Dahil dito, nagbago ang damdamin niya para kay Isko. Kinalimutan na niya ang hindi maipaliwanag na inis sa binata at ang nakaraan niyang galit dahil sa daliring buto. Inisip niyang may pagkakamali rin siya dahil hindi niya pinakinggan ang paliwanag nito. Sa pagkakataong iyon nais niyang bigyan ng pagkakataon ang binata na makapasok sa kaniyang puso.

Makalipas ang limang oras, nagkita sina Isko at Luna sa terminal ng bus. Sinalubong ni Luna ng masayang pagbati ang binata. Samantalang si Isko naman ay nahihiyang humingi ng paumanhin dahil natagalan ito.

"Kanina ka pa siguro dito. Pasensiya na talaga," wika ni Isko sabay hawak sa kaniyang batok.

"'Wag mo ng isipin 'yon. Mga kalahating oras pa lang naman ako dito. Alam kong trapik sa Maynila kaya naiintindihan ko," tugon ni Luna. "Teka, kumain ka na ba? Halika, kumain muna tayo bago bumiyahe pa Laguna."

Matapos maghapunan sa isang maliit na kantina, naghanda na ang dalawa para sa isang mahabang biyahe. Kinuha ni Isko ang dalang bag ni Luna at inilagay ito sa likuran ng sasakyan. Naglalaman ito ng kaunting damit (na pinagliitan ni Nina na ibinigay sa kaniya) na gagamitin niya sa maaaring isa o dalawang araw na pagtigil sa Laguna. Ito'y sa kadahilanang hindi sigurado ni Luna kung agad silang makakapagbiyahe ng ina pabalik ng Pangasinan.

Dahil sa wala namang hinahabol na oras ang dalawa, napagkasunduan na lang nilang hindi na dumaan sa expressway.

"Makakatipid tayo dito sa dating daan dahil wala na tayong babayarang toll fee," sabi pa ni Luna habang binabaybay nila ang kalsadang patungong tarlac.

"Kabisado mo ba ang daan dito? Hindi ko kasi alam ito," wika ni Isko.

"Minsan lang ako napadaan dito kaya hindi ko kabisado. Pero 'wag kang mag-alala, bukod sa mga bus na pwede nating sundan, may mga karatula naman kung saan patungo ang daan kaya hindi naman tayo mawawala," sagot ni Luna.

Alas-siete na ng gabi ng makaalis sila ng Rosales. Ang madilim na daan ay natatanglawan lamang ng mga liwanag na nanggagaling sa mga kabahayan sa gilid ng kalsada at mga pailan-ilang ilaw sa mga poste. Maraming bumbilya ang tila ba pundidong nakakabit sa mga poste, kung kaya't may kadiliman ang paligid, at hindi maikakailang may kadelikaduhan ang pagmamaneho sa gabi. Lalu pa't may mga maliliit na sasakyan tulad ng mga motor, bisikleta, tricycle at paminsa'y mga sasakyang kuliglig na bigla-biglang sumusulpot sa daan, isali pa rito ang mga taong basta-basta na lamang tumatawid.

"Sino nga pala yung kakilala mo sa Laguna?" tanong ni Luna.

"Ah, bale... kakilala 'yon ng itay," tugon ni Isko. Hinintay ni Luna'ng magbahagi pa ng impormasyon ang binata, ngunit ng hindi na nadugtungan pa ang huli nitong sinabi. Muling nagtanong si Luna.

"Hindi mo pa nga pala naikukuwento sa akin kung paano mo naitakas ang inay at kung saan mo s'ya nakita," wika ni Luna sabay tingin sa katabi niyang nagmamaneho.

"Ah, eh," panimula ni Isko. "Hindi ko na rin maalala kung paano. Mabilis kasi ang pangyayari. Basta namalayan ko na lang na minamaneho ko na itong sasakyan palayo ng barrio." Tinapakan ni Isko ang clutch sabay lipat ng kambyo't bumilis ang kanilang takbo.

Yumugyog sa loob ng pick-up sina Isko at Luna habang ito'y mabilis na umaandar. Tulad rin ng pick-up nina Luna, ang sasakyan ni Isko ay luma na rin. Bagama't ito'y may mga gasgas at bakbak ng pintura, maayos pa rin ang makina nito na alaga sa mantensyon.

"Kumusta naman ang inay at si Juan?" usisa ni Luna ukol sa kaniyang ina't kapatid ni Isko. Ang paningin ni Luna ay palit-palit na bumabaling sa kalsada't katabi.

"Maayos naman," maiksing sagot ni Isko.

Napansin ni Luna ang madalas na pagkuskos ni Isko ng kaniyang mga mata.

"Isko, inaantok ka na ba?" tanong ni Luna. Naisip niyang ito marahil ang dahilan kung bakit hindi makapagbigay si Isko ng hustong detalye sa kaniyang mga tanong.

"Ah, eh," hindi maituloy ni Isko ang nais isagot.

"Teka, tumabi muna tayo," sabi ni Luna. "Ako na lang muna d'yan sa manibela."

"Pero," tutol ni Isko. Diretso pa rin ang tingin niya sa daanan.

"Wala ng pero pero. Sige na, itabi mo na muna itong sasakyan para mapalitan kita."

Hindi na tumanggi pa si Isko sa suhestiyon ni Luna. Dahan-dahan niyang iginilid ang sasakyan at tuluyan ng huminto. Nagpalit ng upuan ang dalawa. Kita sa mga kilos ni Isko ang hiya't pagod sa pagkakataong iyon.

Nang paandarin na ni Luna ang pick-up, nagsalita itong muli.

"Hindi mo kailangang mahiya, Isko," mabilis na sumulyap si Luna sa katabi. Matapos non ay itinuon na niya ang paningin sa daan. "Malayo ang biniyahe mo kaya naiintindihan ko ang pagod mo."

Hindi man sumagot si Isko, naramdaman ni Luna ang pasasalamat ng binata ng hinaplos nito ang kaniyang kamay na nakahawak sa manibela.

Makalipas ang mahigit kalahating oras, huminto si Luna sa pagmamaneho't ipinarada ang pick-up sa tapat ng isang maliit na gusali.

"Isko, gising. Gumising ka," malumanay na sabi ni Luna sa binatang nakayuko't nakadikit na ang katawan sa saradong bintana ng sasakyan.

Napabalikwas si Isko sa tawag ni Luna. Kita sa expresyon ng kaniyang mukha ang pagkagulat.

"Ha? Nasaan na tayo?" tanong ni Isko sabay tingin sa paligid.

"Narito tayo sa may tapat ng inn," may bakas ng hiya sa sagot ni Luna.

Inilapit ni Isko ang mukha sa harapan ng sasakyan upang makita ang karatula ng gusali.

"Bakit tayo huminto rito?" usisa ni Isko.

"Pagod ka na sa mahabang biyahe. Tingin ko kailangan mo na ng pahinga." Inalala ni Luna ang kapatid na si Nina noong gabing siya ay tumakas ng barrio. Napagod si Nina sa mahabang biyahe kung kaya't pansamantala silang namahinga noon sa isang inn. Ito rin ang kasalukuyang sitwasyon ni Isko – hindi na maikakaila ang pagod niya sa mahabang paglalakbay – kung kaya't hindi na nagdalawang isip pa si Luna na huminto sa tapat ng isang inn nung makita niya ito.

Bagama't kaya pa ni Luna ang magmaneho ng malayo, naisip niyang hindi rin ito magiging pabor para sa kanila. Hindi tama na humawak pa siya ng manibela gayong hindi naman niya hawak ang kaniyang lisensya. Dahil nung gabing nilisan niya ang barrio, wala siyang ibang gamit na nadala kung hindi ang kaniyang telepono lamang.

"Pero maliit lamang ang dala kong pera," nahihiyang wika ni Isko. "Baka hindi ko kayaning magbayad para sa dalawang kuwarto. Magpahinga na lang siguro tayo sandali dito sa sasakyan. Tingin ko kaunting tulog lang naman ang kailangan ko at makakapagmaneho na muli ako ng maayos."

"Hindi ka ba natatakot sa mga loko dito sa paligid na maaaring makakita satin dito sa loob ng sasakyan at pagtripan tayo?" tanong ni Luna. Namilog ang mga mata ni Isko, tila ba napaisip sa sinabi ni Luna. "Kung ang iniisip mo lang naman ay pambayad, wala namang problema sa'kin kung sa iisang kuwarto lang tayo magpapahinga."

"Si – sigurado ka ba?" nag-aalangang tanong ni Isko.

"Oo. Walang problema sa'kin yon kaya halika na't bumaba na tayo ng sasakyan at pumasok na sa loob."

Ang Lihim ng LunangayinWhere stories live. Discover now