"Oo. Ayos naman," sagot ni Luna, hindi pinahahalata ang nararamdamang hiya. "Sige, Isko, matulog na tayo para maagang makaalis bukas."

"Sige, Luna. Goodnight."

"Goodnight," tugon ni Luna sabay talikod kay Isko.

Makalipas ang ilang sandali, muling nagsalita si Luna.

"Malikot ka ba matulog?" may halong kaunting biro na tanong ni Luna tungkol sa pabaling-baling na higa ng katabi. "Parang hindi ka kasi mapirmi sa iisang pwesto."

"Pasensiya na, Luna," nahihiyang sagot ni Isko. "Parang bigla kasing nawala ang antok ko kaya hindi ko maiwasang umikot-ikot sa kama. Minsan, ganito ako kahit pagod."

"Naghilamos ka kasi, kaya nagising ang diwa mo," natatawang sabi ni Luna habang bumabaling ng higa paharap sa kisame. Inilapat niya ang kaniyang likod sa kama.

Tumawa naman ng marahan si Isko sabay sabing, "Dapat pala hindi na ako naglinis ng mukha ano?"

"Oo. Ganun nga!" biro ni Luna. "Magkaiba pala kayo ni ate. Si ate naman basta pagod napakadaling makatulog, parang nakainom lang ng mintam. Dapat pala pinapainom ka ng mintam." Tumawa ng mahina si Luna. Sa kaniyang pagtigil, napansin niya ang katahimikan ng katabi. "Oh bakit bigla ka namang tumahimik? Kanina lang tumatawa ka din ah."

"Ah, kasi... bigla kong naalala yung nangyari sa amin ng kapatid ko nung araw na namatay ang mga magulang namin," pabulong na tugon ni Isko. "Hindi ko alam na pinainom pala kami noon ng mintam na nakahalo sa sago, kaya hindi ko man lang namalayan ang mga pangyayari."

Nabigla si Luna sa sinabi ni Isko. "Pasensiya na, Isko," nahihiyang sabi ni Luna. "Hindi ko alam na may hindi magandang alaala sa'yo ang mintam."

"Hindi ko rin alam 'yon nung una. Kaya naman pala wala kaming kamalay-malay noon sa nangyayari ay dahil sa mintam. Siguro kung gising lang ako noon, baka may nagawa pa ako para maisalba ang buhay ng mga magulang ko."

Nagtaka si Luna sa tinuran ng binata. Paano niya matutulungang mailigtas ang mga magulang sa isang aksidente?

"Hindi isang aksidente ang kinamatay ng mga magulang ko," pahayag ni Isko. Para bang nabasa niya ang isipan ni Luna. "Sinadya ang pagkamatay nila." May diin sa huli niyang salita.

"Paano mo naman nasabing sinadya? Hindi ba't wala kayong malay ng kapatid mo? At bakit mo nasabing pinainom kayo ng mintam noon?" pagdududa ni Luna.

"Isang malapit na tao ang nagsabi sa akin ng buong pangyayari. Makalipas ang mahabang taon, nagkaroon rin siya ng lakas ng loob upang sabihin sa akin ang matagal ng lihim," sagot ni Isko.

"Sino?"

"Hindi na importante kung sino s'ya. Ang mahalaga ay nalaman ko ang katotohanan. At dahil sa nakuha kong impormasyon, napilitang aminin sa'kin ni tatay Tonio ang buong nangyari." Bumuntong hininga si Isko, at matapos ang ilang saglit na katahimikan, muli siyang nagsalita.

"Isang linggo bago mamatay ang mga magulang ko, pinlano nilang tumakas sa barrio. Sa susunod na buwan noon ay tutuntong na sa ika-apatnapu ang edad ng inay, kung kaya't nag-isip si itay ng paraan upang hindi matuloy ang pag-aalay kay inay. May kinausap daw noon si inay sa barrio na tutulong sa kanilang pagtakas. Bagama't delikado ang planong iyon, pumayag ang kausap ni inay na tulungan sila kapalit ng malawak na lupaing sakahan ng aming pamilya. Noong araw ng pagtakas, matapos naming makapananghalian, nakatulog kaming magkapatid. Ang paliwanag ni tatay Tonio, maaaring ginawa raw iyon nina inay para mapigilan kaming lumabas ng bahay sa araw na iyon, at para maiwasan din ng mga magulang ko ang posible naming pagtatanong o pang-aabala o pagkakita namin sa kanila sa ginagawang paghahanda para sa pagtakas sa gabi."

Nanatiling walang imik si Luna. Intresado siyang malaman ang nangyari noon kung kaya't hinayaan lang niyang magkuwento ang binata.

"Pagsapit ng dapit-hapon, dinampot ang aking mga magulang ng mahigit sa sampung taong pumunta sa aming bahay. Nalaman daw nila mula sa taong tutulong sana sa amin ang planong pagtakas ng aking mga magulang. Ang sabi ni tatay Tonio, ang motibo raw nung taong nagsumbong ay para hindi s'ya pagdudahan sa barrio kung bakit bigla-bigla ay aangkinin niya ang lupain namin. Sa tingin ni tatay Tonio, takot rin ang taong iyon na madamay sa gulo. Dahil kung bigla nga naman mapapa-sakan'ya ang mga ari-arian namin, siguradong iisipin ng lahat na may kinalaman s'ya sa pagtakas namin. Pero hindi pumayag si tatay Tonio na ibigay ang lupain namin sa taong iyon, kahit na isinusumbat nitong 'kung hindi dahil sa kaniya ay hindi mahuhuli ang mga magulang kong nais magtaksil sa barrio natin.' Ang sabi ni tatay Tonio, obligasyon ng bawat taga-barrio ang magsumbong sa mga bagay na alam nilang labag sa ating lugar. Dahil maaaring magdulot ito ng kapahamakan sa lahat.

"Nang dinala ang itay at inay kay tatay Tonio upang usigin, hindi niya sila hinatulan ng mabigat na kaparusahan. Ang pagiging malapit na kaibigan ni tatay Tonio sa ang aming pamilya ang dahilan nito. Ngunit hindi ito matanggap ng marami, kung kaya't walang nagawa si tatay Tonio kun'di ipaubaya na lamang sa nakararami ang hatol. Kamatayan ang nais ng marami, at hindi na ito natutulan pa ni tatay Tonio. Simula pa lamang, iyon daw talaga ang hatol sa mga taong gustong talikuran ang Lunangayin."

Kinapa ni Luna ang kamay ni Iskong nakalapag sa kaniyang tabi, saka ito hinawakan ng buong pagmamalasakit. Sinuklian naman ito ni Isko ng isang mahigpit na hawak.

"Sa mahabang panahon, pinalabas nila sa aming magkapatid na namatay sa isang aksidente ang aming mga magulang. Ang jeep daw namin na sinakyan nila noong gabing iyon ay tumama sa isang puno sa kalsada. Wasak daw ang sasakyan kung kaya't hinayaan na lang daw doon at hindi na kinuha pa. Sa matagal na panahon, pinaniwalaan ko ang kasinunghalingang iyon. Yun naman pala, walang katotohanan ang aksidente at ang wasak naming sasakyan. Kinuha daw ang jeep namin ng taong nagtraydor sa aking mga magulang at ito'y binenta. Hinayaan na lang daw 'yon ni tatay Tonio para hindi na raw manggulo pa ang taong 'yon." Humingang muli ng malalim si Isko. "Napakasama ng taong 'yon. Sinira niya ang pamilya ko. Pinatay niya ang mga magulang ko." Bagama't kalmado ang boses ni Isko, ramdam ni Luna ang natatagong poot sa bawat salita nito. "Napakasakit din isipin na ang mga taong itinuring mong pamilya sa ating barrio ang s'ya ring magiging dahilan ng pagkasira ng buhay mo. At ang tradisyon na niyakap natin sa mahabang panahon ang siya ring wawasak sa lahat ng pangarap mo."

Hindi napigilan ni Luna ang sarili na yakapin ang binata. Hindi lang dahil sa awa na kaniyang nadarama para rito, kung hindi dahil na rin sa nagkakaisa nilang galit laban sa tradisyon sa barrio.

Nais sana niyang malaman ang taong tinutukoy ni Isko na nagtraydor sa kaniyang pamilya, at kung paano pinarusahan at ano ang totoong kinamatay ng kaniyang mga magulang. Ngunit sa hindi maipaliwanag na dahilan, tila ba naumid ang kaniyang dila't hindi niya magawang magsalita. Inisip na lang niyang baka ito'y dala marahil ng kaniyang pangambang manariwang muli sa binata ang hinagpis sa mga nangyari, at manumbalik ang matinding poot sa taong naging dahilan ng pagkamatay ng kaniyang mga magulang.

Hinarap ni Isko si Luna at hinaplos nito ang malambot na pisngi ng dalaga. Sa mga sandaling iyon, ang nais lamang ni Luna ay maibsan ang hinanakit ng binata sa mga nangyari sa nakaraan.

Nang hinalikan ni Isko ang mga tuyong labi ni Luna, siya'y pumikit. Hinayaan ng dalagang mabalot siya ng init na nagsisimulang sumibol sa kanilang mga dibdib.

Bakit ko hinahayaang ibigay ang sarili ko sa taong ito? Dahil ba ito sa awa, o simpatya sa bigat ng pinagdaanan niya? O dahil... may pagtingin na rin ako sa kaniya? Hindi kaya... dahil lang ito sa pagtanaw ng malaking utang na loob? Sa pagligtas niya sa akin, sa aking mga kaibigan at kay inay?

Ang Lihim ng LunangayinWhere stories live. Discover now