Huminga ng malalim si Luna. "Gusto ko nga rin sana magstay, kaya lang kailangan ko na talaga lumipat. Naayos na nila itay ang paglipat ko, yung mga records sa school na lang ang kulang. Galing ako sa office ni Dean kanina, pero hindi ko nakita si Sir Santi."

"Gusto mo bang dumaan muna bukas dito sa school bago tayo umalis? Siguradong narito bukas si Sir dahil next week pa ang bakasyon ng faculty."

"Hindi na siguro. Wala naman sigurong importanteng sasabihin pa si Sir dahil nairelease na ng school ang records ko. Wala na akong kailangang kunin pa."

Tumahimik ang dalawa na para bang wala ng mapag-uusapan. Malapit nang magdilim ngunit mainit pa rin sa balat ang hangin. Hinawi ni Tina patungo sa kabilang balikat ang mahaba niyang buhok, at saka ito itinali. Sumilip ang maputing leeg ng dalaga habang nag-aayos ng kaniyang buhok.

"Malayo ang lugar namin, Tina. May oras pa para magbago ang isip n'yo," mahinang sabi ni Luna.

"At bakit naman magbabago ang isip namin? Pagkatapos naming mag-ipon, mag-budget at mag-abala sa pagkuha ng masasakyan, ngayon pa kami aatras?" sagot ni Tina. "Teka, bakit ba parang biglang ayaw mo na kaming sumama sa'yo? Ikaw itong excited nung una, tapos ngayon parang nagbabago ang isip mo. Ayaw mo na siguro talaga kaming kasama!" may bahid ng inis ang tinig ni Tina.

"Hindi naman sa ganun. Kaya lang naisip ko, bakit hindi muna kayo umuwi sa inyo bago mamasyal? Baka kasi mag-alala ang mga magulang n'yo sa hindi n'yo pag-uwi agad gayong simula na ng bakasyon."

"Ano ka ba! Nagsabi na kami sa mga parents namin na kailangan pa namin magstay dito sa Maynila ng mga isang linggo pa dahil may aasikasuhin pa sa school. Nagawa naming magsinungaling para naman di sila mag-alala. At saka alam mo kasi, kung uuwi muna kami, hindi na kami makakasama sa iyo ano! Hindi naman kami papayagan ng mga parents namin na basta na lang magbyahe ng napakalayo. Ang layo kaya ng lugar n'yo!" tugon ni Tina. "Ito na nga lang din ang pagkakataon na makakasama ka pa namin kahit papano, palalampasin pa ba namin 'yon? At saka gusto din naman naming makapasyal sa lugar na hindi pa namin napupuntahan bago man lang kami maghiwahiwalay itong bakasyon."

"Pero –"

"Wala ng pero pero," pagpuputol ni Tina. "Basta, gusto naming maging memorable ang bakasyong ito kasama ka," sabay pisil ni Tina sa pawisang kamay ng kaibigan. "Oh, heto tissue para sa kamay mo."

Kinuha ni Luna ang malambot na papel na iniabot ni Tina. "Salamat," wika niya. Bago niya tuluyang pinunasan ang mga basang kamay ay idinampi muna niya ang tissue sa noo niyang bahagyang namamawis.

Umihip ang mainit na hangin sa kanilang mga mukha at nilanghap ni Luna ang amoy ng siyudad na kaniyang pinamalagian sa loob ng dalawang taon. Ang siyudad na una niyang kinatakutan at inayawan dahil sa ingay, gulo at polusyon. Malayung-malayo sa kinalakihan niyang matahimik, simple at malinis na barrio. Bukas ay aalis na siya, lilisanin ang lugar na napamahal na sa kaniya. Ang tanging matitira na lamang ay ang mga masasayang alaala.

Tumigil ang magkakaibigan sa harapan ng isang kainan sa labas ng campus. Pumasok sila rito at saka nilapitan ang mga kalderong nakapatong sa mahabang lamesa.

"Ano sa inyo?" tanong ni Aling Bising sa paos na boses, habang abala sa pagliligpit ng mga pinagkainan sa kabilang lamesa.

"Budget meal ulit, manang," sagot ni Randy.

"Hoy, Mara!" sigaw ni Aling Bising sa patpating dalagitang kasama - na nakatanghod sa harapan ng TV hindi kalayuan sa kaniya. "Asikasuhin mo nga muna ang mga bumibili, mamaya na 'yang drama drama na 'yan!"

"Opo," pakamot na ulong sagot ng dalagita.

Naupo ang magkakaibigan sa isang lamesang malapit sa kinaroroonan ni Aling Bising.

"Aling Bising," tawag ni Randy. "Anong pasalubong ang gusto n'yo? Babalik uli kasi ako dito next week."

Nilingon ni Aling Bising si Randy. "Aba'y gusto ko sana ng daing tulad nung binigay mo sa'kin noon."

"Iba na lang. Ayaw ko na magdala non dahil maamoy."

"Hay nako, 'wag na lang kaya!" sabay ismid ni Aling Bising kay Randy. Sumayaw ang maikli't maputi niyang buhok nang ito'y mahanginan ng electric fan.

"'Wag ka na magtampo, Aling Bising. Sige, dadalhan na lang kita ng minatamis. Di ba paborito mo ang matatamis?"

"Minatamis?" Muling humarap si Aling Bising kay Randy. "Eh mas masarap ang daing sa inyo kesa sa minatamis."

Natawa si Randy sa sinabi ng matanda. "Hindi pa ako uuwi sa'min, kaya iba na lang ang ipapasalubong ko sa inyo. 'Wag kang mag-alala, maraming masasarap na minatamis sa pupuntahan naming lugar. Dadalhan kita ng marami, basta ba pagpunta uli dito ni inay sa enrollment eh ibibida n'yo ako sa kaniya ha? Sabihin n'yo good boy ako ha?" sabay kindat ng binata.

"Ikaw talagang bata ka oh! Aba'y saan ba ang tungo n'yo?" usisa ni Aling Bising.

"Sa lugar ng kaibigan namin. Sa Lunangayin," sagot ni Randy.

Halata ang pagkagulat ng matanda sa sinabi ng kausap. "Sinong... sinong taga – Lunangayin?" nag-aalangang tanong niya.

"Si Luna po," sagot ni Randy sabay turo sa kaibigang kaharap niya.

Napansin ni Luna ang matalim na tingin ng matanda sa kaniya. May kakaibang pakiramdam ang dalaga sa matandang kailan lamang naipakilala sa kaniya ng kaibigang si Randy. Kaarawan niya noon, at biniro ni Randy ang matanda na magbigay man lang ng special treat sa dalaga. Kahit na matagal nang nakikita ni Luna ang matanda, noon pa lamang siya naipakilala rito. At kahit na madalas nakasimangot ang matanda, mabuti naman ang pakikisama niya sa kanilang magkakaibigan. Marahil siguro'y matagal na niyang kakilala sina Randy, Marvin at Sabel na madalas kumakain sa kaniyang kantina.

"Bakit ho, Aling Bising? Alam n'yo po ba ang lugar na iyon?" tanong ni Sabel habang inaayos ang makintab niyang ipit sa kanang bahagi ng maikli niyang buhok. "Nakapunta na ba kayo doon?"

"Ah, eh... hindi naman. Naririnig ko lang... narinig ko lang yung lugar na Lunangayin," sagot niya. "Eh kailan ba ang tungo n'yo roon?"

"Bukas na," sagot ni Randy. "Gusto n'yo bang sumama? Tara, ililibre kita," tumawa si Randy na ikinagulat naman ni Mara. Muntik tuloy mabitawan ng dalagita ang hawak na dalawang platong kanin sa harapan ng binata.

"Hay nakung bata ka!" inis na sabi ni Aling Bising kay Randy sabay talikod dito. Kinuha niya ang mga hugasing pinggan at tumungo sa bukas na kusina.

"Tigilan mo na nga si Aling Bising at baka naman mapikon na 'yon," babala ni Marvin sa tumatawang si Randy.

Nang magsimulang kumain ang magkakaibigan, pasimpleng sumulyap si Luna sa pintuan ng kusina. Doon ay namasdan niyang muli ang mga matatalim na tingin ni Aling Bising sa kaniya.

Ang Lihim ng LunangayinWhere stories live. Discover now