"Ha?" gulat na tugon ni Luna. "At kelan ka pa natutong mag-inom? At bakit ka mag-iinom sa –"

"Mamaya ko na ipapaliwanag," pagpuputol ni Nina. "Bibili rin ako ng makakain. Anong gusto mo?"

Biglang kumulo ang tiyan ni Luna nang narinig ang salitang makakain. Hindi nga pala siya nakakain ng maayos nung tanghalian, at hindi pa rin siya naghahapunan. Nawala sa isip niya ang gutom dahil sa labis na pag-aalala at ginawang pagtakas.

"Kahit anong tinapay na may palaman basta hindi matamis," sagot ni Luna.

"Eh inumin?"

"Tubig lang, ate,"

Saglit na iniwan ni Nina ang kapatid at pumasok sa tindahan. Maya-maya sa paglabas nito, nakita ni Luna ang isang supot na ipinasok ng kapatid sa mini van. Matapos non ay tinungo niya si Luna.

"Heto," inabot ni Nina kay Luna ang pagkaing dala. "Hotdog sandwich at tubig."

"Salamat, ate," sagot ni Luna sabay lapag ng tinapay sa kaniyang hita. "Eh ikaw?" tanong n'ya habang binubuksan ang bote ng tubig.

"Meron na. Nasa loob na ng sasakyan," sagot ni Nina habang umiinom ng tubig ang kapatid. "Sige, kakain na rin muna ako. Pag natapos ka na, iflash mo yung ilaw mo para alam ko. Pag-alis natin dito, hihinto tayo sa unang gasolinahan na madadaanan natin. Basta sundan mo lang ako."

Tumango si Luna.

Matapos kumain ang magkapatid, muli nilang binaybay ang kalsadang pa Maynila. Bagama't hindi mawala sa isip ni Luna ang pag-aalala sa kaniyang ina at sa mga pangyayari, pinilit niyang labanan ito sa pamamagitan ng pakikinig ng musika sa radyo.

Ang mga masasayang awiting naglayag sa hangin ay bahagyang nagpakalma sa kaniyang maligalig na diwa. Nakatulong ito kahit papaano upang siya'y makapag-pokus sa daan at sa pagsunod sa kapatid. Ngunit makalipas ang mahigit isang oras, nang tugtugin ang isang awiting nakapagpaalala sa kaniya sa isang pamilyar na pambatang awitin, mabilis na dumapo ang kaniyang kamay sa switch ng radyo upang ito'y patayin. At ang kaba sa kaniyang dibdib ay muling nanumbalik.

Halina sa bukid tayo'y magmasid

Sa lilim ng buwan tao'y inilaan

Babaeng maputi sa lupa'y tinabi

Upang magdilig ng pulang tubig.

Ito ang kantang pumalit sa isipan ni Luna mula sa huling awiting narinig. Tila ba kahit anong gawin niya, pilit na bumabalik ang kaniyang diwa sa kaniyang mga alalahanin. Ang pagbagal ng andar ng mini van sa kaniyang harapan ay para bang humatak sa kaniyang isipan pabalik sa kasalukuyan.

Natanaw ni Luna ang karatula ng gasolinahan at sinundan niya ang dahan-dahang pagpasok ng mini van dito. Sumalubong ang isang binatilyong nakapula at ginabayan ang mini van papunta sa tapat ng gas pump. Maliit lamang ang gasolinahan na mayroong maliit na bukas na tindahan at isang banyo sa tabi. Tanging ang liwanag lamang sa tindahan at bubungan ng gasolinahan ang nagbibigay liwanag sa madilim na paligid. Sa mga sandaling iyon, walang ibang sasakyang nakaparada rito kun'di ang dala lamang ng magkapatid.

Habang nakahinto ang sasakyan ni Luna sa likuran ng mini van, kinapa niya ang bulsa ng kaniyang maong na shorts.

Bumilis ang pintig ng kaniyang pulso nang matuklasang wala pala siyang dalang pera. Hindi nga pala siya nakapagdala dahil sa sobrang pagmamadali. Ang labis na pagkataranta ay naging dahilan rin ng pagkalimot n'yang magdala ng sariling gamit. Doon niya naisip na hindi niya rin pala maisasakatuparan ang naunang plano niyang isakay ang mga kaibigan sa bus dahil wala siyang salapi. Ang tanging bagay lamang na kaniyang nadala bukod sa mga gamit ng kaibigan ay ang kaniyang telepono. Laking pasasalamat na lamang niya at kasama niya ang kapatid.

Pinaandar ni Luna ang sasakyan at ito'y pumarada sa gilid. Matapos pumwesto sa tabi ng isang posteng walang ilaw, binuksan niya ang kaniyang bintana at pinatay ang makina. At doon, hinintay niyang matapos magpagasolina ang kapatid.

"Ate," panimula ni Luna nang nilapitan siya ni Nina matapos pumarada sa tabi niya. "Wala pala akong dalang pera. Sa taranta ko kanina, di ko na naisip ang magdala rin ang aking gamit."

"Hindi bale, mayroon naman akong dala," tugon ni Nina. "Teka, magpapagas ka ba?"

"Oo sana," sagot ni Luna.

"Sa tingin mo ba hindi na tatagal ang pick-up ng kahit mga isang oras pang takbo?" tanong ni Nina.

"Tingin ko aabot pa ito, ate."

"Kung ganoon, hindi na natin kailangan pang pagasolinahan yan," wika ni Nina.

"Pero bakit?"

"Dahil hihinto tayo sa susunod na bayan. Mga trenta minutos ang layo dito. May inn doon na pwede nating tigilan upang magpalipas ng gabi."

"Pero, ate, hindi ba't mas maganda kung magpapakalayo-layo pa tayo? Mas maganda kung didiretso na tayo ng Maynila."

"Luna," humawak si Nina sa bintana ng pick-up. "Malayo ang pinanggalingan ko. Pagod na rin ako sa pagmamaneho. Kailangan ko ng pahinga."

Parang kinurot ang dibdib ni Luna nang marinig ang sinabi ni Nina. Sa ilang oras nilang magkasamang naglalakbay, para bang hindi man lang siya nagpakita ng malasakit ng hindi niya naisip ang pagod ng kapatid sa layo ng binyahe nito.

"At saka malayu-layo na rin tayo," dagdag ni Nina. "Tingin ko hindi na rin tayo basta-basta masusundan. At bukod doon, hindi tayo pwedeng dumiretso ng Maynila dahil hindi doon ang punta natin."

"Ha?" pagtataka ni Luna. "Eh saan ang tungo natin? Sa Baguio ba?"

"Hindi rin. Basta, bukas ko na lang ipapaliwanag. Sa ngayon ang mahalaga eh sumunod ka lang sa'kin," pagod na sagot ni Nina. "Teka, wala ka bang planong iunat ang mga binti mo? Matagal ka nang nakaupo d'yan sa loob ng sasakyan ah."

"Teka, lalabas ako, ate. Paraan muna," binuksan ni Luna ang pintuan ng sasakyan upang bumaba. "Paki bantayan muna sila sandali, ate. Mag babanyo lang ako."

Pagbalik ni Luna sa pick-up galing banyo, nagulat siya nang maabutan niyang hinahaplos ni Nina ang mga labi ni Marvin.

Ang Lihim ng LunangayinWhere stories live. Discover now