Tumahimik muli ang paligid. At hindi na muling narinig ni Berto ang pagtawag sa kaniya ng asawa. Naramdaman na lang niya ang biglang pagdaan ng malamig na hangin sa mainit na hapong iyon.

Kagyat na nanindig ang kaniyang mga balahibo sa batok at braso. Sa hindi malamang dahilan, nakaramdam siya ng kakaibang kilabot.

"Barbara," tinawag ni Berto ang asawa. "Barbara!" sigaw niya at siya'y napabalikwas sa kaniyang hinihigaan.

Sa pagmulat ng kaniyang mata, napansin niya ang paligid na bahagya ng madilim.

Ah, pagabi na pala? Noon lamang niya napagtanto na siya pala'y nakatulog sa muling paghiga sa sofa.

Tumayo siyang wala ng iniindang sakit ng ulo, ngunit ramdam n'ya pa rin ang panghihina ng katawan. Hindi pa lubos na bumalik sa normal ang kaniyang pakiramdam.

Muli niyang tinawag ang asawa't anak, ganoon din ang mga kasambahay. Subalit nanatili pa ring walang sumasagot sa kaniyang tawag.

Binuhay ni Berto ang apoy sa gaserang nasa kusina. Hindi nagtagal at lumiwanag ang paligid. Inakyat niya ang hagdan, at ang maingay na langitngit nito'y umalingawngaw sa buong bahay.

Imposibleng tulog pa rin si Barbara hanggang ngayon. Inalala niya ang pinainom na mintam sa asawa.

Dumiretso si Berto sa kanilang silid na nasa kaliwang bahagi ng pasilyo. Nang itulak niya ang nakauwang na pintuan, tumambad sa kaniyang harapan ang bukas na aparador at mga damit sa sahig. Nagkalat dito ang mga daster, panloob, at panlakad ng asawa.

Barbara!

Nilapitan ni Berto ang aparador. Ang kanang bahagi nito na naglalaman ng mga damit ni Barbara ay halos mabakante dahil sa mga gamit na nawala at nalaglag na damit.

Barbara, nasaan ka? Bakit ka lumisan?

Nanlambot ang tuhod ni Berto, at siya'y biglang napaluhod sa sahig. Mabuti na lang at may kahigpitan ang hawak niya sa gasera at ito'y hindi bumagsak.

Nang mailapag niya ang gasera sa tabi, napahawak na lamang siya sa kaniyang ulo. Hindi niya lubos mapaniwalaang magagawa siyang iwan ng asawa.

Biglang tumulo ang kaniyang luha. Doon, bumalik sa kaniyang alaala ang nabasang liham ni Barbara sa anak nilang si Nina.

Disyembre noon, makalipas ang pasko nang magpadala si Barbara kay Berto ng sulat upang ihulog sa koreo sa bayan. Bagama't kapiling nila ang anak-anakang si Lino, malungkot ang panahong iyon dahil sa hindi pag-uwi nina Luna at Nina. Tanggap nila ang dahilan na si Luna ay abala sa paghahanda para sa nalalapit na kompetisyon sa Unibersidad na kaniyang pinapasukan, ngunit ang rason sa kabila ng hindi pag-uwi ni Nina ay mabigat sa kanilang loob. At iyon ay dahil sa galit nito kay Berto.

Palihim na binuksan ni Berto ang pinadalang sulat ng asawa sa kaniya. Dito nakasaad ang pagbubuhos ni Barbara ng kalungkutan sa desisyon ni Nina'ng lumayo sa pamilya. Hindi ito batid ni Berto. Hindi niya lubos akalaing magiging sukdulan ang galit ni Nina sa kaniya. Ayon sa sulat, nais ni Barbara na bawiin ni Nina ang sinabing wala raw kapatawaran ang ama sa ginawa nito sa kaniya.

Halos madurog ang puso ni Berto sa unang pahina ng liham. Dama niya ang panglaw sa sulat ng asawa. At nang mabasa niya ang sumunod na pahina, hindi na niya nagawang mapigilan pa ang luha.

Ang planong itakas ang ina na mungkahi ni Nina ay tinanggihan ni Barbara. Sinabi nitong hindi niya magagawang iwan si Berto sa kabila ng mga nangyari. Sa kabila ng paninindigan ni Berto sa hindi makataong tradisyon, patuloy pa rin niyang susuportahan ang asawa sa mga desisyon nito kahit labag pa sa kaniyang kalooban. Hindi iyon dahil sa obligasyon niya bilang asawa na samahan ang kabiyak. Iyon ay dahil lamang sa nag-iisang dahilan: ang lubos na pagmamahal niya kay Berto.

Hindi na itinuloy pa ni Berto ang pagbasa ng sulat. Sapat na sa kaniya ang mga nalaman. Hindi niya nais pang pigilan ang panganay na anak kung ang nais nito'y tuluyan nang humiwalay sa kanila. Kung kaya't sa pagtiklop ng sulat at paglakip nito sa sobre, pinunasan niya ang kaniyang basang mukha at inayos ang sarili.

Nagkamali ako nang inakala kong hindi mo ako kayang iwanan...

Matapos ang ilang saglit, nakaramdam ng pamimintig ng binti si Berto dahil sa alanganing posisyon nito sa sahig. Dahan-dahan siyang tumayo at lumakad ng paikaika patungo sa malapit na upuan ng tokador.

Kinain na ng dilim ang araw, kung kaya't ang liwanag sa gaserang nakapatong sa sahig ay tumingkad. Habang nakaupo't kunot-noong hinihilot ni Berto ang binti, napansin niya ang pulang rosario't maliit na libretang naglalaman ng dasal, na nakapatong sa kaharap niyang tokador.

Dinampot niya ang rosario at inalala ang asawang gabi-gabing nagdarasal gamit ito.

Hindi likas sa mga tao sa Lunangayin ang pagiging relihiyoso. Hindi nila kinamulatan ang gawain sa simbahan. Wala ni maliit na kapilyang matatagpuan sa barrio. Mga maliliit na santo lamang ang matatagpuan sa iilang bahay sa lugar na iyon.

Nalaman na lamang ng mga taga-Lunangayin ang tungkol sa katolisismo nang sila'y nagsimulang mag-aral – sa eskwelahang kanilang pinapasukan na malayo sa kanilang lugar. Dito, itinuturo ang bibliya. Ngunit dahil hindi ito ganoon kahalaga sa mga taga-barrio, na wala naman daw itong maitutulong sa pag-unlad ng kanilang lugar, marami ang bumalewala sa bagay na ito.

Ang pagiging madasalin ni Barbara ay nag-ugat nang gabing ialay si Melba sa bukid. Ang labis na pag-usig ng kaniyang konsensya ang nagtulak upang magdasal at humingi ng tawad sa Diyos. Ang gabi-gabing pagrorosario simula noon ay naging paraan niya upang maibsan ang dinadalang bigat sa kalooban dala ng pagkakasala. Sa mahabang panahon ng pagrorosario, ni minsan, hindi nakita ni Bertong lumiban ang asawa sa pagdarasal nito.

Sa pagkakataong iyon, naging malaking palaisipan kay Berto ang pagkawala ni Barbara.

Kung nagawang hakutin ng aking asawa ang mga damit niyang hindi naman niya madalas ginagamit, bakit niya iiwan ang rosariong gabi-gabi niyang gamit?

Napahawak si Berto sa kaniyang buhok - kapit ang rosario. Doon, naisip niya ang isang bagay na siyang nagpakaba ng labis sa kaniyang dibdib.

Tumayo siya't kinuha ang gasera sa sahig. Ibinulsa ang rosario at lumabas ng kuwarto.

Ang Lihim ng LunangayinWhere stories live. Discover now