"Sir Kiefer.. Este Ma'am. Leave po ako, masakit po kasi ang tyan ko." Dire-diretsong paliwanag nito. Pinindot nito ang loudspeaker para sabay nilang pakinggan.

"Alam mo ba kung saan mako-contact si Noelle? Kanina ko pa tinatawagan pero nakapatay ang cellphone niya."

"Naku naman, Ma'am. Hindi naman na employed sa inyo si Noelle, binubulabog niyo pa yung tao."

Siniko niya si Donna dahil sa sinabi nito. Iniangat nito ang palad sa hangin at pilit siyang pinapatahimik.

"Ayun na nga! Kailangan niyang bumalik dito sa trabaho ngayon din dahil baka ako ang masisante!" Tila natataranta pang wika ni Kiefer, nagkatinginan sila ni Donna.

"Bakit naman po?"

"Bumalik dito si Attorney Sandejas at nilatagan ako ng article article na yan! Wala akong naintindihan ni isa! Nasa Labor code daw na maaari akong magbayad kapag basta ko na lang ipinaalis si Noelle. Dalawa pa sila nung kaibigan niyang abogado din na inaanak pala ng may-ari nitong club! Na-stress ako dahil kapag hindi daw nila nakita si Noelle ngayon gabi, pagbabayaran ko daw!" Panay ang tili ni Kiefer sa kabilang linya. Mas lalong nalukot ang mukha niya dahil hindi niya maintindihan ang nangyayari.

"Papasok po ako ngayon, Ma'am Kiefer." Maliit na boses na singit niya. Tumahimik ang kabilang linya.

"T-talaga? N-noelle, ikaw ba yan?"

"Opo. Papunta na po kami diyan ni Donna."

"Ahhhhh!!!!" Malakas na tumili si Kiefer sa kabilang linya, naihagis pa ni Donna sa damuhan ang kanyang phone dahil sa nakakabinging boses na iyon, "Salamat! Iintayin ko kayo!"

---

"FOR the meantime, ito na muna ang gagawin ninyo. Kasi naiassign ko na sa iba ang dati mong ginagawa. Make sure na merong water ang naroon sa mga VIP, saka ngumiti ka. And please, Noelle. Ayoko nang maulit ang nangyari kagabi. Kahit na pinatawad ka ng kliyente, hindi laging ganon, okay?" Nakasuot na sila ni Donna ng uniporme at parehas silang late dahil hindi nila inaasahan na tatawag si Kiefer at pababalikin siya sa trabaho. Nag-sisimula na nga ang party sa club ngayong Sabado nang sila ay dumating.

"Laging ngumiti. Okay, girls?" Ulit pa nito.

"Fighting!" Magiliw na sagot ni Donna. Siya naman ay ngumiti lang at binitbit ang pitsel ng tubig na para sa kanya.

Nag-simula siyang sumiksik sa dancefloor para makarating sa VIP couches. Ang unang grupong nakita siya at agad na kumaway sa kanya. Nakangiti niyang nilapitan ang mga iyon.

"Water, Sir?"

"Yes, please.." Nag-angat ng baso ang isa na naroon sa upuan at nagtawanan sila nang salinan niya iyon.

"Hawakan mo ang kamay!" Utos nung isa. Ngumiti pa din si Noelle nang akmang hahawakan ang kamay niya, mabuti at napuno na niya ang baso bago pa nito magawa iyon.

"Mabilis!" Humalakhak ang isa pang lalaki. Tinugon lang iyon ni Noelle ng ngiti. Hindi siya naiinsulto, normal na ang ganito sa club palibhasa ay nakainom na ang karamihan.

Luminga siyang muli para iplano ang kanyang pupuntahan nang may magtaas ng kamay sa bandang dulo ng VIP Table. Palagay niya ay saving grace niya iyon para umalis sa makukulit na grupo.

"Excuse me, Sir." Yumuko siya at paatras na lumayo.

Binagtas niya ang direksyon nang nagtaas ng kamay pero natigilan siya nang makita niya kung sino ang naroon. Ang abogadong arogante at masungit na naman! Dominante itong nakaupo sa couch at parang binibilang kung ilang hakbang ang ginawa niya para makalapit sa kanya.

Hush Series 1: Vagabond's Creed (Published by LIB Bare)Where stories live. Discover now