"O baka dahil bato laman ng bungo mo?" ganti ko.

Nginisian niya lang ako. " Nagugutom ka ba?"

Tumango ako kaya kinuha niya ang isang supot ng pagkain na tinake-out galing restaurant. Ininit niya yun sa microwave na naroon saka hinanda sa harap ko. Habang ginagawa iyon ni Jave nakatanga lang ako sa kanya. Nakatitig lang ako sa mukha niya. Napahawak ako sa puso ko, hindi ko naman masisi ang puso ko kung umasa at tuluyang mahulog. Isang Jave Santillan ang kaharap ko, ang tingin ng lahat ng tao sa kanya ay masama. Walang siyang modo, walang manners, walang respeto sa kahit na sino at walang kinatatakutan. Pero si Jave Santillan para sakin ang guardian angel ko. Mamamatay ako kapag wala siya.

"Kain na.." untag niya. "Hoy! Anong bang tinitingnan mo sa mukha ko?"

Napatikhim ako sa hiya. Binaling ko sa pagkain ang mga mata ko. Ano ba 'tong puso ko ayaw pumirmi? Sabihin na nating guardian angel ko nga siya, pero naman, ang guardian angel na ito may mahal na at hindi ako yun. Yun ang masaklap na katotohanan.

"Ayaw mo ba ng pagkain?" tanong ulit niya.

"Ha?"

"Tsk. Gising ka na ba talaga? Dilat ang mata mo pero parang tulog ka. May masakit ba sayo, magsabi ka nga kasi!" may halong iritasyon na naman sa boses ng Paniki.

"Wala. Ok naman na ako." dinampot ko ang kutsara at sumubo mula sa mangkok ng soup na naroon. "Aww!" Napaso ang dila ko. "Ang init!"

Asar na napatitig lang sa akin si Jave. Inagaw niya ang kutsara mula sa akin. Naupo siya sa harap ko, nakapagitan sa amin ang maliit na mesa na nakaibabawa sa kama. Kumuha siya ng sabaw, hinipan muna iyon bago isubo sa akin. "Ako na. Ngumanga ka nalang diyan, dahil baka mapitik ko yang noo mo. Kanina ka pa wala sa sarili. May iniisip ka ba? Natatakot ka pa ba?"

Umiling lang ako.

"Sabi ko naman sayo, simula ngayon hindi na kita papabayaan. Wala nang masamang mangyayari sayo. Mamamatay muna ako bago pa may makapanakit sayo. Tandaan mo yan." seryosong turan ni Jave habang pinapakain ako.

His words were too good to be true. Sabihin na nating totoo, pero hanggang kailan? Hanggang sa pwede na niyang maging opisyal na girlfriend si Rianne? Panu kapag kinasal na sila? Kilala ko si Jave, hindi siya basta-basta papayag na mawala si Rianne sa buhay niya. Kaya siya masaya at nakakatawa ngayon, malamang dahil napigilan na niya ang engagement ni Rianne.

Nagulat ako at napapitlag nang dumikit ang daliri ni Jave sa gilid ng labi ko. Narealized kong tinatanggal lang niya ang sauce na dumikit doon, napanganga ako nang dalhin niya sa bibig niya ang daliring iyon.

"Bakit?" tanong niya malamang dahil nakatunganga ako sa ginawa niya.

Umiling nalang ako. Nagsimula na naman kasing kumabog ng malakas ang puso ko nakakabingi na.

"Jave...yung tungkol sa engagement ni Rianne.."

"Wag nating pagusapan yan."

Nanahimik ako. Ayaw niyang iupdate ako sa status ng lovelife niya ngayon. Hindi na ako nagtataka pagdating sa mga bagay na tungkol kay Rianne, napakamalihim niya.

"Kumain ka nalang para makalabas ka na dito. Aalis ako, kaya ayokong mag alala sa kalagayan mo habang nasa ibang bansa ako."

Susundan na niya si Rianne? Aalis na siya?? Biglang namuo ang luha sa mga mata ko. Nang pumikit ako biglang tumulo iyon. Nabitiwan ni Jave ang hawak niyang kutsara.

"Umiiyak ka ba?" tanong niya. Inangat niya pa ang baba ko para makita nang maayos ang mukha ko. "Alam mo ba kung anong ginagawa mo sakin ngayon, Alien?" aniyang nakatitig sa mga luhang nasa mata ko. "Tinatakot mo ko. Bakit ka ba umiiyak??"

"Wala.."

Asar niyang pinokpok ang mesa. Napakislot ako. "Gusto mo talaga akong mabaliw? Alam mo ba kung gaano ako nag aalala sayo ngayon? Masisiraan na ako ng bait sayo eh. Magsabi ka na, bilis na!"

"Bakit ka aalis? Susundan mo ba si... susundan mo ba siya...?"

"Sino?" kunot noong tanong ni Jave. "Si Rianne? Kaya ka ba umiiyak?"

"Hindi noh.." napakawalang kwenta ko talagang magsinungaling.

"Nasa Europe si Rianne, pupunta ako sa Korea. Dalawang araw lang naman ako doon. May gagawin lang ako, at para sayo yun."

"Ha?"

"Kailangan mo ng interview sa mga Princes of Hell di ba? Hindi kita pwedeng isama pero pwede kong gawan ng paraan na makapagvideo call interview ka sa kanila."

Napanganga na naman ako. Akala ko talaga nagloloko lang siya. Nagyayabang lang sakin. Pero seryoso siyang ginawan niya ng paraan ang interview?

"Sofia, makinig ka sakin ng mabuti." aniyang nakatitig sa mukha ko. "Lahat ng problema mo, lahat ng mga bagay na nagpapahirap sayo, lahat ng iniisip mo, gaano man yan kasimple o kakomplikado...sabihin mo lahat sa akin. Dahil yun lang ang paraan para mapangalagaan kita ng maayos. Wag mo akong pahirapang bantayan ka utang na loob!"

Lahat sasabihin ko?

Sasabihin ko din ba sa kanya na mahal ko siya? Sasabihin ko din ba sa kanya na nahihirapan akong pigilan ang nararamdaman ko sa kanya dahil ganito siya kabait sa akin? Sasabihin ko ba na pakiramdam ko mauuna akong mabaliw kesa sa kanya?

Kapag umamin ako sa nararamdaman ko kay Jave, kailangan ko nang umalis sa bahay niya. Kailangan ko na ding mawala sa buhay niya. Pwede niya akong maging kaibigan pero hindi na ako lalampas pa doon. Dalawa lang ang pwede kong pagpilian sa sitwasyon ko ngayon, manatili sa tabi ni Jave bilang kaibigan o ang umamin sa nararamdaman ko para makalaya. Anuman ang piliin ko, parehong ikamamatay ng puso ko.

She's The Bad Boy's PrincessOpowieści tętniące życiem. Odkryj je teraz