Kabanata 3

4.3K 134 24
                                    

ANONG oras na ako nakatulog. Parang hindi nga ako nakatulog. Buong magdamag akong ginimbala ng nasaksihan ko sa teresa kagabi. Kahit nakailang beses ko nang pilit iwaksi iyon sa isipan ay hindi ko alam kung bakit hindi iyon maalis-alis.

Parang sa buong magdamag nga'y ang ungol ng babaeng kani—kasama ni Braeden ang paulit-ulit kong naririnig.

Kaya ba ganoon na lang ang paalala sa akin ni Manang Karing kagabi? Na huwag akong lalabas ng ganoong oras dahil mayroon ngang nangyayaring ibang klaseng kababalaghan? Aksidente na rin kayang nasaksihan ni manang iyon? Napailing ako. Hindi ko lubos maisip.

Iginalaw-galaw ko pa ang ulo. Mabuti pa yata'y ituloy ko na lang ito sa ligo. Baka sakaling mabura na ang nangyari kagabi sa isipan ko.

Matapos maligo't makapagpalit, bumaba na ako sa kusina. Sinakto ko na lang na oras ng agahan dahil kahit gustuhin ko mang mas maaga bumaba para makatulong kina Manang Karing sa paghahanda ay sigurado akong pagbabawalan lang ako.

Ngayong umaga, inaasahan ko nang sa kusina muli sasabay kasama sina manang kaya't laking gulat ko nang makitang may nakahain na namang mga pagkain sa mesa doon sa dining area.

Nagtataka pa rin akong nakatingin doon nang lumabas si Manang mula doon sa pintuan na naghihiwalay sa kainan at kusina, may dalang panibagong plato ng pagkain.

"Atashka, nandito ka na pala," aniya saka binaba ang dala sa mesa. "Magandang umaga! Umupo ka na diyan para makakain ka na."

Inilipat ko ang tingin sa kanya. "Manang, bakit po naghain na naman po kayo ng pagkain dito? Doon po ako sasabay sa inyo."

Agad na umiling si Manang. "Nakung bata ka, ano bang pinagsasabi mo?" tanong niya na para bang hindi ako sumabay sa kanila kahapon. "Maupo ka na diyan, at maaari ka nang kumain."

"Pero, Manang—"

"Braeden," biglang bulalas ni Manang sabay tingin doon sa bukana ng kainan. "Magandang umaga, hijo."

Bigla akong napatungo at nadama ang pagbilis ng tibok ng aking ang puso kasabay ng paglaro sa isipan ko ng mga pangyayari kagabi. Napalunok ako.

Narinig kong bumati pabalik si Braeden saka nag-alok na si Manang ng umagahan dito.

Hindi naman sumagot si Braeden. Nakita ko na lang mula sa gilid ng aking mga mata na hinila nito ang upuan mula sa kanang bahagi ng mesa at umupo doon.

Ngayon ay alam ko na kung bakit dito naghanda si Manang. Hindi umalis si Braeden at kasabay ko pa siyang mag-aagahan.

Simula kagabi ay hindi ko na alam kung paano ko siya haharapin. At ngayong nangyari na nga ay parang pakiramdam ko'y matutunaw ako sa kahihiyan.

Na hindi ko naman alam kung bakit dahil kung mayroong dapat mahiya, hindi ba't dapat ay siya iyon? Siya itong gumagawa ng milagro sa dis-oras ng gabi, sa hindi pribadong lugar.

"Tatayo ka na lang ba dyan?"

Napalunok akong muli sa tanong niya saka bigla kong naisip, hindi niya ako sinita kagabi. Ni hindi niya ako kinompronta sa nakita ko.

Baka naman, hindi niya alam. Baka naman, wala akong dapat na ikahiya, o ikatakot.

Humigit ako ng hininga saka nagtaas na ng tingin, pilit na pinakalma ang sarili sa kabila ng labis na pagmamasid sa akin ni Braeden. Nagpilit pa nga ako ng ngiti.

"Pasensya na," hingi ko ng dispensa. "May bigla lang pumasok sa isipan ko. Magandang umaga pala."

Pinalapad ko pa ang ngiti pero wala pa rin akong nakuhang reaksyon mula sa kanya. Inalis niya lang ang tingin sa akin saka nilamnan na ng pagkain ang pinggan sa kanyang harapan.

Strange LoveWhere stories live. Discover now