyang nakita ang nangangamoy na bangkay ng asawang hinukay ng kaniyang mga kasamahan sa loob ng yungib ng Nayin. Hindi sukat akalain ng bawat isa na matatagpuan nila si Barbarang nakabalot sa duguang puting kumot at banig, at wala ng buhay.

Nang gabing magising si Berto't bigong mahanap ang asawa at mga kasama sa kanilang tahanan (ang unang gabi matapos ang pag-aalay), alam niyang mayroong hindi maganda nangyaring. Lalong lumakas ang kaniyang hinala nang makita ang pulang rosario at libreta ng dasal sa ibabaw ng tokador sa kabila ng pagkawala ng mga damit ng asawa.

Bagama't hindi pa noon lubusang mabuti ang pakiramdam ni Berto, pinilit niya ang sariling tumindig ng maayos at puntahan ang bahay ni Isko. Madilim ang tahanan ng binata at tila ba walang tao sa loob. Nang walang sumagot sa pagtawag niya rito mula sa labas ng bakuran, nagdesisyon siyang dumiretso kina Tonio.

Kina Tonio, nakita niya ang anak na si Lino at kapatid ni Isko'ng si Juan na tahimik na nakaupo sa gilid ng sofa. Sabik na sinalubong ni Lino ang ama't niyakap ito ng mahigpit.

Buong pagtatakang tinanong ni Berto ang anak kung anong ginagawa niya roon. Tila ba hindi alam ni Lino kung paano tutugon sa ama, kung kaya't si Tonio na ang sumagot.

"Berto, kagabi pa narito ang anak mo," mahinanong wika ni Tonio. "Nang sunduin ng asawa ko si Juan sa bahay nila kagabi, para hindi naman nag-iisa ang bata roon dahil nga tumutulong si Isko sa pag-aasikaso ng Lunayin, nakita ni Angela na magkasama sila ni Lino. Ang sabi ni Lino, pinapunta raw s'ya doon ni Isko para maglaro raw sila ni Juan. Eh naisip naman ni Angela'ng mas makabubuti kung isama na rin niya si Lino rito sa bahay. At yaman rin lang na walang sumundo kay Lino rito kagabi, nagpasya si Angela na dito na rin magpalipas ng gabi ang bata," yumuko ang hukot na si Tonio at hinawak-hawakan ang ulo ng bata. "Ah, Lino. Samahan mo muna roon sa sofa si Juan. Maupo ka muna roon at kakausapin ko lang ang tatay mo."

Kumalas si Lino sa pagkakayakap niya sa baywang ng ama't sumunod sa utos ni Tonio. Inakbayan ng may katabaang si Tonio ang halos kasing taas na kaibigang si Berto at dahan-dahan silang lumabas ng sala. Nang marating nila ang pintuan palabas ng bahay, huminto si Tonio at muling kinausap si Berto.

"Berto, iniwan ka na ng asawa't anak mong si Luna." Inalis ni Tonio ang kaniyang kamay sa balikat ni Berto.

Para bang nilukuban ng malamig na hangin ang katawan ni Berto. Maraming bagay ang biglang tumakbo sa kaniyang isipan. Maraming katanungan ang nais kumawala sa kaniyang bibig, ngunit ang dila niya'y tila ba nauumid.

"Nagpunta rito si Rita kaninang umaga, nagtatanong kung may alam daw ba kami sa nangyari sa asawa't anak mo't mga kaibigan ni Luna. Hindi ko s'ya maintindihan noong una hanggang ikinuwento niya sa amin ang nangyari matapos n'yang pumunta sa inyo.

"Napakatahimik raw ng bahay n'yo pagpasok niya kaninang umaga at wala raw siyang naabutang ibang tao sa inyo kun'di ikaw lamang na tulog pa sa sofa. Alam ni Ritang ngayong gabi pa lamang mawawala ang epekto ng kapugat kaya naman hindi ka na niya pinilit gisingin kanina. Umakyat raw s'ya sa itaas ng bahay n'yo't nagbakasakaling baka tulog lang ang mga tao, ngunit makailang beses s'yang kumatok sa mga silid pero walang sumasagot. Nang isa-isahin niyang buksan ang mga kuwarto, nagulat s'ya nang madiskubre n'yang lahat ng kuwarto ay walang tao. At labis ang kinabigla n'ya nang makita ang mga damit ni Barbara'ng nakakalat sa sahig."

Sumaging muli sa isip ni Berto ang mga nawawalang gamit ng asawa.

"Tapos, tinanong sa'kin ni Rita kung saan ko raw dinala ang mga kaibigan ni Luna? Dahil ang alam raw niya ay binilinan mo raw si Isko na dalhin sa akin ang matitirang kaibigan ni Luna matapos kunin ang Lunayin. Ang sabi ko'y hindi ko pa nakikita si Isko simula pa kagabi. At dun na pumasok sa isip ko ang pagdududa." Binuksan ni Tonio ang pintuan, at ang mainit-init na hangin ay lumagos sa screen ng pintuan at pumasok sa loob ng bahay.

"Si Karding ang huling nakakita kay Isko. Nang dalhin ni Karding sa gitna ng bukid ang Lunayin hinanap ko sa kaniya si Isko. Ang sabi n'ya, nagmamadali raw umalis si Isko matapos ihatid sa kamalig ang Lunayin. Ang buong akala naman daw ni Karding, kaya nagmamadali itong si Isko ay dahil asikasuhin pa niya ang pagkuha sa mga natitirang kaibigan ni Luna upang dalhin sa pagtataguan ng mga ito." Itinukod ni Tonio ang kamay niya sa gilid ng pintuan at ibinaling ang tingin sa madilim na labas na animo'y may tinatanaw.

"Matapos namin mag-usap ni Rita kaninang umaga, pumunta kami sa bahay ni Isko. Pinasok namin ang bakuran at sinilip sa bintana ang loob ng bahay. Walang tao. Doon na ako talagang naghinala."

"Anong... ibig mong sabihin?" tanong ni Berto. "Sa tingin mo ba... may kinalaman –"

"Oo, Berto," pagpuputol ni Tonio. "Magkakasama sila ng mag-ina mong tumakas sa barrio."

Sari-saring emosyon ang naramdaman ni Berto ng mga sandaling 'yon. Tulad ni Tonio, ibinaling niya rin ang paningin sa madilim na paligid.

Hindi siya makapaniwalang magagawa siyang pagtaksilan ni Isko. Sa tagal ng panahong nagsunud-sunuran ang binata sa mga utos niya, hindi niya alam na darating ang sandaling susuwayin s'ya nito. Batid niya ang nararamdaman ni Isko sa anak n'yang si Luna, kung kaya't hindi nga malayong mangyaring tulungan n'yang tumakas si Luna kasama ang mga kaibigan nito at asawang si Barbara. Ngunit ang ipinagtataka ni Berto, malaki ang pagtutol ni Luna na gawing Lunayin ang isa sa kaniyang mga kaibigan, kung kaya't batid n'yang hindi papayag ang anak na hindi maitakas ang lahat ng kaibigan.

Umuwi si Berto noon sa kanilang bahay na litong-lito ang isip. Minabuti niyang ihabilin muna si Lino kina Tonio. Nakiusap siya sa mag-asawang iwan muna sa kanilang pangangalaga ang bata at hayaan muna s'yang mapag-isa.

Umakyat muli si Berto sa kanilang silid. Doo'y dahan-dahan siyang nahiga siya sa malambot na kama. Hindi man siya nakapaghapunan, hindi niya alintana ang hapdi ng sikmura. Mas iniinda niya ang labis na pighating nagpapanginig sa kaniyang katawan.

At sa paglalim ng dilim, habang hinahaplos ang katabing unan ng asawa, hindi na niya napigilan pa ang pagpatak ng luha.

Ang Lihim ng LunangayinOnde as histórias ganham vida. Descobre agora