"Oo. Sumama nga si itay sa akin sa paghatid kay Mariel. Dapat nga'y ako lang ang maghahatid sa kaniya sa terminal, pero may bibilhin daw si itay noon sa kabilang bayan kung kaya't sumama siya. At habang nagbibiyahe kami noon, nakaramdam ako ng hilo. Hindi ko alam kung bakit ganoon na lang ang pakiramdam ko. Nang lingunin ko si Mariel sa likuran ng pick-up, nakita kong nakasubsob na siya sa upuan at tila ba wala ng malay. Doon, bigla na lang pumasok sa isipan ko ang pagdududa sa totoong motibo ni itay nang kumbinsihin niya akong dalhin ang kaibigan ko sa barrio upang panandaliang magbakasyon. Doon, naalala ko rin ang nabanggit noon ni inay tungkol sa ika-limampung anibersaryo ng pagiging Lunayin ng lola ni itay. Tuwing ika-limampung anibersaryo ng mahahalagang taong naging Lunayin, kailangan ang muling pag-aalay."

Hindi gaanong inintindi ni Luna ang tungkol sa ika-limampung anibersaryo. Hindi na mahalaga pa sa kaniya kung anong klaseng kasunduan ang mayroon doon. Sapagkat sa pagkakataong iyon, ang tanging nangibabaw lang sa kaniya ay ang pag-alala sa nangyari sa kaniyang mga kaibigan.

Ito pala ang pangyayaring inihahalintulad ng kapatid bago ang tuluyang paglipat ng eskwelahan. At matapos din silang mananghalian noon nang mawalan ng malay ang kaniyang mga kaibigan. Ngunit hindi tulad ni Nina, gising siya sa araw na iyon.

"Sa tingin ko, ang pag-aaral natin sa Maynila ay paraan lang ni itay upang makapagdala tayo ng mga dayong kaibigan sa barrio," wika ni Nina. "Dahil ang pagkuha ng Lunaying nakatira malayo sa ating lugar ay isang patakarang matagal nang sinusunod. Sapagkat ang pagkuha ng mga alay na galing lamang sa mga bayang malapit sa atin ay delikado. Hindi malayong maging dahilan pa iyon ng isang kaguluhan pagdating ng panahon."

"Ibig sabihin, ang paglipat natin ng eskwelahan ay matagal ng nakaplano?" tanong ni Luna.

"Ganoon nga sa palagay ko," tugon ni Nina. "Kapag naisakatuparan na ni itay ang pagkuha ng Lunayin sa pamamagitan natin, ililipat na niya tayo ng ibang lugar upang makaiwas sa problemang maidudulot ng pag-aanyaya natin sa mga taong pupunta sa lugar natin. Magpapalit tayo ng numero ng telepono tulad ng pinagawa niya sa'kin. Isang hakbang upang maputol ang pakikipag-ugnayan natin sa mga naging kaibigan natin sa Maynila."

"Ang dahilan ba ng pagbabawal ni itay na magkita tayo sa Maynila at ng hiwalay nating eskwelahan doon ay para maiwasang maipakilala mo ako sa mga kaibigan mo? Para makaiwas sa posibilidad na matanong nila ako at hanapin ka sa akin kung sakaling may mangyari?" tanong muli ni Luna.

"Tingin ko nga," sagot ni Nina, at saglit na natahimik ang dalawa.

"Ate, paano mo naman nasigurong si Mariel ang naging Lunayin noong nakaraang taon. Hindi ba't nawalan ka ng malay? At kinabukasan ka na nagising noon. Natatandaan ko pang sinilip pa kita nung hapong iyon para tawaging maghapunan. Ngunit dahil napansin kong malalim ang tulog mo, hindi na kita inistorbo pa."

"Nung nagising ako kinabukasan ng tanghali, agad kong pinuntahan ang inay," tugon ni Nina. "at sa kaniya ko hinanap si Mariel. Noong una, pinagtatakpan pa niya ang ginawa ng itay. Pero ng kalaunan, napaamin ko siya sa totoong nangyari."

"Ibig sabihin... si... si Mariel ang nakita kong Lunayin... noong gabing iyon?" gulat na wika ni Luna. Hindi niya mawari ang kilabot na biglang naramdaman. Bagama't nasaksihan niya noon ang pagkamatay ni Melba sa bukid, hindi niya naramdaman ang ganoong uri ng kilabot. Dala marahil ng mura niyang pag-iisip, kalituhan lamang ang naidulot sa kaniya ng pangyayaring iyon. "Napaniwala ako ni itay na isang ordinaryong pamilya ang nakatakdang mag-alay noong nakaraang taon."

"Nilinlang tayo ni itay. Napilit ko si inay na ikuwento sa'kin ang naganap simula ng makabalik ang itay," pagpapatuloy ni Nina. "Ang sabi n'ya, dumiretso si itay kina Mang Tonio upang ihatid si Mariel bago umuwi ng bahay kasama ako na walang malay. Tinanong ko si inay kung nakita mo kami. Ang sabi n'ya, hindi mo raw namalayan ang pagbalik namin dahil abala kayo nina Rita at Lino sa paglilinis ng kamalig. Kaya naman naipanik ako ni itay ng kuwarto ng walang ibang nakakaalam kun'di ang inay.

Ang Lihim ng LunangayinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon