Chapter 4

63 1 0
                                    

RIP walang edit...😈

Chapter 4

Wala nang bisa ang kapagyarihan ni King Deamon. Ngunit ang kaniyang anyo ay nanatili pa rin naman. Guwapo pa rin ito sa paningin ni Aria. Wala na siyang problema pa sa kaniyang hitsura. Hindi na niya aalalahanin pa ang kaniyang asawa sa tunay niyang katauhan. Bagamat may mga bagay pa rin siyang dapat ingatan. Darating din iyong oras na ipakikilala niya sa babeng mahal niya ang kaniyang pinagmulan. Umaasa siyang matatanggap siya ni Aria sa oras na dumating iyon.

Nakalaya na siya sa pagiging isang demonyo. Ang tanging hangad lang niya'y maging normal at mamuhay ng katulad sa mga mortal. Hindi na niya hahayaan pang magbalik-loob sa kaniyang ama. Malungkot ang mabuhay sa kailaliman ng lupa. Naiisip pa lang niya 'yon ay kinikilabutan na siya.

---

Nang sumapit ang ika limang buwan gulang ni Mac ay nagpasya na si King na lisanin na ang tahanang binuo niya noon sa kalagitnaan ng gubat. Tinanggap din niya ang dalawang baul ng samut-saring gintong nakalagay doon. Regalo iyon ng kaniyang ama para sa pag-uumpisa nila ni Aria ng bagong buhay.

Hindi niya matanggihan ang kaniyang ama, kaya naman wala siyang magawa nang ipagpilitan nitong ibigay ang mga ginto. Sapat na para mabuhay niya nang marangya ang kaniyang mag-ina. Nagpasalamat siya kahit papaano'y naging ama pa rin sa kaniya si Haring Solomon.

"Maraming salamat, ama." Niyakap ni King si Haring Solomon at gumanti naman din ito ng yakap pabalik.

"Ikinalulugod ko ang iyong desisyon, sino ba naman ako para tutulan ka? Hayaan mo pa rin akong gampanan ang pagiging isang ama ko sa 'yo," sabi nito na nakangiti. Malakas ang tinig nito na parang may gamit na mikroponong basag. Masakit sa tainga kung normal na tao lang ang kausap nito . "Ingatan mo ang iyong mag-ina, huwag mo silang pababayaan. Lalo na ang aking apo na si Mac." Bilin pa nito.

"MATAGAL pa ba tayo?" naiinip na tanong ni Aria kay King.

"Dalawang oras na lang, Mahal," nakangiting sagot niya.

Nakasakay sila sa isang magarang kotse habang si Aria naman ay kandong ang kanilang anak. Para maging normal ang lahat nang makikita ni Aria paglabas ng gubat ay nagpatulong siya sa kaniyang ama. Gamit ang kapangyarihan ni Haring Solomon ay nakalabas sila nang maayos sa liblib na gubat na iyon. Iuuwi niya ang mag-ina niya sa isang malaking bahay na nabili niya sa kabihasnan. Sapat na iyon para makapagsimula sila. Ngunit bago magtungo roon ay kailangan pa nilang dumaan sa bahay ng mga magulang ni Aria. Gusto ni Aria na bumisita sa kanilang lugar upang humingi nang tawad sa kaniyang mga magulang. Hingin ang basbas ng mga ito para sa ikakapanatag ng loob ni Aria.

NAGTATAKA ang mga kapitbahay ni Aria nang bumaba siya sa magarang kotse buhat ang kaniyang anak. Nagbukasan ang mga bintana ng mga bahay na gawa sa kubo. Nakikiusyoso ang mga tao sa kanilang pagdating. Lalo lang nag-ingay ang mga tao nang mapansin din nila ang pagbaba ni King. Ngunit kapansin-pansin sa mga tao na puno ng pagtataka ang mga mata nito. Lumapit ang isang matandang lalaki sa kanila at nakilala naman iyon ni Aria.

"Aria? Ikaw ba 'yan?" Napakurap si Aria sa nagsalita.

"Ako nga po. Kumusta po kayo, Mang Isko?" sabi ni Aria sa matanda. Ngunit si Mang Isko ay hindi agad nakakibo dahil panay ang sulyap niya sa lalaking katabi ng dalaga.

"Mabuti naman, anak. Ang tagal mong nawala? Buti at nakabalik ka pa?" sabi pa nito na puno nang pagtataka sa lalaking kasama ni Aria.

"Oo nga po eh, nag-asawa na po kasi ako. Siyanga po pala, si King po ang asawa ko." Pagpapakilala ni Aria sa matanda. Bumaling ang tingin ni King sa matanda at inabot ang kamay nito sa kaniya. Nagkamay sila ng matanda ngunit...

Biglang namanhid ang katawan ng matanda. Iba't ibang nakakatakot na imahe ang nakikita niya. Nagimbal ito nang makita ang tunay na anyo ng lalaking kahawak kamay nito. Nanlalaki na ang mga mata nito sa pagtataka. Isang demonyo ang kaniyang kaharap. Napabitiw siya sa kamay nito na waring napapaso. Nagtataka naman si King sa tinuran ng matanda.

"Makakaalis na kayo sa lugar na ito, Aria." Nagbago ang timpla ng mukha ng matanda. Nararamdaman kasi nitong may mangyayaring karahasan.

"Hindi po puwede, dadalawin pa po namin ang mga magulang ko." Nagtataka si Aria sa ikinikilos ng matanda. Nagsimula nang umatungal ang batang si Mac. Ngunit hindi na muna pinansin ni Aria ang anak. Panay naman ang sulyap ng matanda kay King.

"Matagal nang umalis ang mga magulang mo simula nang mawala ka. Ang huling balita namin ay nagpunta sila sa malayong kamag-anak ninyo.
Wala na rin ang bahay n'yo, ipinasira na ng lokal na gobyerno dahil pagmamay-ari daw nila ang lupang kinatitirikan ng inyong bahay."

Hindi makapaniwala si Aria sa sinabi ng matanda. Nahuli sila ng dating. Kung nasa malayong kamag-anak nakikituloy ang kaniyang mga magulang ay nakakasiguro siyang maayos ang kalagayan ng mga ito. Saka na niya iisiping dalawin ang mga magulang niya. Alam naman niya kung saang lugar nakatira ang nag-iisang tiyahin niya. Malungkot man ay kailangan na nilang umalis. Kanina pa kasi nag-aalburuto ang kaniyang anak.

Magiliw na nagpaalam si King at Aria sa matanda. Mahina namang tinampal ng matanda ang balikat ni King na ipinagwalang bahala naman nito. Isang malademonyong ngiti ang sumilay sa labi ng matanda. "Maligayang pagdating sa lupa, kapatid ko." Naisambit nito sa sarili. Isa rin kasi itong demonyo na pinili ang mamuhay sa ibabaw ng lupa. Pero malaki ang pagsisisi ni Mang Isko dahil mas masaklap ang hirap na dinaranas niya bilang tao sa mga nakaraang panahon na nabuhay siya rito. Mali ang desisyon niya, ngunit wala na siyang magagawa pa roon. Ito ang buhay na pinili niya kaya kung  magdurusa man siya ay buong puso niya iyong tatanggapin. Ngunit masuwerte siya dahil may kasama na siya sa pagdurusang iyon. Nakita niya sa kaniyang balintataw na ang lalaking iyon ay mas matindi pa ang pagdurusang daranasin nito sa piniling landas.

Nang talikdan ni Mang Isko ang pagiging demonyo ay isa lang ang hiniling niya kay Haring Solomon, iyon ay huwag tanggalin ang abilidad nitong makita ang hinaharap. Pero hindi siya puwedeng makialam sa buhay ng lalaking iyon, mananatili lang silang magkapatid sa pagiging isang demonyo. Ngunit hindi maaring balaan ito sa mga trahedyang magaganap sa buhay nito dahil iyon ang nakatakda sa kapalaran nito. Walang sino man ang makapagliligtas kay King kung hindi ang ama nito.

Naiisip na lang ng matanda na may dahilan ang lahat kung bakit mangyayari iyon sa hinaharap. Pagkaalis naman ng mag-asawa ay siya naman bulung-bulungan ng lahat.

"Saan nabingwit ni Aria ang lalaking 'yon?"

"Ang landi naman! Bumalik dito may anak na? Di ba ang tagal nang nawala 'yon? Baka naman nagtrabaho lang sa bahay-aliwan, nabuntis. Hindi na nahiya. Kawawang mga magulang niya, walang kaalam-alam sa kalandian na ginawa ng kanilang anak."

"Grabe naman kayo kung makahusga, baka nobyo niya naman 'yon."

Sari-saring haka-haka ang pinaulanan ng mga tsismosang kapitbahay ni Aria. Natatawa naman ang dating demonyong si Mang Isko. Napapailing-iling siya sa mga sinasabi nila. Mga hangal talaga, gusto niyang sigawan ang mga ito na mali ang paratang nila sa dalaga, dahil si Aria ay bihag ng isang demonyo. Isinaloob na lang niya ito.

---

Samantala...

Sa kalayuan ay may pares ng mga matang kanina pa nakamasid kanina sa pagdating nina Aria sa lugar na iyon. Kailangan niyang ibalita sa amo niyang si Adriano na bumalik na ang kinahuhumalingan nitong dalaga. Tiyak na malaki ang ibibigay nitong pakunsuwelo sa magandang balitang ihahatid niya.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Oct 02, 2017 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Ang Pag-Ibig ni Mac DeamonTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon