"Bakit, wala namang magsusumbong ah? Ikaw ba isusumbong mo ako?" tanong ni Sabel.

"Aba syempre hindi! Eh di pag nalaman pa nilang magkasama tayo eh di lalung lagut. Hindi na ako makakapunta pa sa inyo," sagot ni Randy. "Pero naman, maitatanggi n'yo ba na hindi kayo nagswimming kung pag-uwi nyo eh nangingintab na ang mga balat n'yo sa itim?"

"Hala, oo nga," pag-aalalang sagot ni Sabel sabay tingin sa kaniyang namumulang braso.

"Kaya dapat ngayon pa lang paghandaan na natin ang isasagot natin sa bahay," dagdag ni Randy.

Tok! Tok!

Tumingin ang lahat sa lalaking kumatok sa bintana ni Marvin.

"Automatic full tank aya wenno kayat yo nga napun-no launay?" Automatic full tank ba, o gusto n'yo siksik? tanong ng lalaki habang ibinababa ni Marvin ang bintana.

"Automatic, manong" sagot ni Luna.

"Nalpas-sen. 753 nga amin," Bale tapos na. Seven hundred fifty three lahat, tugon ng lalaki.

Dumukot ng pera sa bag si Luna at iniabot ito sa lalaki. Pagkakuha ng resibo, umalis na ang magkakaibigan.

Tahimik na bumiyahe ang lima. Sa isip ni Luna, maaaring pinag-iisipan na ng mga kaibigan niya kung ano ang sasabihin sa kanilang mga magulang oras na makauwi.

May liwanag pa sa paligid ng sila'y makarating ng Lunangayin. Pagkababa nila ng sasakyan, sinalubong si Luna ng kapatid niyang si Lino.

"Te! Te!" sigaw ni Lino habang tumatakbo papalapit sa kapatid.

"Oh, madapa ka," gulat na sabi ni Luna ng muntik ng matisod si Lino.

"Te!" masayang sambit ni Lino nang niyakap nito ang kapatid.

Gigil na niyakap pabalik ni Luna si Lino. "Ikaw talaga oh, muntik ka nang madapa doon ah. Sa susunod magdahan-dahan ka ha?"

Bumitaw si Lino sa kapatid. Tiningala niya si Luna at binigyan ng matamis na ngiti. "Karawan ko na, te," sabi ni Lino.

"Oo nga, bukas walong taon ka na!" sagot ni Luna.

"Uy, happy birthday!" bati ni Randy kay Lino.

Nahihiyang tumingin si Lino kay Randy.

"Oh, anong sasabihin mo?" tanong ni Luna kay Lino.

Bahagyang ngumiti si Lino kay Randy. "Lamat," mahinang wika ni Lino sabay takbo papasok ng bahay.

"Birthday pala bukas ng bunso mong kapatid," wika ni Tina. "Magcecelebrate ba kayo sa labas o maghahanda kayo rito sa bahay?"

"Dito lang kami sa bahay," sagot ni Luna. "Pero sa susunod na araw pa ang handaan."

"Ah ganun ba," sambit ni Randy. "Eh saan nga pala tayo bukas?"

Biglang natigilan si Luna at napatingin sa kaibigan, nag-iisip kung pano niya sisimulan ang sasabihin.

"Guys, nga pala," sabat ni Tina. "Magiging abala na kasi sina Luna simula bukas kaya naman bukas na rin ang uwi natin."

"Ha? Bukas na agad? Akala ko mga three to four days tayo rito?" reklamo ni Randy.

"Pasensiya na kayo ha," sagot ni Luna. "Tapos na kasi ang anihan. Marami kasing inaasikaso pagkatapos nito. Kailangan ko nang tumulong kaya hindi ko na kayo maasikaso."

"Ganun ba," malungkot na tugon ni Randy. "Eh di kailangan na pala nating iligpit yung mga sinampay nating damit kagabi na ginamit natin sa talon."

Napatingin ang magkakaibigan sa kaniya. "'Yon pa talaga ang naisip mo ha?" natatawang sabi ni Marvin.

"Aba syempre," sagot ni Randy. "Kaya't halika na. Isampay na natin 'tong mga basang damit natin ngayon at nang matuyo agad bukas ng umaga."

Nagtatawanang lumakad ang magkakaibigan patungo sa likurang bahay, bitbit ang plastic na pinaglalagyan ng kani-kanilang mga basang damit.

Matapos maligo't makapaghapunan, umakyat na ang apat sa kanilang mga silid. Nagpaiwan si Luna sa kusina upang tulungan sa pagliligpit ang kaniyang ina.

"Nasaan nga pala sina Manang Rita at Manang Lisa?" tanong ni Luna habang inilalapag ang mga pinggan sa lababo. "Pangalawang gabi ko na silang hindi nakikita ah."

"Pinauwi ko na sila at nang makapahinga," sagot ni Barbara. "Kahapon din, marami silang ginawa sa bukid kaya naman pinauwi ko din ng maaga. Alam mo naman ang anihan."

"Pasensiya na, inay, kung hindi ako nakatulong ngayong wala pa si ate."

"Huwag mong alalahanin 'yon. Alam naming ito na lang ang huling sandali na makakasama mo ang mga kaibigan mo kaya naiintindihan namin. Pasensiya na din, anak, kung kailangan mong lumipat ng eskwelahan."

May ibang pakiramdam si Luna nang sabihin iyon ng kaniyang ina. Para bang may halong lungkot at nagkukubling pagsisi ang mga salitang binitiwan ni Barbara.

"Naiintindihan ko, inay. Alam kong dahil sa mga nababalitaan n'yong gulo sa Maynila nitong mga nagdaang buwan, hindi n'yo maiwasan ang labis na pag-aalala tungkol sa akin."

Tumango na lamang si Barbara, at tumalikod, at tahimik na sinimulan ang paghuhugas ng mga pinggan.

Ang Lihim ng LunangayinWhere stories live. Discover now