"Luna..." marahang sabi ni Isko.

Ramdam ni Luna ang pag-ikom ng kamao ng binata sa kaniyang likuran. Hindi na mahalaga pa sa kaniya kung ito ba'y tanda ng galit ng binata, konsensya o ano pa man. Ang tanging nasa isip lamang niya ay ang makumbinsing tulungan siya ni Isko.

Muli, pinahid ni Luna ng kaniyang mga kamay ang basa niyang mukha. Labag man sa kaniyang kalooban, tiningala niya si Isko at hinawakan ito sa pisngi. Ang luha sa kaniyang kamay ay malagkit na kumapit sa pisngi nito.

Dahan-dahan, tumingkayad si Luna upang abutin ang naghihintay na labi ng binata. Kasabay ng paglapat ng kanilang mga labi, siya'y pumikit.

Iyon ang kaniyang unang halik. Ang halik na pinangarap niyang magiging matamis at mananatiling sariwa sa kaniyang alaala sa paglipas ng panahon. Ang halik na ninais niyang ihandog sa taong mahal niya, na sa isang iglap ay maipagkakaloob lamang pala niya sa taong hindi niya iniibig.

Dama ni Luna ang mainit na pagtanggap ni Isko, at ang magaspang na mga kamay nito na unti-unting umaakyat sa kaniyang magkabilang braso. Batid ni Luna'ng ito ang nais ng binata. Kung kaya't ang marahang paglayo ni Isko sa kaniyang mukha, at pagtigil nito sa paghalik sa dalaga ay lubos na ipinagtaka ni Luna.

"Luna," mahinang bigkas ni Isko habang nakatitig sa mga malungkot niyang mga mata. "Hindi ka man magsalita, alam kong napipilitan ka lang na gawin ito," bumuntong hininga ang binata. "Oo mahal kita... mahal na mahal!" madiin niyang wika. "Pero hindi ko kayang pagsamantalan ang kahinaan mo sa panahong ito. Oo, matagal kong pinangarap na maangkin ka, pero hindi sa ganitong paraan. Kung ipagkakaloob mo sa akin ang iyong sarili, nais kong kasama nito pati ang iyong puso."

Hindi maipaliwanag ni Luna ang biglang paglukso ng kaniyang dibdib. Tila ba ang mga sinabi ni Isko ay nagbigay daan upang buksan niya sa binata ang dating nakapinid niyang puso.

"Isko..." ang tangi na lamang niyang nasambit.

"Luna," hinawakan ni Isko ang mga kamay ng dalaga. "Kaunti na lang ang nalalabi nating oras. Kailangan na nating kumilos."

"Oo, naiintindihan ko," tumango si Luna. "Maraming salamat, Isko..."

Mabilis na kumilos si Isko. Nilapitan niya agad ang inilapag niyang babae sa sahig.

"Luna," sambit niya nang lingunin ang dalaga. "Mauna ka ng bumaba. Ihanda mo ang sasakyan." Nang lumuhod si Isko upang buhatin ang babae, biglang nagsalita si Luna.

"Teka, sisilipin ko muna kung may tao sa baba,"

"Walang tao sa baba," wika ni Isko. "Ang sabi sa akin ng itay mo, si Lino lamang ang tangi kong maabutan sa baba. Kung kaya't pinapunta ko muna sa amin ang kapatid mo at sinabi kong makipaglaro muna kay Juan, para hindi naman niya makita ang gagawin ko sa mga kaibigan mo, at pagkuha sa Lunayin. Kaya bumaba ka na at ihanda mo na ang sasakyan."

Nang tumango si Luna, agad na isinampa ni Isko ang katawan ni Sabel sa kaniyang balikat na parang sako ng bigas. Nagmamadaling bumaba ng hagdan si Luna diretso sa sala. Tinungo niya ang maliit na bangang nakapatong sa lamesitang malapit sa TV at kinuha mula rito ang susi ng pick-up. Nang makita niya ang kaniyang cellphone sa tabi ng TV na nagchacharge, mabilis niya itong kinuha. Matapos non, dali-dali niyang tinungo ang pintuan at sagarang binuksan ito. Dito, hinintay niya si Isko. Hindi nagtagal at dumating ang binata, pasan sa balikat si Sabel na para bang hindi ito nahihirapan. Kita sa malalaking bisig ni Isko ang kaniyang lakas. Marahil ito'y dulot ng araw-araw niyang pagtatrabaho sa bukid.

Nang tuluyang makalabas si Isko ng bahay, hinabol niya ito. Iniwan niyang nakatiwangwang ang pintuan at mabilis na inunahan ang binata sa pagpunta sa pick-up na nakaparada malapit sa labasan ng bakuran. Mabilis niyang binuksan ang sasakyan sa likuran at tinulungan si Iskong maiupo ang walang malay na kaibigan.

"Tulungan na kita sa pagbubuhat," sabi ni Luna nang mailapag ni Isko si Sabel.

"Kaya ko na sila, Luna," tugon ni Isko bago ito tumalikod at mabilis na naglakad patungo muli ng bahay.

Hinabol ni Luna si Isko. Doon, napansin niya ang parihabang bagon na nakakabit sa kabayo na nakatali sa gilid ng haligi ng beranda. Iyon marahil ang sasakyan ng Lunayin – sa pagdala nito sa bukid.

Nang maabutan niya si Isko, "Sabay na ko sa'yo," sabi ni Luna sa mababaw na hingal, at binalewala na ang napansing karitela. "Kukunin ko lang saglit yung mga gamit ng mga kaibigan ko."

Nagmamadali ang kanilang mga paa paakyat ng bahay, kung kaya't malakas ang langitngit ng hagdanan. Nang marating ang silid na kinaroroonan ni Tina, agad na dinampot ni Luna ang dalawang bag ng mga kaibigan. Iniwan niya si Isko'ng isinasampa sa kaniyang balikat si Tina. Mabilis na pinuntahan ni Luna ang kabilang silid upang kunin ang mga gamit nina Marvin at Randy.

Nasa hagdanan na si Isko nang makalabas ng silid si Luna bitbit ang apat na bag. Ang mabigat na gamit ng mga kaibigan ay nagpabagal sa kaniyang pag-usad kung kaya't kahit anong pilit niyang habulin si Isko ay hindi niya ito maabutan.

Mabilis ang kilos ni Isko. Naisakay na niya si Tina sa likuran ng pick-up katabi si Sabel, habang si Luna ay papalapit pa lang ng sasakyan. Nagmamadaling sinalubong niya si Luna at tinulungan ito sa mga bag niyang dala.

Habang inaayos ni Luna ang mga gamit ng kaibigan sa loob ng sasakyan, si Isko naman ay tumakbo na pabalik muli nang bahay.

Si Marvin ang huling isinakay ni Isko sa pick-up. Bagamat kita sa mabilis na paghinga ni Isko ang pagkahapo sa ginawang pagbubuhat sa mga kaibigan ni Luna, mas napansin ng dalaga ang maliit na sariwang sugat sa noo ni Marvin na bahagyang dumurugo.

Tila ba napansin iyon ni Isko kung kaya't siya'y dagling nagsalita ukol dito.

"Pasensya na, Luna," huminga ng malalim si Isko. "Nauntog ang ulo nya – nung bumaba kami ng hagdan," huminga muli ng malalim si Isko at pagod na inilagay ang mga kamay sa kaniyang baywang. "Hindi ko na s'ya masyadong naingatan – dala ng pagod."

"Naiintindihan ko," mabilis na tugon ni Luna.

"Sige na, Luna, umalis na kayo habang may panahon pa."

"Ngunit kailangan ko munang mahanap ang inay. Kailangan ko siyang maitakas. Nasa peligro ang buhay n'ya sa gagawin kong ito. Nanganganib ang buhay niya dahil itatakas ko ang kapalit niyang Lunayin."

"Pero wala ng natitirang panahon para hanapin ang iyong inay, Luna. Anumang oras mula ngayon, maaaring may pumunta na rito upang alamin ang nangyayari. Kung bakit ang tagal ng pagbalik ko sa bukid gayong isang katawan lang naman ang kailangan kong dalhin."

"Ngunit hindi ko maaaring iwan ang inay," labis ang pag-aalala sa tinig ni Luna.

Bagama't nagulat si Luna nang bigla siyang yakapin ni Isko, hindi niya sinaway ang binata sa ginawa nito.

"Hahanapin ko ang inay mo," bulong ni Isko sa dalaga. "Ako nang bahala sa kaniya, at ako na ang bahala rito kaya 'wag ka nang mag-alala. Sa ngayon, ang kailangan mo ay umalis na rito sa barrio. Lumayo ka na habang wala pang nakakaalam ng pagtakas mo sa mga kaibigan mo. Dahil baka wala na akong magawa pa kung sakaling maabutan ka nila. Ayaw kong mapahamak ka kaya mas mabuting umalis ka na."

Ang Lihim ng LunangayinWhere stories live. Discover now