"Ah ganun ba," wika ni Marvin. "Ang laki siguro ng lupain n'yo. Pwede ba naming puntahan 'yon?"

"Ha?" gulat na sagot ni Luna. "Ah, eh... saka na lang siguro. Sa ngayon kasi masyadong abala ang mga tao doon, hindi nila tayo maaasikaso."

"Hindi naman nila tayo kailangang asikasuhin. At saka sisilip lang naman kami."

"Ah, eh... saka na lang, kasi... maraming kalat ngayon doon. Masyado pang magulo," pag-aalinlangang sagot ni Luna.

Hindi na nagpilit pa si Marvin, bagkus, siya ay nagpaalam na kay Luna at tinungo na ang palikuran.

Umakyat si Luna sa kaniyang silid. Binuksan ang sliding screen ng bintana at isinampay sa lubid na sampayan sa may labas nito ang basang tuwalya. Pagkatapos niyang suklayin ang mahabang itim na buhok, lumabas siyang muli ng kuwarto at tinungo ang mga kaibigang babae.

Akmang kakatok pa lamang si Luna sa silid nina Tina ng bigla itong bumukas. "Oh, gising na pala kayo," sabi ni Luna.

"Ginising kami ni Randy," wika ni Tina na may dala-dalang damit at tuwalya. "Sabi niya mauna na raw kaming gumayak dahil napakabagal daw namin. Kaya eto, mauuna na'kong maligo."

"Baka gusto n'yo munang kumain bago gumayak?" tanong ni Luna sabay tingin kay Sabel na nakaupo sa kama at naghihikab.

"Hummm... mamaya na lang, Luna," inunat ni Sabel ang mga braso. "Maliligo muna kami."

"Osige. Hintayin ko na lang kayo sa baba. Halika na, Tina, sabay na tayo bumaba."

Dumiretso si Tina sa likod-bahay, samantalang si Luna ay pumunta naman sa beranda upang makalanghap ng sariwang hangin. Pagdating doon, hindi niya inaasahang makita si Marvin na nakasandal sa may haligi, at nakamasid sa paligid.

Saglit na pinagmasdan ni Luna ang matikas nitong katawan habang nakatalikod.

"Narito ka pala," wika ni Luna sabay tulak sa screen ng pinto, at saka lumabas.

Nilingon ni Marvin si Luna at ngumiti. "Ang lawak pala ng bakuran n'yo," sabi niya. "Ang layo ng pagitan sa kapit-bahay."

"Hindi ba ganito sa probinsya n'yo?" tanong ni Luna.

"Sa Cavite? Ah hindi. Parang Maynila na rin sa lugar namin. Bukod sa tabi-tabi ang bahay, matraffic at maingay na rin. Hindi katulad dito sa inyo na tahimik, malawak at malinis ang paligid," sabi ni Marvin. "Kaya lang, hindi ba kayo nahihirapan dahil wala kayong kuryente? Kung kami kasi, magbrown-out lang ng ilang oras sa'min hirap na kami. Kayo pa na simula't sapul wala ng kuryente?"

"Sanayan lang," tugon ni Luna. "Pero nanibago  na rin ako simula nung tumira ako ng Maynila. Kapag bagong uwi ako rito pag bakasyon, hinahanap-hanap ko ang liwanag na mayroon sa Maynila. Pero paglipas ng ilang araw, pag nakapag-adjust na ang mga mata ko, nasasanay na uli ako sa dilim."

"Matanong ko nga pala, napansin ko kasi yung maliit na TV sa sala kanina. Gumagana ba 'yon o display lang?" tanong ni Marvin.

Natawa si Luna. "Gumagana 'yon," sagot n'ya. "Binubuksan namin 'yon paminsan-minsan. Ikinakabit 'yon ni itay sa baterya ng sasakyan. Si ate, simula ng makatuntong ng Maynila, kapag bakasyon at narito sa bahay, kahit umaga nakabukas ang TV. Maaksaya sa baterya, pero hinahayaan lang nina inay."

"Nasaan pala ang ate mo? Kailan s'ya uuwi rito sa inyo?"

"Ah, hindi nabanggit ni inay kung kelan ang uwi ni ate. Baka may inaasikaso pa siguro s'ya sa Baguio," hindi tiyak na sagot ni Luna, sapagkat simula noong Disyembre ng nakaraang taon ay naputol na ang kumunikasyon nilang magkapatid. Tila ba nagpalit ng numero ng telepono ang kaniyang ate ng hindi man lang pinapaalam sa kanila.

"Pero bakasyon na rin nila, 'di ba?" tanong ni Marvin.

"Oo. Bakasyon na rin nila," sagot ni Luna base sa kaniyang alam. "Kaya lang graduation na nila itong Mayo. Siguradong marami siyang inaayos para sa preparation nila sa graduation." Iyon ang huling taon ng kaniyang nakatatandang kapatid sa pag-aaral sa unibersidad, kung kaya't ipinalagay niyang nag-aasikaso ang kaniyang ate para sa patatapos nito.

"Ganun ba," sabi ni Marvin sabay tanaw muli sa paligid.

Lumakad ang binata palabas ng beranda at tinungo ang mga kumpol ng bulaklak sa gilid ng hardin. Lumingon ito kay Luna at nagpaalam sa pagpitas ng bulaklak.

"Pwede ko bang kunin ang isang tangkay nitong rosas? Gusto ko sanang bigyan si Tina."

Bagamat may kurot ng pagseselos sa puso ni Luna, walang pag-aalinlangan niyang sinagot ang binata.

"Oo. Walang problema." Kahit na may natatago siyang pagtingin sa binata, hindi nito madadaig ang pagmamahal niya kay Tina – ang matalik niyang kaibigan.

Pinitas ni Marvin ang rosas gamit ang maliit na kutsilyong nakatusok sa lupa ng paso, at pagkatapos noon ay nilapitan niya si Luna at nagpasalamat.

"Salamat, Luna. Matutuwa si Tina rito." Hinaplos ni Marvin ang pisngi ni Luna bago ito pumasok ng bahay.

Naiwang nakatingin sa may pintuan si Luna, dinarama ang bakas ng haplos ni Marvin sa kaniyang mukha.

Bakit ba napakalambing mo? Sana masama na lang ang ugali mo. Ang hirap mahulog sa isang taong hindi ka naman pwedeng saluhin, sabi niya sa isipan.

Paglipas ng ilang saglit, matapos mapagod ang isip ni Luna sa pangangarap ng isang bagay na malayo sa katotohanan, naupo siya sa mahabang upuan sa beranda at pinagmasdan ang paligid.

Katulad din nitong paligid ko, mananahimik din itong puso ko. Lilipas din itong nadarama ko sa oras na ako'y tuluyang lumayo.

Sa pagbuntong hininga ni Luna, isang makinang na bagay ang kaniyang napansin sa mabatong lupa. Lumabas siya ng beranda at nilapitan ito. Kunot noong yumuko si Luna at inaninag ito.

"Ah! Ito yung ipit ni Sabel," bulong niya sa sarili. Nang kaniya itong damputin, nakita niya ang isang buto ng daliring nasa ilalim nito. Nagulat si Luna at naalala ang takot sa mukha ni Sabel kagabi.

Dali-daling kinuha ni Luna ang buto. Naisip niyang lumabas ng bakuran upang ibaon ito sa may ugat ng malaking puno sa labas, ngunit nang siya'y magsisimula pa lamang humakbang palayo, narinig niya ang tinig ng kaibigang si Tina.

"Luna!" sigaw ni Tina.

Lumingon si Luna at nakita ang kaibigang papalapit sa kaniya. Sa pag-aalalang makita ni Tina ang hawak niyang buto, ito'y kaniyang ibinulsa.

"Oh, nakabihis ka na pala," bati ni Luna. Pilit niyang itinatago sa kaniyang mga ngiti ang pangambang bumabagabag sa kaniya, habang hawak parin niya ang buto ng daliri sa kaliwang bulsa.

"Oo. Minadali ko ang paliligo at marami pang susunod sa'kin," sagot ni Tina. "Ano kaya kung maghain na tayo. Nagrereklamo na kasi itong si Randy at gutom na raw siya," sabi pa niya. "Teka, ano 'yang hawak mo?"

Kinabahan si Luna sa tanong ng kaibigan. "A... alin?" pautal niyang sagot.

"Ayan oh!" sabi ni Tina sabay hawak sa kamay ni Luna na ikinagulat niya. "Oh, nakita mo na pala yung clip ni Sabel," bunyag ni Tina ng makuha ang ipit mula sa kanang kamay ni Luna.

"Ah... Oo," nakahingang sagot ni Luna. Lumuwag ang kamay niyang nakahawak sa buto sa loob ng kaniyang bulsa.

"Halika na. Tulungan  na kita sa paghain ng tanghalian," yaya ni Tina.

Ang Lihim ng LunangayinWhere stories live. Discover now