AANHIN NINO 'YAN?

2K 8 0
                                    

AANHIN NINO 'YAN?

Vilas Manwat Salin ni Luwalhati Bautista

Si Nai phan ay isa sa mga sikat sa kapit-bahayan. Hindi dahil isa siyang mananayaw na ang paa'y singgaan ng saboy ng bituin; hindi rin dahil ginawa niyang bukod-tangi ang sarili sa larangan ng pulitika o panitikan. Marahil, ang kanyang talino sa pagsasangkap sa isang masarap na luto ng sinangag ang kanyang naging tuntungan sa kawalang-hanggan, pero kahit hindi naging katangi-tangi ang nalalaman niya sa pagluluto, magiging tanyag pa rin siya, dahil handa niyang pahintulutan ang kanyang mga parokayano sa walang limitasyong pangungutang.

Mahilig siyang mamigay ng matamis sa mga bata nang hindi naghahanap ng pera. Mangyari pang dahilan ito lagi para magreklamo ang kanyang asawa, pero sasabihin niya: "Ang dalawampung satang na halaga ng matamis ay hindi ipinahihirap ng pamilya." Pag ang Than Khun, isang mataas na opisyal na naninirahan sa may iskinita, ay gusto ng isang masarap na kape, sasabihin nito sa anak: "Magdala ka rito ng kape mula sa tindahan ni Nai Phan. Marami siyang maglagay ng gatas; iisipin mong nag-aalaga siya ng baka para doon!"

Sa iskinita ding iyon naninirahan ang isang lasenggo na hilig nang lumitaw sa kaninan at tumula ng mga berso mula sa kwento nina Khun Chang at Khun Phaen; makikinig si Nai Phan nang taimtim ang atensyon. Matapos magpalabas, hihingi ang lasenggo ng isang libreng baso ng tsaang may yelo, na malugod namang ipagkakaloob ni Nai Phan, na may kasama pang doughnut para kumpleto.

Pag maulan, sasabihin ni Nai Phan sa mga estudyanteng dalagita: "Mga binibini, nahihirapan na kayo sa pagtatampisaw sa putik. Mula ngayon, pwede nyong bitbitin ang inyong mga sapatos hanggang sa aking tindahan at doon n'yo isuot." Lagi niyang binibigyan ang mga ito ng malinis na tubig para panghugas ng paa.

Pero eksakatong gabi-gabi, isasara niya ang kanyang tindahan. Sasabihin sa kanya ng mga kaibigan niya, "Dapat kang magbukas at magsilbi sa gabi; dyan maganda ang negosyo, mas madali kang yayaman."

Masayang tatawa si Nai Phan at sasabihin, "Mas masarap matulog kaysa magpayaman nang mabilis."

Ang sagot na ito'y may pinupukaw sa puso ng mga nakakarinig na mas mayaman kaysa kay Nai Phan, pero hindi pa rin kuntento sa yaman nila, bagkus ay nagkukumagkag pang magpundar ng mas malaki pang kayamanan.

Ang mga taong naninirahan sa iskinita, pauwi sa kani-kanilang bahay sa kalaliman ng gabi pagkaraan ng maghapong ginugol sa paghahabol ng pera, ay makatatanaw kay Nai Phan na nakahilig sa kanyang maliit na silyang de-tiklop, kuntentong nakikipag-usap sa asawa. At maiisip nila sa kanilang sarili, "Ang saya-saya nilang tingnan, malayo sa paghahangad sa kayamanan. Mas mabuti pa sila sa amin."

Isang gabi ay nagpunta sa sinehan ang kanyang asawa, at nag-iisia si Nai Phan. Papadilim na at naghahanda na siyang magsara ng tindahan nang mabilis na pumasok ang isang kabataang lalaki.

"Anong maipaglilingkod ko sa inyo sir?" Tanong ni Nai Phan. Sa halip na sumagot, naglabas ng baril ang estranghero at itinapat iyon sa puso niya. Hindi ito maunawaan ni Nai Phan, pero nadaman niya na hindi maganda ang mga pangyayari.

"Iabot mo ang salapi mo," marahas na sabi ng kabataang lalaki. "Lahat! Kung anuman meron ka. Mukhang patayan ang uso sa mga panahong ito; nagbabarilan ang mga tao sa iba't ibang dako araw-araw. Pag pinatay kita, wala nang ispesyal doon, at pag napatay mo ako, hindi na rin masyadong nakapagtataka, kaya bilisan mo na. pag hindi ko nakuha ang salapi, patitikimin kita ng mga bala."

Hindi nanginig si Nai Phan. Kalmante siyang nakatayo at sinabi niya sa tinig na parang nakikipag-usap lang; "Ibibigay ko sa'yo ang pera, pero hindi dahil sa baril mo, ibibigay ko sa'yo dahil mukhang kailangang-kailangan mo iyon. Baka nakasalalay dito'y buhay at kamatayan. Eto. . . lahat ng perang meron ako ay nandito. Kunin mo na at umuwi ka na agad. Sinong nakakaalam? Siguro'y may sakit ang iyong ina; baka nga maraming taong naghihintay doon, iniisip kung mag-uuwi ka ng pera o hindi. Maraming buhay ang maaaring mnakadepende sa pag-uwi mo na may dalang pera. Hindi ko sasabihin sa mga pulis. Mga siyam na raan ang cash dito; higit pa. . .kunin mo na."

MGA PANITIKANG FILIPINOTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon