Muling tumahimik ang dalawa. Sa pagdaan ng mainit-init na hangin, nalanghap ni Barbara ang simoy ng natutuyong talahib.

"Nakahanda na ba ang lahat para bukas ng gabi?" tanong ni Barbara.

"Malapit ng maayos ang lahat para bukas," sagot ni Berto. "Pinaghahandaan ko na rin ang para sa Lunayin."

"Natatakot ako, Berto, baka mapahamak ang anak nating si Luna. Marami ang mga kaibigan niya, baka mapagkaisahan siya at kung ano ang mangyari. Baka hindi natin makontrol ang sitwasyon ngayon."

"'Wag kang mag-alala –"

"Anong 'wag mag-alala?" pagputol ni Barbara sa asawa. "Hindi ba't iyan din ang sinabi mo sa akin noong nakaraang taon? Oh ano ang nangyari? Hindi na bumalik sa atin si Nina nang dahil doon. Iniwan na tayo ng tuluyan ng panganay natin!"

"Sige ipagsigawan mo pa ang paglayas ng anak mo," inis na wika ni Berto sabay tingin sa asawa, "para mapahamak tayong lahat."

Tumahimik si Barbara at pinagmasdan na lamang ang paligid. Doon, naalala niya ang paliwanag ng kaniyang asawa kay Tonio nang minsan itong nagtanong ng tungkol sa anak nilang si Nina.

Tonio, hindi totoong lumayas ang anak naming si Nina. Bakit naman siya lalayas eh narito kami. Narito ang pamilya n'ya. Hindi magagawa ng anak kong ipahamak ang pamilya n'ya dahil alam niya ang batas ng ating lugar. Alam mo, masyado lamang siyang abala sa pag-aaral kaya hindi na niya nagagawang umuwi rito. Alam mo namang pangarap niyang magtayo kahit maliit na paaralan dito sa atin upang hindi na lumayo ang mga bata.

Ang paliwanag na iyon ni Berto ang dahilan kung bakit nawala ang pagdududa ni Tonio sa kanilang pamilya: Si Tonio na namumuno sa kanilang barrio.

Hindi napigilan ni Barbara ang pagbuntong hininga, at hindi niya rin napigilan ang muling pagsasalita. Ngunit sa pagkakataong iyon, naging malumanay ang kaniyang tinig.

"Hindi ba pwedeng... tayo na lang ang gumawa? Kung bakit kasi, kailangan pang idamay ang mga anak natin sa –"

"Barbara!" mariing pagputol ni Berto sa asawa. "Tandaan mo kung bakit naging maayos ang pamumuhay natin simula noon." Bagamat pabulong itong sinabi ni Berto, ramdam ni Barbara ang diin sa bawat salitang binitiwan ng asawa.

Napapikit na lamang si Barbara at huminga ng malalim. Alam niyang tama ang sinabi ni Berto. Hindi niya lubos maisip na wala na siyang magagawa kundi tanggapin ang kanilang kapalaran.

"May obligasyon ang bawat isa sa ating barrio," mahinang wika ni Berto. "Ang mga anak natin ay nasa wastong edad na upang bumahagi sa responsibilidad na iyon."

Minulat ni Barbara ang kaniyang mga mata at bumaling ng tingin sa mga bulaklak sa hardin. "Minsan," panimula ni Barbara, "hindi ko na maintindihan kung bakit kailangan pa nating ipagpatuloy ang tradisyon. Marami ng inosente ang nadamay sa matagal na panahon. Hanggang kailan pa natin ito gagawin?" lumingon siya sa may pintuan, nagsisigurong walang ibang nakikinig. "Hanggang kailan natin itatago kay Lino ang tunay niyang pagkatao? O wala ka nang plano pang sabihin sa kaniya ang lahat? Bukas walong taon na siya. Ilang taon pa't mamumulat na ang kaisipan n'ya. Magtatanong kung bakit iba siya sa atin," tiningnan ni Barbara ang asawa, "Nakahanda ka ba sa isasagot mo sa kaniya? Paano mo ipapaliwanag ang mga bagay-bagay? Anong kasinungalingan ang sasabihin mo sa bata?" saglit na tumahimik si Barbara. "Minsan naiisip ko, ano kaya kung lisanin na lang natin ang lugar na ito. Magpakalayu-layo tayo –"

"Para ano?" mariing pagputol muli ni Berto sa asawa. "Para lang bumalik ang anak mo sa iyo? At pagkatapos non anong mangyayari sa atin? Iiwan natin ang mga ari-ariang pinamana ng mga ninuno natin? At anong ikabubuhay natin sa labas ng barriong ito? Naisip mo ba 'yon? Tandaan mo, ang sinumang umalis sa ating barrio at sumuway sa ating tradisyon ay makatatanggap ng malagim na kaparusahan."

"Ngunit hindi pa ba napapagod ang kalooban mo sa tuwing sasapit ang itinakdang araw?" nakakabagabag na tanong ni Barbara. "Oo't malaki ang ari-ariang ipinamana sa atin, ngunit kasama rin nito ang lumang tradisyong hindi makatao. Minsan, naiisip kong baka nga tama ang anak nating si Nina. Mali ang paraan nating ipagpatuloy ang tradisyon. Mali nga siguro na ipagpasalamat natin ang lahat sa Lunayin. Baka naman pwede nating ipagpaliban ang isang taong walang tradisyon upang malaman natin kung tama nga ba ang mga ninuno natin o hindi. Kung dapat bang ipagpatuloy pa ito o hindi. Kung kumbinsihin mo kaya ngayon si Tonio na wala munang –"

"Tumigil ka, Barbara!" galit na wika ni Berto na ikinagulat ng asawa. "Hindi ko alam kung anong ipinasok sa isip mo ng anak mong si Nina! Alam kong siya ang dahilan kung bakit naiisip mo na ang mga salungat na bagay na makakapagpahamak hindi lang sa pamilya natin kun'di na rin sa ating lugar. Simula nang tumuntong ng kolehiyo 'yang anak mo, nagbago na siya ng ugali. At ngayon ay naging suwail na! Isang malaking pagkakamali ang pag-aralin siya sa pamantasan!" gigil na wika ni Berto. "Hindi maaaring ipagpaliban ang nakatakda! Magpapatuloy ang tradisyong ito hanggang sa tayo'y pumanaw. Tandaan mo, utang nating lahat sa Lunayin kung bakit tayo'y patuloy na nabubuhay! Hindi natin pwedeng iwan ang lugar na ito. Dito tayo nabuhay, dito rin tayo mamamatay!"

Natahimik si Barbara. Ang matiwasay sana nilang pamamahinga matapos ang katatapos lamang na anihan ay nabahiran ng sama ng loob. Ang pagbabakasakali niya sa pagkumbinsi sa asawa ay naging dahilan pa para lubusang magalit si Berto sa panganay na anak.

Batid ni Barbara na ang malaking dahilan ng mariing pagtutol ni Berto sa pagtigil ng tradisyon ay dahil sa mga sakripisyong ginawa ng kaniyang pamilya noon pa man. Ang napakalaking sakripisyong ginawa ng kaniyang mahal na ina at lola ay mawawalan ng saysay kung ihihinto ang nakagisnang tradisyon.

Ang Lihim ng LunangayinWhere stories live. Discover now