"Ah," sagot ni Randy. "Eh 'di ayos lang naman pala iwanan ang mga gamit dito sa tabi."

"Pwede naman. Kaya lang para makasiguro, dahil may mga mahahalagang gamit tayong dala tulad ng cellphone at pitaka at susi ng sasakyan, mas mainam sigurong may maiwan dito sa mga gamit habang nasa tubig ang iba," sabi ni Luna. "Kaya mauna na kayo. Ako na muna ang magbabantay dito."

"Osige, salitan na lang tayo sa pagbabantay," sabat ni Tina. "Sa ngayon, maligo na 'yung gustong maligo. Sasamahan ko na muna si Luna rito."

Nagtanggal ng pang-itaas na damit sina Randy at Marvin, samantalang hindi na pinalitan ni Sabel ang kasuotang t-shirt at shorts. Bago pumunta sa tubig ang tatlo, nagpicture muna sila sa ilalim ng puno kasama sina Luna at Tina gamit ang cellphone ni Sabel. Matapos iyon, patakbong tinungo ng tatlo ang baybay-dagat, samantalang naiwan naman sina Luna at Tina.

"Ang ganda naman dito!" puri ni Tina sa paligid, at naupo siya sa tabi ni Luna. "Tahimik na, maputi at malinis pa ang buhangin."

"Oo. Isa ito sa paborito naming puntahan kapag tag-init," wika ni Luna habang pinagmamasdan ang asul na tubig sa dagat. "Pagkatapos ng buwan na ito, babalik kami rito. Sa ngayon kasi, abala pa ang mga tao sa bukid."

"Pasensiya na, Luna, kung nakakaabala kami sa inyo." sabi ni Tina. "Imbes na anihan lang ang aasikasuhin ng pamilya mo eh, nakadagdag pa kami."

"Ano ka ba. Wala 'yon," sagot ni Luna. "At saka kaunti na lang ang aasikasuhin ngayon sa bukid. Tapos na itong araw ang anihan."

"Eh 'di ibigsabihin, kailangan na pala naming umuwi?" tanong ni Tina na bahagyang ikinagulat ni Luna. "Hindi ba't nabanggit mo sa akin na dapat bago matapos ang anihan ay makabalik na kami ng Maynila dahil kailangan mo nang tumulong sa inyo at hindi mo na kami maaasikaso?"

Bumuntong hininga si Luna. "Gusto ko pa sana kayong makasama, kaya lang..." Malungkot na tumingin si Luna sa kaibigan. "Bukas, matapos makapananghalian, ihahatid ko na kayo sa terminal."

Makalipas ang ilang minuto, bumalik si Marvin sa kinaroroonan nina Luna dala ang cellphone ni Sabel.

"Oh, tapos na 'kong maging official photographer ng dalawa doon. Tapos na daw ang business ko don kaya pwede na akong bumalik dito para palitan kayo." Binuksan ni Marvin ang bag ni Randy at isinilid ang cellphone. "Sige na, pumunta na kayo don. Bilisan n'yo at nagpapasama na don si Randy at baka raw mapagsamantalahan s'ya ni Sabel," nakangiting sabi ni Marvin sa dalawa. "Ako muna ang bahalang magbantay dito."

"Kayo na lang ni Tina. Ako na ang magbabantay dito," sagot ni Luna.

"Sigurado ka?" tanong ni Tina.

"Oo. Babalik pa naman kami rito."

Nagtinginan sina Tina at Marvin. "Samahan ko na lang muna rito si Luna," sabi ni Marvin sa kasintahan.

"Osige, puntahan ko na sina Sabel doon," sagot ni Tina, at siya'y lumakad na patungo sa dalawa.

"Ano bang pwedeng kainin d'yan?" tanong ni Marvin kay Luna habang nauupo sa tabi niya.

"Merong tayong kanin at ulam, sandwich at prutas. Anong gusto mo?" tanong ni Luna.

"Ikaw," sagot ni Marvin.

Namula si Luna. Hindi niya inaasahang sasabihin iyon ni Marvin. Pakiramdam niya ay umakyat sa lalamunan ang kaniyang puso. Hindi niya alam kung anong isasagot sa binata na pirming nakatingin sa kaniyang mukha.

"Ha?" Ang tangi lamang nasambit ni Luna. Ramdam niya ang tibok ng kaniyang dibdib na mabilis pa sa alas kwatro.

"Ikaw," pag-uulit ni Marvin. "Ano bang masa-suggest mo? Magsnack lang muna ba o lunch na?"

Biglang nakahinga ng maluwag si Luna at ngumiti sa kaibigan. Assuming ka din, Luna, ano? Sabi niya sarili. Mafeeling ka rin talaga, ano?

"Ah, eh, mag-sandwich ka na lang muna. Tapos sabay-sabay na tayo mananghalian maya-maya pag-ahon nila."

Umiwas ng tingin si Luna at kumuha na lamang ng tinapay sa basket. Nang iabot niya ito kay Marvin, hinawakan ng binata ang kaniyang kamay.

"Salamat," wika ni Marvin, at dahan-dahang binawi ni Luna ang kaniyang kamay. "Ang laki pala nito. Hati na lang tayo."

"Ha? Sa'yo na lang. Mamaya na lang ako kakain," sagot ni Luna.

Inalis ni Marvin ang plastic ng tinapay at kinagat ito. "Masarap pala itong gawa mong sandwich. Ito ang pinakamasarap na tinapay na natikman ko!"

Natawa si Luna. "Ang galing mo ring mambola ha, eh cheez whiz lang naman ang palaman n'yan."

Humalakhak si Marvin. "Hindi ako nagbibiro. Eto oh, tikman mo." Inilapit ng binata ang tinapay sa bibig ni Luna.

Kinabahan si Luna habang pinagmamasdan ang nakagatang tinapay ni Marvin.

Kapag kinagat ko ito, para ko na rin siyang hinalikan! Pilit niyang pinipigilan ang kilig na nadarama. Pero hindi ito pwede. Parang pinagtaksilan ko na rin ang kaibigan ko sa paraang ito. Pero teka, matatawag mo bang pagtataksil ang pagkain ng tinapay. Tinapay lang naman yan! Nagtatalo ang isip ni Luna. Eh kahapon nga nung aktong akala ko eh hahalikan ako ni Marvin eh parang hindi naman ako tutol. Tapos ngayon tinapay lang? Ano ba Luna!

Dahan-dahang hinawi ni Luna ang kamay ni Marvin.

"Hay nako, ubusin mo 'yan," umiwas si Luna sa tingin ng binata. Napagdesisyunan niyang tigilan na ang pangangarap pa ng tungkol kay Marvin.

Ang Lihim ng LunangayinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon