Napansin ni Luna ang kahandaan ng kapatid. Tila ba napagplanuhang mabuti ni Nina ang pagtakas na iyon – simula sa pag-aantay sa may terminal, sa pagbili ng alak, paghinto sa gasolinahan upang magpa-gas at magpahid ng alak sa kaniyang mga kaibigan, sa pagkuha ng kuwarto sa inn, hanggang sa pagpapahiram sa kaniya ng damit – naging handa ang kaniyang kapatid sa pagsasakatuparan ng plano.

Nang pumasok si Luna sa banyo, nawalan siya ng ganang maligo. Ang maliit na espasyo sa loob ay hindi kumportable, kaya naman napagdesisyunan na lang niyang magpalit na lang ng damit at maghilamos. Matapos maisuot ang short na gamit n'ya kahapon, lumabas na siya ng banyo – saktong pumasok si Nina sa kanilang silid dala-dala ang isang maliit na tray na may lamang dalawang cup noodles.

"Pakitanggal naman 'tong bag. Ipatong mo na lang d'yan sa kama," utos ni Nina kay Luna na agad namang sumunod. Matapos mailagay sa lamesa ang tray. "Halika na," tinawag niya ang kapatid sabay tanggal sa malapapel na palarang takip ng noodles. Sumingaw ang malinamnam na amoy manok, at ang maliit na kuwarto ay nag-amoy pagkain.

Maingay na humigop ng sabaw si Nina habang nakatayo sa tabi ng lamesa, habang si Luna naman ay umupu na sa nag-iisang silya sa kabilang gilid ng lamesa.

"Aalis na tayo pagkatapos nating kumain. Hindi magtatagal at magkakamalay na ang mga kaibigan mo. Maiging iwanan natin sila habang tulog pa, para alam mo na – makaiwas sa mga tanong," muling humigop ng sabaw si Nina, samantalang nanatiling tahimik lamang si Luna.

"Silipin mo na lang ang mga kaibigan mo paglabas natin, habang ako naman ay didiretso na ng reception at magbabayad na ng kuwarto. Maglagay ka na lang ng note sa mga lamesa nila para sabihing bayad na ang mga kuwarto nila," gamit ang plastic na tinidor, sinandok ni Nina ang noodles at hinipan ito bago isinubo. "May dala akong ballpen. Nariyan sa may bulsa ng bag, tapos isulat mo na lang yung message sa likod ng resibo na pinagbilhan ng pagkain natin kagabi. Magkasama d'yan sa bulsa yung ballpen at resibo." Ngumuso si Nina upang ituro ang bag.

Matapos nilang kumain, dinukot ni Nina ang mentos sa bulsa ng suot niyang pantalong maong. "Eto," sabay abot kay Luna. "Nakalimutan ko magdala ng toothbrush kaya magcandy na lang tayo."

Matapos mailigpit ni Luna ang mga pinagkainan, at matapos maipasok ni Nina ang mga maruming damit sa supot na dala, iniabot niya ito kay Luna.

"Pakibitbit na lang muna yan. Kukunin ko na lang sayo mamaya. Tara na," pag-aaya ni Nina.

Pagkalabas ng kuwarto, tulad ng plano, dumiretso si Nina sa reception, samantalang si Luna naman ay pumasok sa loob ng kuwarto nina Tina at Marvin. Pasado alas nueve na, kung kaya't ang liwanag sa labas ay tumatagos na sa manipis na puting kurtinang nakaharang sa nakapinid na bintana.

Lumapit si Luna sa maliit na lamesa. Tinanggal niya ang bag ni Tina na nakapatong dito at inilapag ito sa sementong sahig katabi ng gamit ni Marvin. Nang mailagay niya sa lamesa ang dalang susi para sa kuwartong iyon nina Tina, kasama ang dalang note na ginawa niya kanina habang kumakain, dinukot niya sa bag ni Tina ang telepono nito at saka ito ipinatong sa ibabaw ng note.

Pinindot ni Luna ang main button ng telepono. Bukod sa nais niyang alamin kung may battery pa ito, gusto rin niyang makasigurong nakapasok ang text niya sa kaibigan. Nang magliwanag ang screen nito, nakita niya ang mensaheng kaniyang ipinadala kagabi. At dahil sa alam niya ang password ng kaibigan, in-unlock niya ang telepono nito at binuksan ang kaniyang mensahe. Dito nakasaad ang maiksing dahilan kung bakit naroon sila sa inn na iyon.

  Dito nakasaad ang maiksing dahilan kung bakit naroon sila sa inn na iyon

Oops! This image does not follow our content guidelines. To continue publishing, please remove it or upload a different image.

Matapos basahin, ni-lock muli ni Luna ang telepono ng kaibigan. Nais niyang ang kaniyang mensahe ang unang lumabas sa screen ng telepono ni Tina kung kaya't ginawa niya ito.

Nilingon ni Luna ang dalawang kaibigang wala pa ring malay na nakahiga sa kama.

"Patawarin n'yo ako," bulong ni Luna sa hangin.

Lumapit siya sa tabi ni Marvin at lumuhod sa sahig. Hinawakan niya ang pisngi ng binata at saka inilapit ang kaniyang mukha.

"Mahal kita, Marvin... paalam..."

Hinalikan niya ang mga labi ni Marvin. Sa kaniyang pagpikit, dinama niya ang mainit na hanging hinihinga ng binata. Saglit na tumigil ang mundo ni Luna. Pinangarap na tinutugunan ni Marvin ang matamis niyang halik. Ngunit sa paglipas ng minutong walang imik, dahan-dahan nang inilayo ni Luna ang sarili sa binatang tahimik.

Ang Lihim ng LunangayinWhere stories live. Discover now